Tanong
Ano ang layunin ng panalangin?
Sagot
Ang panalangin ay isang mahalagang bahagi ng buhay Kristiyano. Ito ay paraan ng pakikipag-usap natin sa Panginoon at pagpupuri sa Kanya. Para maunawaan ang layunin ng panalangin, mahalagang maunawaan muna natin kung ano hindi ang panalangin. Maraming maling pananaw sa mundo at kultura tungkol sa panalangin, maging sa mga Kristiyano, at ang mga ito ay dapat munang tugunan. Ang panalangin ay hindi:
• pakikipagtawaran sa Diyos.
• paggawa ng mga utos sa Diyos.
• paghingi lamang ng mga bagay sa Diyos.
• isang mababaw ng lunas,o pag iisip ng malalim na ehersisyo.
• pag-abala sa Diyos at pagkuha ng Kanyang oras.
• isang paraan upang makontrol ang Panginoon.
• isang paraan upang ipakita ang espirituwalidad ng isang tao bago ang iba.
Maraming tao ang naniniwala na ang panalangin ay tungkol lamang sa paghingi ng mga bagay sa Diyos. Bagama't bahagi ng panalangin ang pagsusumamo (Filipos 4:6), hindi ito ang tanging layunin ng panalangin. Ang pagdarasal para sa mga pangangailangan ng ating sarili at ng iba ay kailangan at kapaki-pakinabang, ngunit may higit pa sa panalangin. Ang Diyos ay hindi isang mahiwagang genie na tumutugon sa bawat hiling natin, at hindi rin Siya isang mahinang Diyos na maaaring kontrolin ng ating mga panalangin.
Ang pinakamahusay na paraan upang malaman ang layunin ng panalangin ay pag aralan ang halimbawa ni Jesus sa panahon ng Kanyang ministeryo dito sa lupa. Nanalangin si Jesus para sa Kanyang sarili at para sa iba, at nanalangin Siya para makipag-usap sa Ama. Ang Juan 17 ay isang magandang pagkakataon upang makita ang paggamit ni Jesus ng panalangin. Siya ay hindi lamang nananalangin na ang Ama ay maluwalhati kundi nanalangin din para sa Kanyang mga alagad at “para sa mga magsisisampalataya sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mensahe” (Juan 17:20). Ang pagpapasakop sa kalooban ng Ama ay isa pang aspeto sa buhay panalangin ni Jesus, na binigyang-diin sa Kanyang panalangin sa Halamanan ng Getsemani: “Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban Ninyo ang mangyari.”” (Mateo 26:39). Sa anumang kahilingan natin, dapat tayong magpasakop sa kalooban ng Diyos.
Bilang karagdagan sa pamamagitan para sa iba, ang panalangin ay isang paraan din upang patatagin ang ating kaugnayan sa Diyos. Si Jesus ay nagpakita ng halimbawa, nanalangin Siya sa Ama sa Kanyang buong ministeryo sa lupa (Lukas 6:12; Mateo 14:23). Ang mga magkarelasyon ay natural na maghahangad na makipag-usap sa isa't isa, at ang panalangin ay ang ating paraan ng pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ang iba pang magagandang halimbawa sa Bibliya ng mga gumugugol ng panahon sa pananalangin ay sina David, Ezekias, at Pablo.
Sa totoo lang, ang pangunahing layunin ng panalangin ay pagsamba. Kapag nananalangin tayo sa Panginoon, at kinikilala natin kung sino Siya at kung ano ang Kanyang ginawa, ito ay isang akto ng pagsamba. Maraming mga halimbawa ng panalangin bilang isang pagsamba sa Bibliya, kabilang ang 2 Hari 19:15, 1 Cronica 17:20, Awit 86:12–13, Juan 12:28, at Roma 11:33–36. Kung paano tayo manalangin ay dapat makita sa layuning ito; ang ating pagtuunan ay kung sino ang Diyos, hindi ang ating sarili.
Kapansin-pansin na ang modelo ng panalangin na ibinigay ni Jesus sa mga alagad sa Mateo 6:9–13, na kilala bilang Panalangin ng Panginoon ay taglay lahat ng mga elementong ito. Ang unang bahagi ay naghahayag ng pagpupuri at pagsamba sa Diyos (Mateo 6:9), at ang ikalawang bahagi ay nagtuturo sa panalangin na mangyari ang kalooban ng Diyos (Mateo 6:10). Pagkatapos nito, pagsusumamo para sa ating sarili at sa iba (Mateo 6:11–12), gayundin sa paghingi ng lakas upang harapin ang tukso (Mateo 6:13). Ginawa ni Jesus ang panalanging ito para sa Kanyang mga alagad at ipinapakita nito ang lahat ng dahilan para sa panalangin na ang pangunahing layunin ay pagsamba.
Ang panalangin ay isang mahalagang bahagi ng buhay Kristiyano at ang buhay panalangin ng isang tao ay dapat na paunlarin. Hindi lamang naaapektuhan ng panalangin ang ating buhay at ang buhay ng iba, ngunit ito rin ay isang paraan upang humarap sa Panginoon at lumago sa ating relasyon sa Kanya. Ang puso ng panalangin ay isang pagsamba sa Panginoon. Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay-diin sa kapangyarihan at layunin ng panalangin, at dahil dito, hindi ito dapat pabayaan.
English
Ano ang layunin ng panalangin?