settings icon
share icon
Tanong

Sino ang lalaking suwail sa 2 Tesalonica 2:1-12?

Sagot


Ang lalaking Suwail sa 2 Tesalonica 2:1-12 ay ang Antikristo na darating sa mundo sa pasimula ng Araw ng Panginoon. Minsan, ang Araw na ito ay tinatawag ding “mga huling panahon,” na nagsisimula pagkatapos ng rapture o pagdagit sa mga mananampalataya sa 1 Tesalonica 4:13–18 (tingnan ang 1 Tesalonica 5:1–11). Magandang tandaan na ang Araw ng Panginoon ay hindi isang yugto ng 24 oras; sa halip, ito ay isang mahabang yugto ng panahon na kasama ang pitong taon ng kapighatian, ang muling pagparito ni Cristo para wasakin ang lahat ng pagaalsa laban sa Kanya, ang 1,000 taon ng paghahari ni Cristo dito sa lupa at ang ganap na pagkatalo ni Satanas, at ang Paghuhukom sa Dakilang Puting Trono.

Ang Antikristo ay binigyan ng titulong “ang lalaking Suwail” dahil lalababan Niya sa lahat ng paraan ang Diyos ng Bibliya at ang Kanyang Kautusan. Ganap siyang walang galang sa kahit anong kautusan. Inilalarawan sa Daniel 7 ang lalaking ito na isang haring “palalo” na susubukang baguhin ang mga takdang kapanahunan at kautusan (talata 11 at 25). Darating Siya na nagaalok ng huwad na kapayapaan sa mundo at gagamitin ang kanyang karismatikong personalidad, mga kahanga-hangang pangako, at kagila-gilalas na mga himala para pagkaisahin ang lahat ng bansa sa pulitika, ekonomiya, at relihiyon sa ilalim ng kanyang pamumuno. Gayundin naman, makikipagkasundo siya sa Israel sa loob ng tatlo at kalahating taon (tingnan ang Daniel 9:27). Sa kalagitnaan ng pitong taon, ang laking suwail na ito ay sisira sa kanyang kasunduan sa Israel, patitigilin ang kanilang mga paghahandog (Daniel 9:27), at papasok sa templo para ipakilala ang kanyang sarili bilang “diyos” at magpapasamba sa mga tao (2 Tesalonica 2:4). Ito ang “kasuklam-suklam na kalapastanganan” na tinalakay ni Jesus sa Markos 13:14.

Kikilos si Satanas sa pamamagitan ng Antikristo dahil hindi niya kayang magkatawang tao. Sa pamamagitan ng pagsapi at pagkontrol sa Antikristo, sasambahin si Satanas sa templo kung saan sinasamba ang tunay na Diyos. Hindi kataka-taka na ang Antikristo ay tinatawag na lalaking suwail. Ang magpanggap na “diyos” ang pinakaultimong pagtanggi sa tunay na Diyos, sa Kanyang katangian at sa Kanyang mga Kautusan.

Ang gawaing ito ng Antikristo ang magiging dahilan ng kaguluhan sa kanyang pangbuong mundong kaharian at ang mga puwersa mula sa Silangan ay magtitipon para siya labanan. Pero sa halip na maglaban, ang mga hukbong sandatahan ng mundo ay magkakaisa para labanan ang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga panginoon na darating para talunin ang lalaking suwail na ito at ang kanyang mga kaalyado sa Dakilang Digmaan na tinatawag na Armagedon (Pahayag 16:16; 19:19). Siyempre, matatalo ang lalaking suwail sa labanang iyon. Pagkatapos, siya at ang kanyang bulaang propeta ay itatapon sa lawang apoy (Pahayag 19:20). Ang Salita ng Diyos (Pahayag 19:13), Si Jesu Cristo ang magwawagi.

Ang isang mabilis na obserbasyon sa mga nangyayari sa ating mundo ngayon ay nagpapakita na ang paglaban sa Diyos ay palala ng palala. Ang ganitong kawalan ng paggalang sa kautusan ay magpapatuloy at lalawak pa (2 Timoteo 3:13) at kung dumating na sa eksena ang lalaking Suwail, tatanggapin siya ng mundo ng bukas ang mga kamay. Ang mga tumanggi sa tunay na Prinsipe ng Kapayapaan, ang Panginoong Jesu Cristo, ay maniniwala sa hungkag na pangako na kapayapaan ng Antikristo. Napakahalaga na tiyak ng bawat isa sa atin na kinilala natin si Cristo bilang ating personal na Tagapagligtas at namumuhay tayo para sa Kanya. “Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari” (Markos 13:33).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang lalaking suwail sa 2 Tesalonica 2:1-12?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries