Tanong
Ano ang larawan ng halimaw?
Sagot
Naglalaman ang aklat ng Pahayag ng pangitain sa hinaharap tungkol sa dalawang halimaw na lumabas mula sa dagat at lupa para kontrolin ang mundo. Sa pangitaing ito (sa Pahayag 13) unang binanggit ang larawan ng halimaw.
Ang unang halimaw ay may 10 sungay at may pitong ulo na binigyan ng kapangyarihan at awtoridad ng isang dragon (Pahayag 13:1–2). Ang isa sa mga ulo ay malubhang nasugatan pero gumaling (Pahayag 13:3). Ang halimaw ay namumusong laban sa Diyos at aktibong pinaguusig ang bayan ng Diyos sa mundo (Pahayag 13:5–7). Hindi lamang ito namumuno sa mundo kundi tumatanggap din ng pagsamba ng mga naninirahan sa mundo (Pahayag 13:4, 7–8). Ang unang halimaw ang isang simbolong paglalarawan sa Antikristo, at ang dragon ay si Satanas (Pahayag 12:9).
Ang ikalawang halimaw ay may dalawang sungay at isang mapanlinlang na nilalang na nakikibahagi sa kapangyarihan ng unang halimaw (Pahayag 13:11–12). Ang gawain ng ikalawang halimaw ay pasambahin ang lahat sa unang halimaw. Bilang ikalawang halimaw na manlilinlang sa mundo sa pamamagitan ng mga himala, uutusan nito ang lahat ng tao na “gumawa ng isang larawan ng unang halimaw na nasugatan ng tabak ngunit nabuhay” (Pahayag 13:14). Hihingin din nito sa lahat ng tao na tanggapin ang tatak ng halimaw sa kanilang noo o kanang kamay (Pahayag 13; 16–17). Ang ikalawang halimaw ay simbolikong paglalarawan sa bulaang propeta.
Hindi nagbigay ang Bibliya ng maraming detalye tungkol sa larawan ng halimaw. Gayunman, ang nalalaman natin ay ito: ang bulaang propeta ay magkakaroon ng kapangyarihan na bigyan ng hininga ang larawan ng unang halimaw. Kaya't nakapagsalita ang larawan at ipinapatay nito ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya” (Pahayag 13:15). Hihingin ng may hininga at nagsasalitang larawan ng halimaw na ito pagsamba ng mga tao. Ang sinumang tatanggi na sambahin ang larawan ng halimaw ay papatayin. Sinasabi sa Pahayag 20:4 na ang paraan ng pagpatay sa mga tumatangging sumamba sa larawan ng halimaw ay pagpugot sa ulo. Tila ang larawan ng halimaw ay ang taong gagawa ng “kasuklam-suklam na kalapastanganan” sa muling itinayong templo na binanggit sa Daniel 9:27 at Mateo 24:15.
Ano ang eksaktong kalikasan ng larawan ng halimaw? Hindi ito sinasabi sa Bibliya. Ang matagal ng haka-haka ay ito ay isang estatwa na kunwaring binigyan ng buhay. Sa paglabas ng makabagong teknolohiya, nabuo ang mga bagong teorya gaya ng hologram, isang android, isang cyborg, isang pinaghalong tao at hayop, o isang clone ng tao. Anuman ito, ang larawan ng halimaw ang sasambahin sa “relihiyon ng halimaw” sa ikalawang bahagi ng kapighatian. Ang pagsamba sa larawan ng halimaw ang paraan ng mga nalinlang sa mundo sa pagsamba sa “taong suwail” (2 Tesalonica 2:3) na itataas ang sarili bilang diyos sa templo sa Jerusalem.
Ang mga hindi sasamba sa larawan ng halimaw ay dadanas ng poot ng Antikristo. Pero ang sasamba sa larawan ng halimaw ay dadanas ng mas matinding poot Diyos: “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, ay paiinumin ng Diyos ng purong alak ng kanyang poot na ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. Ang usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay patuloy na tataas magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan” (Pahayag 14:9–11). Ang unang mangkok ng hatol ng Diyos ay para sa mga sumasamba sa larawan ng halimaw: “Kaya umalis ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng dala niyang mangkok. At nagkaroon ng mahahapdi at nakakapandiring pigsa ang mga taong may tatak ng halimaw at sumamba sa larawan nito” (Pahayag 16:2).
Ang mga tumatanggi na lumuhod sa Antikristo at sa larawan ng halimaw ay maaaring usigin sa mundo pero gagantimpalaan sila sa langit: “May nakita akong parang dagat na kristal na nagliliyab. Nakita ko rin ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito, at sa nagtataglay ng bilang na katumbas ng kanyang pangalan. Nakatayo sila sa tabi ng dagat na kristal, hawak ang mga alpang bigay sa kanila ng Diyos. Inaawit nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero: “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa! O Hari ng mga bansa, matuwid at totoo ang iyong mga paraan!” (Pahayag 15:2–3). Ang larawan ng halimaw ay ang sentro ng tila bangungot na kaharian ni Satanas pero hindi ito magtatagal. Partikular na binanggit sa Bibliya ang pang buong mundong impluwensya ng Antikristo sa loob lamang 42 buwan o tatlong taon at kalahati. (Pahayag 13:5). Pagkatapos noon, wawasakin ang larawan ng halimaw at dalawang halimaw ay itatapon sa lawang apoy (Pahayag 19:20), tatalian si Satanas (Pahayag 20:1–3), at itatatag ng Panginoong Jesus sa lupa ang Kanyang hindi magwawakas at sakdal na kaharian (Isaias 9:7; Lukas 1:32–33).
English
Ano ang larawan ng halimaw?