settings icon
share icon
Tanong

Bakit tinatawag ng mga Mormons ang kanilang sarili na Latter Day Saints (mga banal sa huling araw)?

Sagot


Nang umabot sa sukdulan ang pagkauhaw ng mga tao para sa karanasang pangrelihiyon noong 1800’s, naging katitisuran sa mga tao ang kawalan ng pagkakaisa sa iba’t ibang sekta ng pananampalatayang Kristiyano. Isang lalaki na nagngangalang Joseph Smith ang lumabas upang ipanukala ang kanyang iniulat na pansariling karanasang pangrelihiyon bilang solusyon. Ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang isang “propeta ng Diyos.” Inangkin ng kanyang mga tagasunod na ibinalik ng Diyos ang “banal na pagkasaserdote” ng mga apostol at ng mga alagad ng Panginoon kay Joseph Smith. Idineklara din ni Smith na sa “mga huling panahon” ng sanlibutan, ang lahat ng Iglesya ay tumalikod sa Diyos at sa pamamagitan lamang ng mga pribadong kapahayagan sa kanya ng Diyos (o anumang kapahayagan na may koneksyon sa kanya) maaaring matagpuan ng tao ang kaligtasan at tamang katuruan.

Dahilan sa pagsisikap ni Joseph Smith at Oliver Cowdery, isang organisasyon ang nabuo at tinawag na The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints. Ang pangalang ito ay iniulat na nagmula sa isang kapahayagan ni Hesu Kristo. Nangangahulugan ito ng tatlong partikular na katuruan: 1. Itinatag ni Hesu Kristo ang Iglesya; 2. Ang ministeryo ng Iglesya ay para sa mga huling araw ng sanlibutan, at 3. Ang Iglesya ay kinabibilangan lamang ng mga tunay na banal na kinikilala ni Hesu Kristo. Ang ganitong pangalan ay kaakit akit sa panahong iyon ng malawakang pagkasira ng doktrina ng Kristiyanismo. Itinuro nila na gawain ng LDS ang muling pagtatatag ng kaharian ng Diyos at pagtuturo ng mga gawaing pangrelihiyon na ninanais ng Diyos. Ang mga bagay na ito ay karaniwang tinatawag na “pagpapanumbalik ng Ebanghelyo” at bahagi ng kilusan para sa pagpapanibagong sigla sa pananampalataya noong unang bahagi ng ika-labingsiyam (19) na siglo.

Ayon sa Bibliya, ang Diyos ang nagtatatag ng Kanyang kaharian (Isaias 9:7). Hindi tinatawag ang mga banal na gawin ito para sa Kanya. Gayundin, ano man ang pagkaunawa ng isang tao sa salitang “mga huling araw” kung ito man ay bilang pinakahuling yugto ng kasaysayan ng mundo o kasama ang lahat ng mga araw pagkatapos na makumpleto ni Hesus ang Kanyang ministeryo sa lupa, walang makikitang suporta mula sa Bibliya para sa isang “nawalang Ebanghelyo” na nangangailangan ng pagpapanumbalik. Idineklara ni Hesus kay Simon Pedro na ang deklarasyon nito sa Kanya bilang “ang Kristo, ang Anak ng buhay na Diyos” ang bato kung saan Niya itatayo ang Kanyang Iglesya na hindi mananaig maging ang “pintuan ng Hades” (Mateo 16:16, 18). Ipinahayag din sa Kasulatan na bagama’t may ilang hihiwalay mula sa katotohanan, mananatiling “matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos” (2 Timoteo 2:18-19). Ang mga talatang ito ang nagpapahiwatig na nagpatuloy at magpapatuloy ang Iglesya sa konteksto ng Ebanghelyo. Tunay na sa mga huling araw, darami ang tatalikod sa Diyos (Mateo 24:11), ngunit mananatiling walang dungis ang Ebanghelyo sa mga nagpapatuloy hanggang wakas (Mateo 24:13-14).

Ang tunay na gawain ng mga banal sa panahong ito ay ipagpatuloy ang paghahayag ng katotohanan ng walang hanggang Ebanghelyo (Juan 3:16; Markos 16:15) at manatili “sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus” (2 Timoteo 1:13). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit tinatawag ng mga Mormons ang kanilang sarili na Latter Day Saints (mga banal sa huling araw)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries