settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Lectio Divina?

Sagot


Ang Lectio Divina ay salitang Latin na nangangahulugan na “pagbabasa para sa Diyos,” “espiritwal na pagbabasa,” o “banal na pagbabasa” at kumakatawan sa isang metodolohiya ng pananalangin at espiritwal na pagbabasa sa intensyon na makipagugnayan sa Diyos at magkaroon ng espiritwal na pangitain. Ang mga prinsipyo ng Lectio Divina ay nagsimula noong 220 A.D. at kalaunan ay sinanay ng mga Katolikong monghe, at ginawang kautusan sa mga seminaryong St. Pachomius, Augustine, Basil, at Benedict.

Ang pagsasanay ng lectio divina ay nagiging popular ngayon sa mga Romano Katoliko at sa mga gnostics at nagiging katanggap tanggap bilang bahagi sa debosyonal na pagsasanay ng makabagong Simbahang Katoliko. Sinabi ni Papa Benedict XVI sa isang pahayag noong 2005, “Nais kong alalahanin natin at aking inirerekomenda ang lumang kaugalian ng lectio divina: ang taimtim na pagbabasa ng Banal na Kasulatan na may kasamang panalangin na nagbibigay daan sa tao upang magkaroon ng isang malapit na pakikipagugnayan sa Diyos kung saan naririnig ng tao ang Diyos na nagsasalita. Pagkatapos, tutugon siya sa Diyos ng may bukas na puso.” Ang lectio ay maaari ding gamitin ng ibang grupo ng pananampalataya sa kanilang pagbabasa ng Kasulatan maging ito man ay Bhagavad Gita, Torah, o Koran. Maaaring baguhin ng mga hindi Kristiyano ang metodolohiyang ito para umangkop sa kanilang tradisyong sekular. Gayundin naman ang apat na prinsipyo ng lectio divina ay maaari ding iangkop sa apat na prinsipyo ng saykolohiya ni Jung gaya ng pagpapalagay, pagiisip, pangunawa at pakiramdam.

Ang aktwal na pagsasanay ng lectio divina ay nagsisimula sa ilang sandali ng pag-rerelax, at paghahanda sa sarili na maging komportable at sa pagpawi sa isipan ng mga pangkaraniwang pagiisip at alalahanin. May ilang mga nagsasanay ng lectio divina na nagsasabi na nakakatulong ang pagtutuon ng pansin sa isang bagay sa pamamagitan ng malalim at paulit ulit na paghinga habang sinasambit ang ilang piling salita ng maraming ulit upang tulungang mapalaya ang isipan sa mga alalahanin. Pagkatapos ay susundan ito ng apat na sumusunod na hakbang:

Lectio – Ilang ulit na pagbabasa ng Bibliya ng marahan at kalmado. Ang mismong mga talata ay hindi mahalaga kaysa sa pagnamnam ng bawat bahagi ng binabasa habang patuloy na nakikinig sa “maliit at mahinang tinig.”

Meditatio – Pagbubulay bulay sa isang talata ng teksto at pagiisip kung paano ilalapat ang mga iyon sa sariling buhay. Ito ay tinuturing na isang napakapersonal na pagbabasa ng Kasulatan at aplikasyon nito sa buhay.

Oratio – Ang pagtugon sa mga talata sa pamamagitan ng pagbubukas ng puso sa Diyos. Hindi ito itinuturing na nangyayari sa isip lamang kundi ito ang pasimula ng aktwal na pakikipagusap sa Diyos.

Contemplatio – Pakikinig sa Diyos. Ito ay ang pagpapalaya sa sarili mula sa sariling pagiisip at pakikinig sa tinig ng Diyos. Ito ang pagbubukas ng puso, isip at kaluluwa sa impluwensya ng Diyos.

Totoong laging may koneksyon ang pagbabasa ng Bibliya at pananalangin. Gayunman ang panganib ay normal sa ganitong klase ng pagsasanay dahil mayroon itong napakalaking pagkakahawig sa yoga o transcendental meditation at iba pang mapanganib na ritwal at dapat na maingat na isaalang alang ang mga panganib na dala nito. Mayroon itong potensyal na maging isang gawain ng paghahangad ng mistikal na karanasan kung saan ang layunin ay palayain ang isip at magkaroon ng pansariling kapangyarihan. Dapat na gamitin ng Kristiyano ang Kasulatan upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, at magtamo ng karunungan at kabanalan sa pamamagitan ng tamang pangunawa sa mga talata ng Kasulatan na ang layunin ay mabago ang pagiisip ayon sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Sinabi ng Diyos na ang Kanyang bayan ay nawawasak dahil sa kawalan ng karunungan (Oseas 4:6) hindi dahil sa kawalan ng mistikal at personal na pakikipagusap sa Kanya.

Ang mga taong supernatural ang pamamaraan ng pangunawa sa mga talata ng Bibliya ay laging inihihiwalay ang kahulugan ng mga talata sa konteksto at sa halip na unawain ang mga talata sa natural na paraan ay ginagamit ang mga iyon sa isang paraan na hindi sinasang-ayunan ng Salita ng Diyos. Ginagamit nila ang mga talata sa pansariling karanasan na malayo sa orihinal na kahulugan. Dito nagkakahawig ang lectio at gnostisismo. Ang Kristiyanong gnostisismo ay ang paniniwala na dapat na magkaroon ang isang tao ng “gnosis” (mula sa salitang Griyego na “Gnosko” na ang ibig sabihin ay “kaalaman”) o ng isang mistikal o panloob na kaalaman na makukuha lamang pagkatapos na ang isang tao ay maturuan. Normal na kaakit-akit ang ideya ng pagkakaroon ng espesyal na karunungan dahil nagbibigay ito sa tao ng pakiramdam ng pagiging mahalaga at kakaiba dahil mayroon siya ng espesyal na karanasan ng Diyos na wala sa iba. Naniniwala ang mga nagsasanay ng mga mistikal na pamamaraan ng pakikipagugnayan sa Diyos na hindi taglay ng lahat ng tao ang ganitong uri ng karanasan at tanging sila lamang at ang ibang nagkaroon ng espesyal na kaalaman ang nagtataglay ng ganitong “karanasan.” Kaya, kaakit akit ang pagengganyo sa ganitong uri ng gawain sa Iglesya. Ang ganitong uri ng pananalangin at katulad na mga pagsasanay na ginagawa ng mga relhiyon sa Silangan at ng mga kulto ng New Age ay walang basehan sa Bibliya kahit pa ginagamit ng mga nagsasanay nito ang Bibliya sa kanilang mga panimulang ritwal.

Bilang karagdagan, kitang kita ang mga panganib na dala ng pagbubukas ng ating isip at tainga sa “tinig” ng Diyos. Ang mga nagsasanay ng ganitong uri ng panalangin ay naghahangad na makarinig ng kahit ano kaya’t maaaring mawala ang kanilang pagiging makatwiran upang alamin ang pagkakaiba sa tinig ng Diyos o sa tinig ng kanilang sariling isip o sa panghihimasok ng demonyo sa kanilang isipan. Laging nagnanais si Satanas at ang kanyang mga kampon na makapanghimasok at magbukas sa isip ng tao sa layuning makapanira. Hindi dapat kalimutan na si Satanas ay tulad sa isang leong umaatungal na naghahanap ng masisila (1 Pedro 5:8) at maaari siyang magkunwaring anghel ng kaliwanagan (2 Corinto 11:14), na ibinubulong ang kanyang mga pandaraya sa isang isipang handa at nakabukas para sa kanyang gawain ng panlilinlang.

Sa huli, ang pagatake sa kasapatan ng Bibliya ay isang malinaw na katangian ng lectio divina. Itinatanggi ng mga nagtataguyod nito na ang Bibliya lamang ang ating kinakailangan upang makapamuhay bilang mga Kristiyano (2 Timoteo 3:16). Ang mga nagsasanay ng ganitong uri ng panalangin ay naghahanap ng espesyal na kapahayagan ng Diyos at hinihiling sa Kanya na ipagwalang bahala ang Kanyang mga kapahayagan na ipinahayag sa sangkatauhan at para bang hindi na mahalaga para sa kanila ang Kanyang mga pangako sa Bibliya. Nasasaad sa Awit 19:7-14 ang matibay na pahayag tungkol sa kasapatan ng Kasulatan. Ito ay “perpekto, at bumubuhay sa kaluluwa” ito ay “totoo” at “makatwiran” at higit na kanais-nais kaysa sa ginto.” Kung totoo ang sinasabi ng Diyos tungkol sa Kanyang Salita sa talatang ito ng Awit, hindi na kailangan pa ang karagdagang kapahayagan. Kaya nga, ang paghingi nito sa Diyos ay pagtanggi sa Kanyang mga Salita.

Ang Luma at Bagong Tipan ay Salita ng Diyos na dapat pag-aralan, pagbulay-bulayan at isaulo upang maunawaan ang kanilang kahulugan at kapangyarihang taglay na nagmula sa Diyos. Hindi ito para sa isang mistikal na karanasan o pakiramdam ng pagkakaroon ng personal na kapangyarihan. Dapat na mauna muna ang tamang karunungan; pagkatapos, ang nagtatagal na karanasan at kapayapaan na resulta lamang ng pagkaalam sa Salita ng Diyos at pagkakaroon ng tamang kaugnayan sa Kanya. Kung ganito ang pananaw ng isang tao sa Bibliya at sa panalangin, ang kanyang pagbubulay-bulay at pananalangin bilang tagasunod ni Kristo ay naaayon sa Salita ng Diyos at dapat na ipagpatuloy. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Lectio Divina?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries