settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahalagahan ng libingang walang laman?

Sagot


Ang libingang walang laman ay isang biblikal na katotohanan. Ang libingan ni Hesus ng Nazaret na natagpuang walang laman ng mga disipulo ang naging sentro ng mga pahayag ng mga Kristiyano, mula pa sa panahon ng mga apostol. Inilarawan sa iba't-ibang antas ng apat na Ebanghelyo ang tungkol sa mga pangyayari na may kaugnayan sa pagkatuklas ng libingang walang laman (Mateo 28:16; Marcos 16:17; Lucas 24:1-12; Juan 20:1-12). Ngunit may matibay nga bang ebidensya na ang mga pahayag na ito ay tunay na naganap sa kasaysayan? Maaari bang ipalagay ang isang patas at tapat na pagsusuri sa lahat ng mga nangyari na talagang ang libingan ni Hesus ay natagpuang walang laman noong umaga ng unang Pasko ng pagkabuhay? May ilang argumento ang nagkumbinse sa maraming mananalaysay na ang libingan kung saan inilibing si Hesus ay tunay na natagpuang walang laman tatlong araw matapos na ipako Siya at mamatay sa krus.

Una, nalalaman ng mga Kristiyano at ng mga hindi mananampalataya kung saan ang lokasyon ng libingan ni Hesus. Kadalasang itinatapon na lamang sa libingan ng mga kriminal, o iniiwan na lamang na nakabitin sa krus upang kainin ng mga ibon o ng ibang hayop na kumakain ng mga nabubulok na bagay ang karamihan sa mga naipako sa krus, ngunit naiiba ang kaso ni Kristo. Itinala sa kasaysayan na inilibing si Hesus sa libingan ni Jose na taga-Arimatea, isang miyembro ng Sanedrin, ang grupo na nagplano ng pagpatay kay Hesus. Maraming mga dalubhasa na nagdududa sa katotohanan ng Bagong Tipan ang naniniwala na malabong maging isa lamang kathang-isip ng mga Kristiyano ang paglilibing ni Jose na taga-Arimatea kay Hesus. Lalo na't madaling maunawaan ang pagkapoot ng mga sinaunang Kristiyano sa Sanedrin, na sinisisi nilang may sala sa pagkamatay ng kanilang Panginoon. Kaya't hindi maaaring gumawa lamang ng kwento ang mga taga-sunod ni Hesus tungkol sa isang miyembro ng Sanedrin na ipinagamit ang sariling libingan para lamang mabigyan si Hesus ng maayos na libing.

Dagdag pa rito, ipinakita ng mga pinakabagong tuklas sa arkeolohiya na ang istilo ng mga libingan (acrosolia) na tulad ng inilarawan sa mga Ebanghelyo ay ginagamit ng mga mayayaman o ng mga taong may sinasabi sa lipunan. Ang ganoong paglalarawan ay tumutugma sa ating nalalaman tungkol kay Jose ng Arimatea. Isa pa, maliit lamang ang importansya sa kahit anung simbolismo sa Kasulatan ang bayan ng Arimatea, at wala itong kahit anong tradisyon tungkol sa paglilibing. Kaya naman, nawala ang anumang pagdududa kung si Hesus nga ba ay totoong inilibing sa libingan ni Jose.

Hindi dapat ipagwalang-bahala ang kahalagahan ng katotohanang ito, tulad ng siguradong alam ng Sanedrin ang lokasyon ng libingan ni Jose kaya alam nila kung saan inilibing si Hesus. At kung nalalaman ng mga pinuno ng Hudyo ang lokasyon ng libingan ni Hesus, imposible na makagawa ng anumang pagkilos ang mga Kristiyano sa Jerusalem, ang bayan kung saan inilibing si Hesus. Wala ba isa man sa mga pinuno ng Hudyo ang nagtungo sa libingan ni Jose para tingnan kung totoo nga ang balita? Hindi ba't mayroong sapat na dahilan ang Sanedrin para ilantad na lamang ang bangkay ni Hesus (kung mayroon nga) upang tuldukan na ang lahat ng mga usap-usapan tungkol sa muling pagkabuhay ni Hesus? Ang katotohanan na nagsimulang magkaroon ng mga mananampalataya sa Jerusalem ang patunay na wala ngang naipakita o natagpuang bangkay noon, kahit na mayroon ng lahat ng motibasyon ang mga pinunong Hudyo na magpalabas ng bangkay para lamang sila may maipakita. Kung naipakita ang patay na ipinakong katawan ni Kristo, haharap sa isang nakamamatay na dagok ang Kristiyanismo dahil ang sentrong katuruan nito ay ang muling pagkabuhay ni Hesus.

Pangalawa, unang binanggit ni Apostol Pablo ang tungkol sa libingang walang laman sa 1 Corinto 15. Habang ang apat na Ebanghelyo ay nagpatotoo sa libingan ni Hesus na walang laman, unang narinig mula kay Apostol Pablo ang pinakaunang katuruan tungkol dito. Sa kanyang sulat sa iglesya sa Corinto noong mga AD 55, binaggit ni Pablo ng pormula (o creed), na pinaniniwalaan ng karamihan ng mga iskolar na kanyang tinanggap mula kina Apostol Pedro at Santiago, limang taon pagkatapos ng pagkapako ni Hesus (Galacia 1:18–19). Sinabi ni Pablo, "Sapagka't ibinigay ko sa inyo una sa lahat, ang akin namang tinanggap: na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan, At siya'y inilibing; at siya'y muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan; At siya'y napakita kay Cefas, at saka sa labingdalawa" (1 Corinto 15:3-5). Nang isinulat ni Pablo na "...siya'y inilibing; at siya'y muling binuhay," ipinapahayag nito na libingang walang laman na pinaglibingan kay Hesus. Para sa isang Pariseo na tulad ni Pablo, ang bumaba sa hukay ay muling mabubuhay. Dahil nagmula sa mga apostol na nasa Jerusalem na malapit mismo sa pinangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli ni Hesus, matibay na patunay na totoo ngang natagpuang libingang walang laman ni Hesus at nalaman ng maraming Kristiyano ang katotohanang ito. Nasagot ang malimit na pagtutol, na hindi nalalaman ni Pablo ang tungkol sa libingang walang laman ng makita na nangangaral siya tungkol sa muling pagkabuhay ni Hesus at ang muling pagkabuhay na ito ay sa pisikal na katawan (Roma 8:11; Filipos 3:21). Para kay Pablo, isang pagsasalungatan ng mga pahayag kung hindi pinatutunayan ng libingang walang laman ang muling pagkabuhay.

Pangatlo, makikita na may matibay na patotoo maging ang mga kalaban tungkol sa libingang walang laman. Makikita ang una sa mga pahina ng Ebanghelyo ni Mateo, kung saan niya ipinahayag na inaamin o kinikilala mismo ng mga pinunong Hudyo na totoo ang libingang walang laman (Mateo 28:13-15). Sinasabi nila na kinuha ng mga disipulo ang katawan ni Hesus. Ngunit dahil sa napakalapit ng panahon ng pagkasulat ni Mateo ng kanyang Ebanghelyo sa pangyayaring iyon, madali lamang pabulaanan ang ganoong pahayag kung hindi talaga totoo. Sapagkat kung nagsisinungaling si Mateo, madali lamang mapatunayang hindi totoo ang kanyang ulat tungkol sa bintang ng mga pinunong Hudyo, dahil habang kasalukuyang kumakalat ang kanyang isinulat, marami pang nabubuhay noon sa kanyang kapanahunan na alam ang mga naganap ang maaaring mag-kwestyon sa kanya. Ngunit bakit paparatangan nila ang mga disipulo ng pagnanakaw sa katawan ni Kristo kung ang bangkay naman ay naroon pa sa libingan? Nangangahulugan na tunay ngang walang laman ang libingan dahil sa paratang ng ito ng mga Hudyo.

Pinatototohanan nina Justin Martyr, isang Kristiyanong nagtanggol sa pananampalataya, sa kalagitnaan ng ikalawang siglo, (Dialogue with Trypho, 108) at ni Tertulian (De Spectaculis, 30), isa sa mga ama ng iglesya noong mga AD 200, na pinaratangan lamang ng mga Hudyo ang mga disipulo ng pagnanakaw sa katawan ni Hesus. Sina Justin at Tertullian ay parehong nakipag-ugnayan sa mga debatista ng kanilang kapanuhanan at magkatulad ang posisyon kaya nalalaman nila ang mga sinasabi ng kanilang mga kalabang Hudyo. Hindi lamang nila pinanghahawakan ang Ebanghelyo ni Mateo para sa impormasyon. Sina Justin at Tertullian ay nagpahayag ng mga detalye na hindi matatagpuan sa Ebanghelyo ni Mateo. Ang totoo, nagpahayag ng mga detalye ang tatlong manunulat na ito na hindi binanggit ng isa't-isa. Batay sa mga konsiderasyong ito, lumalabas na kinikilala noon ng mga Hudyo ang libingang walang laman.

Pang-apat, sinabi ng apat na Ebanghelyo na isang babae ang nakatuklas sa libingang walang laman. Napakahalaga ng pangyayaring ito dahil sa mayroong patriarchal nature sa Palestina noong unang siglo. Limitado lamang ang pagpapahintulot sa mga kababaihan noong panahong iyon na maging testigo sa korte. Ganoon din naman sa lipunan ng mga Hudyo noong unang siglo, mababa ang pagpapahalaga sa patotoo ng isang babae kaysa sa lalaki. Kung gagawa ka man ng kwento para lamang mapasang-ayon ang iba na totoo ngang nabuhay na mag-uli si Hesus, hindi ka gagamit ng isang babae bilang pangunahing saksi. Anumang gawa-gawang istorya ay dapat na ipahayag ng mga lalaking disipulo tulad nina Pedro, Juan, o ni Andres na nakatuklas sa libingang walang laman. Ang kanilang patotoo ang mas kapani-paniwalan.

Bukod dito, ipinahayag sa mga Ebanghelyo na mga kababaihan ang pinakaunang saksi sa libingang walang laman, habang nagtatago dahil sa takot sa may kapangyarihan ang mga lalaking disipulo ni Hesus. Walang dahilan para gumawa lamang ng kwento ang unang iglesya, liban na lamang kung ito nga ang katotohanan. Bakit naman ihahayag ng mga unang mga Kristiyano at kikilalanin ang mga kababaihan bilang mga pangunahing saksi? Isa sa mga saksi ang babaeng (Maria Magdalena) sinasabi rin na dating inalihan ng pitong demonyo, kaya naman lalong hindi magiging kapani-paniwala ang kanyang patotoo sa mata ng marami. Ngunit sa kabila ng kanilang kahinaan, mariing iginiit ng mga sinaunang Kristiyano na mga babae ang mga unang saksi tungkol sa libingang walang laman. Hindi nais ng mga sinaunang Kristiyano na magsinungaling kahit pa ang kanilang mga saksi ay kahiya-hiya para sa lipunan.

Isa pang karagdagang katibayan sa libingang walang laman ang unang umaga ng Pasko ng pagkabuhay na makikita sa apat na Ebanghelyo. Tulad ng konklusyon ng isang mananalaysay na si Michael Grant na siya mismo na nagdududa sa muling pagkabuhay ni Hesus, “kung ating gagamitin ang mga pamantayan na ginagamit para sa mga sinaunang panitikan, malakas ang mga katibayan at maaaring totoo, sapat upang patunayan ang konklusyon na tunay ngang natagpuang walang laman ang libingan ni Hesus."

Siyempre, mayroong higit na mahalaga kaysa sa kwento ng libingang walang laman. Natagpuang walang laman ang libingan dahil nabuhay na mag-uli ang inilibing doon. Hindi lamang wala si Hesus sa Kanyang libingan, nagpakita pa Siya sa maraming indibidwal (Lucas 24:34) at sa mga grupo (Mateo 28:9; Juan 20:26–30; 21:1–14; Gawa 1:3–6; 1 Corinto 15:3–7). At ang Kanyang muling pagkabuhay mula sa mga patay ang matibay na katibayan na Siya nga ang Tagapagligtas (Mateo 12:38-40; 16:1-4), ang nabuhay na muling Anak ng Diyos, ang ating tanging pag-asa para sa kaligtasan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahalagahan ng libingang walang laman?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries