settings icon
share icon
Tanong

Ano ang liberal na teolohiyang Kristiyano o liberal Christian theology?

Sagot


Ang teolohiya ng “liberal na Kristiyano” o liberal Christian theology ay hindi talaga ‘Kristiyano.’ Higit nilang pinahahalagahan ang karunungan ng tao at itinuturing na ito ang pinakamataas na awtoridad. Sinisikap ng mga liberal theologians na pagkasunduin ang Kristiyanismo at makabagong siyensya at ang “modernong kaisipan.” Dahil sa pananaw na ito, itinuturing nila na tama ang siyensya habang may pagkakamali ang Bibliya at puno ito ng mga hindi kapani-paniwalang alamat. Itinuturing nila ang mga unang kabanata ng Genesis na pantasya o mga tulang nagtataglay ng mensahe ngunit hindi dapat unawain sa literal na paraan (sa kabila ng katotohanan na itinuring ni Hesus na literal ang mga katuruan ng mga unang bahagi ng akat ng Genesis). Hindi nila pinaniniwalaan ang ganap na kasamaan ng tao at dahil dito may positibong pananaw ang mga liberal na teologo sa kinabukasan ng sangkatauhan. Binibigyang diin din nila ang Social Gospel habang tinatanggihan ang kawalang kakayahan ng makasalanang tao na pagandahin ang kanyang hinaharap. Hindi malaking isyu para sa liberal na Kristiyano kung ang isang tao ba ay naligtas mula sa kasalanan o hindi, maging ang katuruan ng kaparusahan ng makasalanan sa impiyerno, kundi ang isyu ay kung paano tinatrato ng tao ang kanyang kapwa tao. Ang “Pag-ibig” sa ating kapwa tao ang nagiging sentrong isyu sa liberal Christian theology. Bilang resulta ng liberal na pangangatwiran, itinuturo ng mga liberal quasi-Christian theologians ang mga sumusunod na doktrina:

1) Ang Bibliya ay hindi “hiningahan ng Diyos” at nagtataglay ito ng mga pagkakamali. Dahil sa paniniwalang ito, kailangang alamin ng tao (liberal na teologo) kung aling katuruan ng Bibliya ang tama at alin ang mali. Ang paniniwala na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos (sa orihinal na kahulugan ng salita) ay pinaniniwalaan lamang ng mga ignorante o kakaunti ang kaalaman. Ang paniniwalang ito ng mga liberal theologians ay direktang sumasalungat sa 2 Timoteo 3:16-17: “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.”

2) Ang kapanganakan ni Hesus sa isang birhen ay isa lamang maling katuruan ng mitolohiya. Direktang sumasalungat ito sa Isaias 7:14 at ikalawang kabanata ng Lukas.

3) Hindi nabuhay na mag-uli si Hesus sa katawang lupa. Sinasalungat nito ang mga salaysay tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo sa katawan sa apat na Ebanghelyo at sa buong Bagong Tipan.

4) Si Hesus ay isang magaling at mabuting guro ngunit nagkaroon ng sobrang kalayaan ang Kanyang mga alagad at ang kanilang mga tagasunod sa pagtatala ng kasaysayan ng Kanyang buhay gaya ng naitala sa Kasulatan (wala siyang mga nagawang himala), at ang mga Ebanghelyo ay isinulat lamang maraming taon ang nakalipas at ipinangalan lamang sa mga unang alagad upang bigyan ng awtoridad ang kanilang mga itinuturo. Sinasalungat nito ang ikalawang Timoteo at ang doktrina tungkol sa mahimalang pagiingat ng Diyos sa mga Kasulatan.

5) Hindi totoo ang impiyerno. Hindi pupunta ang tao sa impiyerno dahil sa kasalanan at hindi Siya hahatulan sa hinaharap dahil sa kanyang kawalan ng relasyon kay Hesu Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya. Kaya ng tao na tulungan ang kanyang sarili; hindi kailangan ang paghahandog ni Hesus para sa kasalanan dahil hindi dadalhin ng mapagmahal na Diyos ang tao sa isang lugar na gaya ng impiyerno dahil hindi naman isinilang na makasalanan ang lahat ng tao. Sinasalungat ng katuruang ito ang mismong Panginoong Hesu Kristo na ipinakilala ang sarili bilang tanging daan patungo sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang kamatayan na siyang pantubos sa kasalanan ng tao (Juan 14:6).

6) Karamihan ng mga manunulat ng aklat ng Bibliya ay hindi klase ng mga tao na gaya ng pinaniniwalaan ng tradisyon. Halimbawa, hindi si Moises ang sumulat ng unang limang aklat ng Bibliya. Ang Aklat ni Daniel ay isinulat ng dalawang manunulat dahil walang paraan na malaman ng tao bago maganap ang detalyadong propesiya sa huling bahagi ng aklat; kaya’t isinulat sila pagkatapos nilang maganap. Ganito rin ang pagturing nila sa mga aklat sa Bagong Tipan. Ang ideyang ito ay sumasalungat hindi lamang sa Kasulatan kundi maging sa mga dokumento sa kasaysayan na nagpapatunay sa pagkakaroon ng mga taong sumulat ng mga aklat ng Bibliya na siyang tinatanggihan naman ng mga liberal na teologo.

7) Ang pinakamahalagang bagay na dapat na gawin ng tao ay ibigin ang kanyang kapwa. Ang pag-ibig sa bawat sitwasyon, hindi ang mabuti na sinasabi sa Bibliya, kundi ang mabuti ayon sa ipinasya ng mga liberal theologians. Tinatanggihan nito ang doktrina ng pagiging lubos na makasalanan ng tao siyang dahilan kung bakit walang kakayahan ang tao na gumawa ng mabuti at tunay na umibig sa kapwa (Jeremias 17:9) malibang bigyan siya ng bagong pagkatao at buhayin ni Hesu Kristo mula sa mga kasalanan (2 Corinto 5:17).

Napakaraming pahayag sa Kasulatan laban sa mga taong tinatanggihan ang pagka-Diyos ni Kristo (2 Pedro 2:1) (na ginagawa ng liberal na Kristiyanismo); na nangangaral ng ibang Ebanghelyo na kaiba sa Ebanghelyong ipinangaral ng mga apostol (Galacia 1:8) (na ginagawa ng mga liberal na teologo sa pagtanggi sa pangangailangan ng pagtubos sa kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo at sa halip ay ipinangangaral na kaya ng tao na tulungan ang sarili at pagandahin ang kanyang buhay sa hinaharap). Kinukondena ng Bibliya ang mga taong tinatawag na mabuti ang masama at masama ang mabuti (Isaias 5:20) (na ginagawa ng mga liberal na iglesya sa pagyakap sa ikatlong kasarian bilang isang alternatibong uri ng pamumuhay, isang gawain na paulit ulit na kinukondena ng Bibliya).

Nagbabala ang Kasulatan sa mga taong sumisigaw ng “Kapayapaan, kapayapaan; gayon ma'y walang kapayapaan” (Jeremias 6:14) (na ginagawa ng mga liberal theologians sa pagsasabi na kaya ng tao na makamtan ang kapayapaan ng hiwalay sa ginawang paghahandog ni Kristo ng Kanyang buhay sa krus at sa pagtuturo na hindi kailangan ng tao na magalala tungkol sa paghuhukom ng Diyos sa hinaharap). Sinasabi sa Kasulatan na darating ang panahon kung kailan magkakaroon ang tao ng “anyo ng kabanalan, datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito” (2 Timoteo 3:5) (na siyang ginagawa ng mga liberal na teologo sa pagtuturo na may kabutihan ang tao sa kaibuturan ng kanyang puso at hindi niya kinakailangan na isilang na muli sa Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo). At nilalabanan din ng Bibliya ang mga taong mas nais na maglingkod sa mga diyus diyusan sa halip na maglingkod sa nagiisa at tunay na Diyos (1 Cronica 16:26) (na siyang ginagawa ng liberal na Kristiyanismo sa paglikha nito ng huwad na diyos ayon sa kanyang sariling kagustuhan sa halip na sambahin ang Diyos na gaya ng inilarawan sa Bibliya).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang liberal na teolohiyang Kristiyano o liberal Christian theology?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries