Tanong
Ano ang Latter Rain Movement?
Sagot
Ang Latter Rain Movement ay isang impluwensya sa loob ng Pentecostalism na nagtuturo na ibubuhos muli ng Panginoon ang Kanyang Espiritu, gaya ng nangyari sa Pentecostes at gagamitin Niya ang mga mananampalataya upang ihanda ang mundo para sa Kanyang muling pagparito. Ang Latter Rain Movement ay laban sa dispensasyon at hindi naniniwala sa literal na isang libong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa at marami sa mga lider nito ang yumayakap sa mga maling katuruan.
Ang salitang ‘latter rain’ ay unang ginamit sa kasaysayan ng Pentecostalism ng sumulat si David Wesley Myland ng isang libro na may pamagat na ‘Latter Rain Songs’ noong 1907. Tatlong taon pagkatapos, isinulat ni Myland ang ‘The Latter Rain Covenant,’ isang pagdedepensa sa katuruan ng Pentecostalism sa pangkalahatan.
Ang pangalan ay nagmula sa Joel 2:23, “Kayo nga'y mangatuwa, kayong mga anak ng Sion, at mangagalak sa Panginoon ninyong Dios; sapagka't kaniyang ibinibigay sa inyo ang maagang ulan sa tapat na sukat, at kaniyang pinalalagpak ang ulan dahil sa inyo, ang maagang ulan at ang huling ulan, sa unang buwan.” Inuunawa ng mga Pentecostals ang salitang “ulan” sa talatang ito na pagbubuhos ng Banal na Espiritu. Ang ‘latter rain’ (pagbubuhos sa huling araw) ay magiging higit pa sa ‘dating ulan.’
Noong 1948, isang ‘revival’ ang nagumpisa sa Saskatchewan, Canada, at binigyang linaw doon ang mga katuruan ng Latter Rain movement. Ang mga sangkot sa revival na ito ay kumbinsido na sila ay nasa bingit na ng isang bagong panahon, ang panahon kung kailan ipapakita ng Banal na Espiritu ang Kanyang kapangyarihan sa isang mas dakilang paraan na hindi pa nasasaksihan ng sanlibutan. Sinasabi nila na kahit noong panahon ng mga apostol, hindi nasaksihan ang ganitong pagkilos ng Banal na Espiritu.
Ang katuruan ng ‘Latter Rain’ ay kinakikitaan ng isang paraan ng pangunawa sa Bibliya na ayon sa pigura ng pananalita. Istriktong inuunawa nila ang Bibliya sa simbolikong pamamaraan. Ang binibigyang diin ay mga kapahayagan na wala sa Bibliya gaya ng mga personal na propesiya, mga karanasan at utos na direktang nanggagaling sa Diyos. Kasama sa mga doktrina ng ‘Latter Rain’ ang mga sumusunod na paniniwala:
- Ang mga kaloob ng Espiritu, kasama ang pagsasalita sa ibang wika ay tinatanggap sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay
- Maaaring alihan ng masamang espiritu ang mga Kristiyano at nangangailangan sila ng pagpapalaya mula sa mga ito.
- Ibinalik ng Diyos ang lahat ng mga ministeryo sa Iglesya, kasama ang opisina ng apostol at propeta.
- Ang kagalingang mula sa Diyos ay maaaring makamtan at ipagkaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay.
- Ang mga awitin ng papuri at pagsamba ang magdadala sa atin sa presensya ng Diyos.
- May ganap at pantay na papel na ginagampanan ang mga babae sa Iglesya na gaya ng sa mga lalaki.
- Mawawasak ang mga denominasyon at magkakaisa ang Iglesya sa mga huling araw.
- Kukumpletuhin ng “latter rain” ang gawain ng Diyos sa lupa; magiging matagumpay ang Iglesya at ito ang magbibigay daan sa paghahari ni Kristo.
Itinuturo din ng maraming apostol ng ‘Latter Rain Movement’ ang doktrina na tinatawag na “ang nahayag na mga anak ng Diyos.” Ito ay isang maling katuruan na nagsasaad na magmumula sa Iglesya ang isang espesyal na grupo ng mga “mapagtagumpay” o overcomers na tatanggap ng mga espiritwal na katawan at magiging mga imortal o walang kamatayan.
Mahalagang pansinin mula pa sa pasimula, itinuturing ng denominasyong Assemblies of God ang Latter Rain Movement na nagtuturo ng mga maling katuruan. Noong Abril 20, 1949, opisyal na tinuligsa ng Assemblies of God ang mga katuruan ng Latter Rain, na halos ikahati ng denominasyon. Nagpasa rin ng parehong resolusyon ang iba pang grupo ng mga Pentecostal.
Sa ngayon, madalang ng gamitin ang terminong ‘latter rain,’ ngunit ang mga katuruan nito ay patuloy na nandadaya sa maraming iglesya. Mas nakararaming sangay ng kilusang Karismatiko ang naniniwala sa mga katuruan ng ‘Latter Rain.’ Ang mga modernong kilusan gaya ng Brownsville/Pensacola Revival, Toronto Blessing, at ang tinatawag na ‘holy laughter’ ay direktang resulta ng teolohiya ng ‘Latter Rain movement.’
English
Ano ang Latter Rain Movement?