Tanong
Masama bang magkaroon ng larawan ni Hesus?
Sagot
Noong unang ibinigay ng Diyos ang Kanyang Kautusan sa sangkatauhan, nagsimula Siya sa pagpapakilala sa Kanyang sarili: “Ako ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin” (Exodo 20:2) na may kasamang babala na hindi dapat magkaroon ng ibang Diyos ang bansang Israel maliban sa Kanya. Mabilis Niya itong sinundan ng pagbabawal sa paggawa at pagkakaroon ng anumang “larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa” (Exodo 20:4) upang yukuran, sambahin at paglingkuran. Ang kapansin-pansin tungkol sa kasaysayan ng bansang Israel ay ang kanilang tahasang pagsuway sa utos na ito higit sa lahat ng iba pa Niyang mga utos. Paulit-ulit na gumawa sila ng mga rebulto upang kumatawan sa kanilang mga diyus diyusan at sinamba ang mga iyon simula sa paggawa ng gintong guya sa mismong panahon ng pagsulat ng Diyos sa Sampung Utos para ibigay kay Moises (Exodo 32)! Hindi lamang inilayo ng mga rebulto ang mga Israelita sa tunay at buhay na Diyos, kundi ito rin ang nagbulid sa kanila sa lahat ng uri ng kasalanan katulad ng prostitusyon sa templo, pagsambang may kasamang sekswal na gawain at maging ng paghahandog ng mga bata sa mga diyus- diyusan.
Ang simpleng pagkakaroon ng larawan ni Hesus na nakasabit sa loob ng bahay o ng simbahan ay hindi agad nangangahulugan ng pagsamba sa diyus diyusan. Ngunit posibleng sambahin ng tao ang larawan ni Hesus o maging ang isang krusipiho. Ito ang pagsamba sa diyus diyusan. Ngunit walang makikitang talata sa Bagong Tipan na nagbabawal sa pagkakaroon ng larawan ni Hesus. Ang gayong larawan ay maaaring magpaalala sa isang tao upang manalangin, magtuon ng pansin sa Panginoon o sumunod sa Kanyang halimbawa sa pamumuhay. Ngunit dapat na malaman ng mga mananampalataya na hindi maaari na gawing isa lamang imahen ang Panginoong Hesus at hindi dapat na iukol ang panalangin sa isang imahen. Hindi maaaring maging ganap na imahen ng Diyos ang isa lamang larawan o dili kaya ay maglarawan iyon sa Kanyang kaluwalhatian at hindi dapat na pumalit sa ating pagkilala sa Diyos o sa paglalim ng ating kaalaman sa Kanya. Gayundin, kahit na ang pinakagandang representasyon ni Hesus ay ayon lamang sa pananaw ng isang dibuhista.
Ang totoo, walang sinuman ang nakapagbigay ng deskripsyon sa aktwal na hitsura ni Hesus. Kung mahalaga para kay Hesus na ating malaman ang Kanyang pisikal na anyo, tiyak na ibibigay nina Mateo, Pedro at Juan ang eksaktong deskripsyon kay Hesus. Ito rin ang tiyak na gagawin ng kanya mismong mga kapatid sa ina na si Judas at Santiago. Ngunit wala sinuman sa mga manunulat ng Bagong TIpan ang nagbigay ng detalye tungkol sa pisikal na anyo ni Hesus. Ang tanging mayroon tayo ay imahinasyon.
Ang tiyak, hindi natin kailangan ang isang larawan upang makita ang kalikasan ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Kailangan lamang nating masdan ang sangnilikha gaya ng ipinapaalala sa atin sa Awit 19:1-2, “Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay. Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita, at sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman.” Sa karagdagan, ang atin mismong pag-iral bilang mga tinubos ng Panginoon, pinabanal at pinaging matuwid sa pamamagitan ng Kanyang dugong nabuhos sa krus, ay mga katotohanang ipinapaalala sa atin sa tuwina ng Banal na Espiritu.
Ang Bibliya, ang mismong Salita ng Diyos ay puno ng mga hindi pisikal na paglalarawan sa ating Panginoong Hesu Kristo na bibihag sa ating imahinasyon at makakapagbigay kasiyahan sa ating mga kaluluwa. Siya ang ilaw ng sanlibutan (Juan 1:5); ang tinapay ng buhay (Juan 6:32–33); ang tubig ng buhay na pumapatid sa pagkauhaw ng ating kaluluwa (Juan 4:14); ang Dakilang Saserdote na namamagitan para sa atin sa harap ng Ama (Hebreo 2:17); ang Mabuting Pastol na nagalay ng Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa (Juan 10:11, 14); ang walang dungis na Kordero ng Diyos (Pahayag 13:8); ang may akda at nagpapasakdal sa ating pananampalataya (Hebreo 12:2); ang Daan, Katotohanan at ang Buhay (Juan 14:6); ang larawan ng Diyos na hindi nakikita (Colosas 1:15). Ang ganitong Tagapagligtas ay higit na kaakit-akit para sa atin kaysa sa kahit anong piraso ng papel o kuwadro na nakasabit sa ating mga dingding.
Sa kanyang aklat na may pamagat na Gold Cord, ikinuwento ng misyonerang si Amy Carmichael ang tungkol kay Preena, isang batang Indian na naging Kristiyano at tumira sa kanyang bahay ampunan. Hindi kailanman ni Preena nakita ang larawan ni Hesus; sa halip nanalangin si Carmichael sa Banal na Espiritu na ipakilala Niya sa batang babaeng ito at sa iba pang mga bata si Hesus, “Sapagkat sino ang makakapagpakilala sa Diyos kundi ang Diyos mismo?” Isang araw, nakatanggap si Preena ng isang kahon mula sa ibang bansa. Binuksan niya iyon ng may pananabik at nakita niya ang isang larawan ni Hesus. Buong kainosentehang itinanong ni Preena kung sino iyon at ng sabihin sa kanya na iyon ay si Hesus, bigla siyang napaiyak. “Ano ang problema?” tanong nila. “Bakit ka umiiyak?” Sumagot si Preena, “inaakala ko na higit Siyang kaakit-akit kaysa sa larawang ito” (pahina 151).
English
Masama bang magkaroon ng larawan ni Hesus?