Tanong
Ano ang leviathan?
Sagot
May ilang banggit sa salitang “leviathan” sa Lumang Tipan, ngunit ang kanilang kahulugan ay malabo o kaya naman ay ginamit sa mga tula. May pagkakataon na ang salitang Hebreo para sa “leviathan” ay ginamit na kasing kahulugan ng mga hari at prinsipe sa lupa, posibleng ang Faraon (Isaias 27:1). Sa ibang pagkakataon naman, ito ay isinalin sa salitang “pagdadalamhati” (Job 3:8). Ang mga talata ay aktwal na tumutukoy sa leviathan bilang isang nilalang na hindi ibinigay ang sapat na impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan nito upang mapagpasyahan kung anong uri ito ng nilalang. May ilang komentarista ng Bibliya na naniniwala na ang leviathan ay isang buwaya dahil sa pagbanggit sa salitang ‘kaliskis’ (Job 41:15) at sa pinanggagalingan ng pagkain nito (Awit 74:14). May ilang komentarista naman ang naniniwala na ang leviathan ay isang malaking reptilya sa dagat (hindi isang balyena), at posibleng isang uri ng dinosaur.
Walang duda na ang leviathan ay isang nilalang na nasa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang lakas at kapangyarihan ng leviathan upang ilarawan kay Job ang kanyang kawalang kakayahan at kahinaan. Ipinamukha ng Diyos kay Job kung gaano siya kahina laban sa isang nilalang sa dagat na Kanyang nilikha upang kanyang maunawaan ang Kanyang lugar sa sansinukob. Ipinakita ng Diyos kay Job na hindi niya kayang iahon ang isang Leviathan mula sa tubig sa pamamagitan ng kawil, na nagpapahiwatig na ang leviathan ay maaaring isang balyena. Anuman ang kalikasan ng leviathan, ito ay lubhang malaki at napakalakas at tanging ang Diyos lamang ang may kakayahang sumupil dito.
Ang Leviathan ay isang tunay na nilalang, hindi gaya ng ilang mga representasyon sa mga alamat ng mga dambuhala sa dagat na nakikipaglaban sa mga diyos. Hindi ito isang mitolohiya kundi isang nilalang sa dagat, na maaaring isang uri ng malaking isda, ‘dragon’ sa dagat, o isang mammal gaya ng balyena o kaya naman ay isang reptilya na gaya ng buwaya. Posible din na ang leviathan, anuman ito, ay wala na ngayon.
English
Ano ang leviathan?