- Ang mga lansangan ba sa langit ay literal na ginto?
settings icon
share icon
Tanong

Ang mga lansangan ba sa langit ay literal na ginto?

Sagot


Ang gintong lansangan sa langit ay laging binabanggit sa mga kanta at tula ngunit mahirap matagpuan sa Bibliya. Sa katotohanan, may iisa lamang talata sa Kasulatan kung saan tinukoy na ang lansangan sa langit ay yari sa ginto at iyon ay sa Banal na Lunsod sa Bagong Jerusalem: “At ang labingdalawang pintuan ay labingdalawang perlas; at bawa't pinto ay isang perlas; at ang lansangan ng bayan ay dalisay na ginto, na gaya ng nanganganinag na bubog” (Pahayag 21:1, 21). Sinasabi ba talaga sa talatang ito na ang lansangan sa langit ay literal na yari sa ginto? At kung oo, ano ang kahalagahan ng pagiging ginto ng lansangan sa langit?

Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang tagalog na “ginto” ay chrusion, na maaaring mangahulugan na “ginto,” “gintong alahas o pangkalupkop.” Kaya ang salin sa tagalog na ginto ay akma para sa talatang ito. Sa katotohanan, nagkakaroon ng kahirapan sa pagunawa sa talata kung sinusubukan ng tao na alamin kung ano ang bahagi ng Bibliya ang dapat unawain sa paraang literal at hindi literal. Ang isang magandang pamantayan ng pangunawa sa mga talata ng Bibliya ay unawain sa paraang literal ang talata malibang masasabing hindi maaaring maging literal ang pakahulugan doon. Sa bahaging ito ng Aklat ng Pahayag, hindi lamang inilalarawan ni Apostol Juan ang isang bagay gamit ang mga simbolismo. Sa mga unang bahagi ng Aklat ng Pahayag, binigyan siya ng panukat upang sukatin ang siyudad (talata 15), at partikular niyang inilarawan ang pader ng siyudad na yari sa haspe samantalang yari naman sa lantay na ginto ang mismong lansangan ng siyudad (talata18). Inilarawan din niya ang pundasyon ng pader ng siyudad na yari sa mga mamahaling hiyas at alahas (talata 19-20). Kaya nga, naaakma ang paglalarawan ng lansangan na yari sa lantay na ginto kung isasaalang alang ang konteksto.

Kung yari sa ginto ang mga lansangan sa langit, ano ang kahalagahan nito? Una, pansinin natin ang kalagayan ng ginto. Kung minimina ang ginto mula sa ilalim ng lupa, hindi maayos ang kundisyon nito agad at hindi ito magugustuhan ng mga mag-aalahas. Kailangan munang dalisayin ang ginto at dumaan sa maraming proseso bago ito maging lantay na ginto. Ang ginto na nakita ni Juan sa langit ay ang pinakamataas na uri ng ginto na mistulang salamin kung saan nakikita ang repleksyon ng liwanag ng nagniningning na kaluwalhatian ng Diyos. Hindi lamang ang ginto sa langit ang ginawang dalisay ng Diyos. Dinalisay din Niya ang lahat ng papasok sa langit sa pamamagitan ng dugo ni Kristo. “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan” (1 Juan 1:9). Hindi lamang ang disenyo at mga sangkap ng langit ang dalisay kundi pati ang mga mamamayan doon.

May mga iskolar ng Bibliya na hindi naniniwala na ang mga lansangan sa langit ay literal na ginto. Gayunman, kung simpleng titingnan at uunawain ang tekstong ibinigay sa atin sa konteskto ng Pahayag ng Diyos kay Apostol Juan, walang dahilan upang pagdudahan ang katotohanan nito. Gayunman, ang ating atensyon sa walang hanggan ay hindi mapapatuon sa mga makalupang kayamanan. Habang ang mga tao ay nagpapakamatay alang alang sa mga ginto at kayamanan dito sa lupa, isang araw, ang mga ito ay magiging tuntungan lamang ng ating mga paa sa langit. Gaano man karami o karingal ang mga mamahaling ginto at alahas sa langit, walang mas higit na kahanga-hanga doon kundi ang Diyos na umibig at namatay para sa atin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang mga lansangan ba sa langit ay literal na ginto?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries