settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa layunin ng buhay?

Sagot


Malinaw ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa dapat na maging layunin ng buhay ng tao. Ang mga tao sa Luma at Bagong Tipan ay naghanap at natagpuan ang layunin ng kanilang buhay. Si Solomon, ang pinakamatalinong tao na nabuhay sa mundo ay natuklasan na ang buhay sa lupa ay walang kabuluhan kung ipapamuhay lamang para sa mundong ito. Ibinigay niya kanyang pananaw sa buhay sa Aklat ng Mangangaral 12:13-14, "Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagka't dadalhin ng Dios ang bawa't gawa sa kahatulan, pati ng bawa't kubling bagay, maging ito'y mabuti o maging ito'y masama." Ayon kay Solomon, ang buhay ay dapat gugulin sa pagbibigay luwalhati sa Diyos sa ating isip at gawa at sa pagsunod sa Kanyang kautusan dahil isang araw tayong lahat ay tatayo sa Kanyang harapan upang magbigay sulit. Bahagi ng layunin ng ating buhay ay ang katakutan Siya at sumunod sa Kanya.

Layunin din natin sa buhay na ito na ilagay sa tamang perspektibo ang buhay natin sa lupa. Hindi gaya ng mga tao na ang pinagtutuunan ng pansin ay ang buhay lamang sa lupa, hinanap ni Haring David ang kasiyahan sa buhay sa darating na panahon. Sinabi niya, "Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran: ako'y masisiyahan pagka bumangon sa iyong wangis" (Mga Awit 17:15). Para kay David, ang ganap kasiyahan ay mararanasan sa araw na yaon na siya ay magigising sa ikalawang buhay at makikita ang Diyos ng mukhaan at magiging kagaya Niya (1 Juan 3:2).

Sa Mga Awit 73 isinalaysay ni Asaph kung paano siya natukso na kainggitan ang masasama dahil sa kanilang kawalan ng suliranin at pagkakaroon ng mga materyal na bagay ngunit sa huli ay kanyang naunawaan ang kanilang huling hantungan. Salungat sa hinahanap ng mga taong ito na walang takot sa Diyos, sinabi ni Asaph kung ano ang pinakamahalaga sa kanya "Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang, at maging sa lupa'y aking kailangan?" Para kay Asaph, ang relasyon sa Diyos ang pinakamahalaga sa lahat ng anu pa mang bagay sa buhay na ito. Kung walang relasyon ang tao sa Diyos, ang buhay niya ay walang layunin.

Sinabi ni apostol Pablo ang lahat ng kanyang mga tagumpay sa personal na buhay at relihiyon bago siya tinawag ng Panginooong Hesu Kristo at lahat ng kanyang ipinagmamalaki sa lupa ay gaya lamang sa bunton ng dumi kung ikukumpara sa karangalan ng pagkakilala kay Kristo. Sa Filipos 3:9-10, sinabi ni Pablo na wala siyang ibang naisin kundi ang matagpuan kay Kristo, ang maangkin ang kanyang katuwiran at mamuhay sa pananampalataya sa Kanya kahit mangahulugan iyon ng pagdurusa at kamatayan. Ang layunin ng buhay ni Pablo ay kilalanin si Kristo, manampalataya sa Kanya at mabuhay na kasama Siya kahit na nangangahulugan pa iyon ng pagdurusa (2 Timoteo 3:12). Umaasa siya sa panahong darating kung kelan makakabahagi siya sa "pagkabuhay na mag-uli" ng mga nananampalataya kay Kristo.

Ang ating layunin sa buhay, gaya ng orihinal na plano ng Diyos ay 1) luwalhatiin ang Diyos at damhin ang kasiyahan ng pakikisama sa Kanya, 2) magkaroon ng maayos na relasyon sa iba 3) magtrabaho at 4) pangalagaan ang lahat ng nilikha ng Diyos sa muundo. Ngunit ng bumagsak ang tao sa kasalanan, ang kanyang relasyon sa Diyos ay nasira at ang kanyang realasyon sa kapwa ay nagkalamat. Ang pagtatrabaho ay naging puno ng kabiguan at ang tao ay nabigo sa kanyang pamamahala sa sangnilikha. Tanging ang panunumbalik na muli ng ralasyon ng tao sa Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo ang makapagbabalik ng orihinal na layunin ng Diyos sa kanyang buhay.

Ang layunin ng tao ay luwalhatiin ang Diyos at makasama Siya sa kaluwalhatian magpa kailanman. Naluluwalhati natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagkatakot at pagsunod sa Kanya at pagtuon ng ating paningin sa ating tunay na tahanan sa langit. Masisiyahan tayo sa buhay na ito kung susundin natin ang Kanyang layunin sa ating buhay na siyang magbibigay sa atin ng buhay na ganap at kasiya-siya na ninanais Niya para sa atin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa layunin ng buhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries