Tanong
Ano ang layunin ng mga anghel?
Sagot
Hubad na mga kerubin, mga pakpak, pabilog na hugis sa ibabaw ng ulo, at kyut na mga bata sa mga palabas tuwing pasko, ito ang mga imaheng ating naiisip kapag pinaguusapan ang mga anghel. Ngunit binibigyan tayo ng Bibliya ng ganap na kakaibang imahe ng mga anghel. Sinasabi sa Hebreo1:7, “Tungkol naman sa mga anghel ay sinabi niya, “Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel, at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.” Nilikha ang mga anghel para ganapin ang mga layunin ng Diyos.
Binigyan lamang tayo ng Kasulatan ng sulyap sa kanilang supernatural na kalikasan ngunit ito ay sapat na para malaman na gumagawa ang mga anghel ng iba’t ibang gawain at ginagamit sila ng Diyos para sa ilang layunin:
1. Para paglingkuran ang mga taong inililigtas ng Diyos. Ang isang layunin ng mga anghel ay paglingkuran ang mga hinirang ng Diyos: “Ano ang mga anghel, kung ganoon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga magkakamit ng kaligtasan?” (Hebreo 1:14). Nakaranas si Pablo ng pagbisita ng isang anghel habang binabagyo ang barkong kanyang sinasakyan. Inaliw siya ng anghel (Gawa 27:23–24). Ang iba ay pinaglingkuran ng mga anghel gaya ni Elias (1 Hari 19:3–8) at Pedro (Gawa 12:6–10).
2. Para magdala ng mensahe. Ang salitang anghel ay literal na nangangahulugang “mensahero.” Sa Bibliya, kadalasang nagpapakita ang mga anghel sa anyong tao sa tuwing dinadala nila ang mga mensaheng mula sa Diyos sa mga tao (tingnan ang Genesis 18:1–3). Nagpakita si anghel Gabriel sa tatlong tao sa Bibliya. Ipinaliwanag niya ang isang pangitain para kay Daniel (Daniel 8:16), sinabihan niya si Zacarias tungkol sa pagsilang ni Juan Bautista (Lukas 1:19), at ipinahayag kay Maria na siya ay magiging ina ng Mesiyas (Lukas 1:26). Binalaan din si Lot ng mga anghel na nag-anyong tao sa napipintong paghatol sa Sodoma at Gomora (Genesis 19:1).
3. Para makipagdigma. Ang isa pang layunin ng mga anghel ay labanan ang mga hukbong espiritwal ng kadiliman na pinipigilan ang mga plano ng Diyos (Efeso 6:12; Judas 1:9). Nang magpakita ang isang anghel kay Daniel para ipaliwanag ang isang pangitain, sinabi ng anghel na kinailangan siyang tulungan ni Miguel Arkanghel para siya makalusot sa mga pwersa ng kaaway (Daniel 10:10–14). Hindi natin alam ang lawak ng digmaan ng mga anghel ngunit sapat na ang ilang sulyap na ito na ipinakita sa atin sa Bibliya para malaman natin na may isang matinding labanan na nagaganap na hindi lamang natin nakikita.
4. Para sambahin ang Diyos. Laging nakapalibot ang mga anghel sa trono ng Diyos na sumasamba at sumisigaw ng mga pagpupuri (Awit 148:1–2; Isaias 6:3, Hebreo 1:6; Pahayag 5:8–13). Dahil ang mga anghel ay nilikha para magpuri sa Diyos, ang pagtanggi sa layuning iyon ay isang hindi mapapatawad na pagkakamali. Nang tumanggi ang pangunahing anghel na si Lucifer na sambahin ang Diyos at ipinagpilitan ang kanyang sarili na sambahin ng mga anghel sa halip na ang Diyos, pinalayas siya ng Diyos mula sa langit (Isaias 14:12–18). Ang mga anghel na kumampi kay Lucifer ay kasama niyang pinalayas ng Diyos sa langit.
5. Para maglingkod. Umiiral ang mga anghel para gawin ang kalooban ng kanilang Manlilikha. Pumupunta sila kung saan sila isinusugo ng Diyos, sinasabi kung ang ipinasasabi Niya sa kanila, at naglilingkod sa kanyang mga anak sa mundo (Awit 103:20; Pahayag 22:9; Hebreo 1:14). Pagkatapos ng apatnapung araw na pagtukso ni Satanas kay Jesus sa ilang, dumating ang mga anghel at naglingkod sa Kanya (Mateo 4:11). Sa tuwing namamatay ang isang mananampalataya, tila ang mga anghel ang nagdadala sa kanila ng diretso sa lugar ng kapahingahan ng Diyos (Lukas 16:22).
6. Para isakatuparan ang hatol ng Diyos. Ang mga anghel ay hindi lamang nagdadala ng liwanag at galak. Isinasakatuparan din nila ang mga utos ng Diyos ng pagwasak. Inihula sa aklat ng Pahayag ang maraming gawain ng mga anghel na dahilan ng ganap na pagkawasak ng mundo (Pahayag 7:1; 8—10). Nang tumanggi ang Faraon na paalisin ang bayan ng Diyos sa Egipto, nagpadala ang Diyos ng isang anghel para patayin ang lahat na panganay na anak na lalaki sa Egipto (Exodo 12:12, 23). Ang mga anghel ay sangkot din sa pagpatay kay Herodes (Gawa 12:23) at sa pagpaparusa sa Jerusalem (1 Cronica 21:15).
7. Para tumulong sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Sa pagpapaliwanag tungkol sa kautusan ni Moises, sinasabi sa Hebreo 2:2 na ito ay “ang mensahe na sinabi sa pamamagitan ng mga anghel.” Sa ilang kaparaanan, sangkot ang mga anghel sa proseso ng pagtanggap ni Moises ng kautusan sa Sinai at ipinakita ang isa pang layunin ng mga anghel.
Ginagamit ng Diyos ang mga anghel sa anumang paraan na Kanyang naisin. Dahil kakaunti lamang ang ating nalalaman sa mundo na labas sa ating pisikal na kapaligiran, hindi natin kayang maunawaan ang lahat na mga layuning ginagampanan ng mga anghel. Ngunit may pagtitiwala ang mga Kristiyano na ang mga banal na anghel ng Diyos ay handang mag-ingat at magligtas sa mga anak ng Diyos (Awit 91:11). Habang ang mga anghel ay mga nilalang na nilikha ng Diyos, gaya natin, hindi sila dapat sambahin. Pasalamatan natin ang Panginoon para sa kanila at sa mga hindi nakikitang kaparaanan na ginagamit sila ng Diyos para ganapin ang Kanyang layunin sa ating mga buhay.
English
Ano ang layunin ng mga anghel?