settings icon
share icon
Tanong

Paano magiging perpekto ang langit kung hindi natin makakasama doon ang ating mga mahal sa buhay?

Sagot


Ang salitang perpekto ay nagpapahiwatig ng ideya ng pagiging kumpleto at kawalan ng anumang pagkukulang. Kung perpekto ang isang bagay, ito ay kumpleto. Kaya nga paano magiging kumpleto ang langit kung hindi makakapunta doon ang ibang tao? Hindi ba't magiging mas maganda ito kung naroroon ang lahat ng ating mga mahal sa buhay?

Ang ating Diyos ay perpekto (Awit 18:30). Ang tahanan ng Diyos ay perpekto. Ang planong pagliligtas ng Diyos ay perpekto. Sa plano ng Diyos (na perpekto) ipinagkaloob Niya ang katuwiran ni Kristo sa lahat ng nagtitiwala sa Kanya. Ano ang mangyayari sa mga taong hindi nagtiwala kay Kristo? Tinatanggihan nila ang perpeksyon, tinatanggihan nila ang tahanan ng Diyos, at tinatanggihan nila ang Diyos mismo. Gaya ng sinasabi sa Juan 3:18, "Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios." Kung pipilitin ng Diyos ang tao na maniwala, tanggihan ang kasalanan at sampalatayanan si Kristo, masisira ang perpeksyon ng langit.

Sa pagdating natin sa langit, ganap na mababago ang ating pananaw. Ang ating limitado at makalupang pananaw ay papalitan ng isang banal at makalangit na pananaw. Patungkol sa walang hanggang kalagayan ng mga mananampalataya sa hinaharap, sinabi ng Kasulatan, "papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na." Ang pagalaala sa mga nawawala nating mahal sa buhay sa langit ay papasok sa kategorya ng hirap at dalamhati. Maaaring mawawalan na tayo ng kaalaman o ng alaala patungkol sa kanila. Maaari ding magkakaroon tayo ng pangunawa kung paanong ang hindi nila pagpunta doon ay makaluluwalhati sa Diyos. "Sapagka't ngayo'y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni't pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo'y nakikilala ko ng bahagya, nguni't pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin" (1 Corinto 13:12). Sa ngayon, tinatanggap natin sa pamamagitan ng pananampalataya na totoo ang sinasabi ng Diyos patungkol sa langit at mararanasan natin ang perpeksyon sa buong walang hanggan.

Para sa isang maiksing paglalarawan sa langit, tingnan ang Pahayag 21—22. Ang lahat ay gagawing bago; ang lahat ng bagay doon ay kahanga-hanga, maluwalhati at pinagpala. Kabilang tayo doon. Ang ating mga katawan, kaluluwa at espiritu ay ganap na pagpapalain. Hindi na magkakaroon pa ng kasalanan at ang ating mga pagiisip ay magiging ganap at kasang-ayon ng isip ng Diyos (1 Juan 3:2). May planong kaaliwan ang Diyos para sa Kanyang bayan (Isaias 40:1), at pagiging ganapin ang Kanyang mga tinubos (Hebreo 10:14), at pagkakalooban sila ng lahat ng mga bagay para sa walang hanggan (Awit 23:6).

Sa ngayon, ang ating atensyon ay hindi dapat sa kung paano natin mararanasan ang kasiyahan sa walang hanggan kung wala doon ang ating mga mahal sa buhay; sa halip, dapat nating pagtuunan ng pansin ang pagpapahayag ng Ebanghelyo sa ating mga mahal sa buhay upang sila man ay makapunta rin sa langit.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano magiging perpekto ang langit kung hindi natin makakasama doon ang ating mga mahal sa buhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries