settings icon
share icon
Tanong

Ano ang layunin ng pagaasawa?

Sagot


Kinakailangan ba para sa isang Kristiyano na magasawa? Ano ang layunin ng pagaasawa? Maraming sinasabi ang Bibliya patungkol sa paksang ito. Dahil ang unang pagaasawa ay sa pagitan ng unang lalaki at unang babae, ipinagpapalagay ng iba na ang pagaasawa ay kalooban ng Diyos para sa lahat ng tao. Itinatag ito sa panahon ng kawalang malay ng tao kaya nga ito ay isang banal na institusyon. Ang unang dahilan na ibinigay ng Bibliya patungkol sa pagaasawa ay simple: Nalungkot si Adan at nangailangan siya ng isang makakatulong (Genesis 2:18). Ito ang pangunahing layunin ng pagaasawa – pakikisama, pakikiramay, tulong at kaaliwan.

Ang isa sa mga layunin ng pagaasawa ay upang lumikha ng isang matatag na tahanan kung saan lumalaki at natututo ang mga anak. Ang pinakamagandang uri ng pagaasawa ay sa pagitan ng dalawang mananampalataya (2 Corinto 6:14) na maaaring gumawa ng isang makadiyos na pamilya (Malakias 2:13–15). Sa aklat ng Malakias, sinabi ng Diyos sa mga Israelita na hindi Niya tatanggapin ang kanilang mga handog dahil taksil sila sa kanilang mga asawa. Ipinapakita nito kung paanong nagmamalasakit ang Diyos sa pagaasawa at nais Niya na manatili itong buo at matibay. Hindi lamang ito, sinabi din Niya na ang nais Niya ay isang "makadiyos" na pamilya. Ito ay isang nakakalitong sitas sa Bibliya at ipinagpapalagay na ang kahulugan ay: a) ang layunin ng pagaasawa ay ang pagkakaroon ng mga makadiyos na mga anak; b) na ang mabuting uri ng pagaasawa ay sa pagitan ng dalawang makadiyos na lalaki at babae dahil nangangahulugan ito na ang kanilang mga anak ay magiging makadiyos din naman; k) nais ng Diyos para sa mga Israelita na maging tapat sa kanilang mga asawa sa halip na iwanan sila at ipagpalit sa mga dayuhang kababaihan na magbubunga sa hindi makadiyos na mga anak dahil sa pagsamba sa mga diyus diyusan ng mga bansang iyon; at d) ninanais ng Diyos na ipakita ng kanyang mga anak ang kanilang makadiyos na paguugali at pamumuhay sa pamamagitan ng kanilang katapatan. Sa alinman sa mga interpretasyong ito, makikita natin ang isang karaniwang tema: ang mga anak ng mga magulang na tapat sa Diyos ay maaring maging mga tapat din sa Diyos.

Hindi lamang itinuturo sa mga talata ang pagkakaroon ng isang maayos na lugar kung saan lalaki at matututo ang mga anak. Maaari din itong magpaging matuwid sa magasawa kung magpapasakop sila sa mga kautusan ng Diyos (Efeso 5). Ang bawat magasawa ay sumusuong sa mga mahihirap na sitwasyon at mahihirap na kalagayan. Kung sinusubukan ng dalawang taong makasalanan na magkasamang bumuo ng pamilya, dapat silang sumunod sa utos ng Diyos na mag-ibigan kung paanong inibig sila ng Diyos—ng may pagpapakasakit (1 Juan 3:16). Ang ating pagtatangka na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng ating sariling lakas ay magwawakas sa kabiguan at ang kabiguang iyon ang magbibigay sa mananampalataya ng kamalayan tungkol sa Diyos at magtutulak sa kanya upang mas maging bukas sa gawa ng Banal na Espiritu sa kanyang buhay na nagreresulta sa katuwiran. At ang pagiging makadiyos ang tutulong sa atin upang sumunod sa mga utos ng Diyos. Kaya, ang pagaasawa ay isang napakalaking tulong upang mabuhay ang isang tao na makadiyos. Tumutulong din ito upang linisin ang ating mga puso sa karumihan at pagkamakasarili.

Pinoprotektahan din ng pagaasawa ang indibidwal sa sekswal na imoralidad (1 Corinto 7:2). Ang mundo na ating tinitirhan ay punong-puno ng mga sekswal na larawan, karumihan at tukso. Kahit na hindi hinahanap ng isang tao ang sekswal na kasalanan, hinahabol naman siya nito at napakahirap tumakas sa mga ito. Nililikha ng pagaaasawa ang isang malusog na lugar upang ipahayag ang sekswalidad ng hindi inilalagay ang sarili sa sa panganib ng emosyonal na sakit (at sa maraming pagkakataon ay pisikal na karamdaman) na dulot ng kaswal at makasalanang relasyon. Malinaw na nilikha ng Diyos ang pagaasawa para sa ating ikabubuti (Kawikaan 18:22), upang bigyan tayo ng kasiyahan, upang isulong ang isang malusog na pamayanan at pabanalin ang ating mga buhay.

Panghuli, ang pagaasawa ay isang magandang paglalarawan sa relasyon sa pagitan ni Kristo at ng Kanyang iglesya. Ang mga mananampalataya ang kumakatawan sa iglesya at tinatawag na kasintahan ni Kristo. Bilang kasintahang lalaki, ibinigay ni Kristo ang Kanyang buhay para sa iglesya, "upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita" (Efeso 5:25–26), at ang Kanyang pagpapakasakit ay isang halimbawa para sa lahat ng asawang lalaki. Sa muling pagparito ni Kristo, makikipagisa ang iglesya sa Kanyang kasintahan, ang opisyal na "kasalan" ay magaganap at ang walang hanggang pagsasama ni Kristo at ng Kanyang kasintahan ay magkakaroon ng ganap na katuparan (Pahayag 19:7–9; 21:1–2).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang layunin ng pagaasawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries