Tanong
Ano ang libreng biyaya? Ano ang teolohiya ng libreng biyaya?
Sagot
Ang teolohiya ng libreng biyaya ay isang mahalagang pananaw tungkol sa kaligtasan na yumabong mula sa mga tradisyonal na Baptist. Ito ay ginawang sistematiko ng mga kilalang teologo kagaya nila Dr. Charles Ryrie at Zane Hodges noong 1980s, bilang pagtugon na rin sa teolohiya ng kaligtasan sa pagsunod sa Panginoon, na nagmula naman sa Repormang teolohiya. Sa ngayon, ang libreng biyaya ay nananatiling matatag ,dahil sa suporta ng mga kristiyanong kagaya nina Tony Evans, Erwin Lutzer, Bruce Wilkinson, Dallas Theological Seminary, at Grace Evangelical Society.
Pangunahing itinuturo ng teolohiya ng libreng biyaya na ang pagtugon sa “panawagan na sumampalataya” kay Jesus sa pamamagitan ng pananampalataya lamang ang siyang pinakamahalaga upang ang isang tao ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ang simpleng katuruang ito ay nagbibigay ng katiyakan sa pagpasok sa kaharian ng Diyos. At kung ang isang tao ay tumugon kay Jesus, siya ay magiging alagad. Dahil diyan ay nagkakaroon ng pagkakataon ang alagad ni Cristo na magmana ng kaharian ng Diyos, kalakip ang mga gantimpala ayon sa kanyang ginawa para sa Diyos habang nandirito pa siya sa sanlibutan.
May mga talatang itinuturo ang mga teologo ng libreng biyaya upang patunayan ang pagkakaiba sa pagitan ng pananampalatayang nakapagliligtas at sa pagsunod kay Cristo bilang Panginoon. mula sa ebanghelyo ni Juan at sa mga sulat ni Pablo, Isang halimbawa nito ay ang paliwanag ni Jesus sa babaeng nasa balon kung paano makakamit ang kaligtasan(Juan 4:10 kumpara sa pangungusap ni Jesus sa kanyang mga alagad-na kailangan nilang gawin at sundin ang kalooban ng nagsugo sa kanya” (Juan 4:34).
Binabanggit rin sa ibang mga talata ng ebanghelyo ni Juan na pananampalataya ang nag iisang kailangan sa kaligtasan, kabilang na riyan ang Juan 3:16; Juan 5:24; at Juan 6:47 na nagsasabing “ang sinumang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.” At ang mga patunay na ang mga gawa ay may gantimpala sa langit ay mababasa naman sa mga talata na gaya ng Mateo 5;1-15;1 Corinto 3:11-15; at Hebreo 10:32-36, partikular sa talatang 36, na nagsasabing “kinakailangan kayong magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako.”
Kaugnay nito, maraming teologo ng repormang pananampalataya ang nabibigla sa paninindigan ng mga teologo ng libreng biyaya, at inaakusahan nila ang katuruang ito na “maluwag/madaling pananampalataya (easy believism)” o antinomianismo(antinomianism). Ang antinomianismo ay isang hidwang paniniwala na ang Kristiyano ay hindi na nasasaklaw ng alinmang kautusan, maging ito man ay biblikal o moral, at dahil diyan ay maaari na nilang gawin ang anumang maibigan nila. Ang mga bagay na iyan ay batayan upang ang teolohiya ng libreng biyaya ay maging antinomianismo. Gayunman, hindi naman talaga laban sa kautusan ang katuruan ng libreng biyaya. Sapagkat ipinapalagay ng mga teologo ng libreng biyaya na ang kanilang pinaniniwalaan ay higit na biblikal kaysa teolohiya ng kaligtasan sa pagsunod sa Panginoon, na sa kanilang pananaw ay isang teolohiyang nakabatay sa gawa. Ayon sa mga teologo ng libreng biyaya, pinanghahawakan ng teolohiya ng kaligtasan sa pagsunod sa Panginoon na ang pananampalatayang nakapagliligtas pati na rin ang panloob na pagbabago ay nagiging mabuting gawa.
Ang mga bagay na ito ang umaakay sa libreng biyaya upang bigyan ng diin ang katiyakan ng kaligtasan. Muli, ito'y batay sa mga pangunahing pangako sa ebanghelyo ni Juan, na pananampalataya lamang ang kailangan upang maligtas. Ito ay isang simpleng bagay para sa mga teologo ng libreng biyaya na kapag sumampalataya ka, ikaw ay ligtas. Ngunit para sa panig ng mga naniniwala sa teolohiya ng kaligtasan sa pagsunod sa Panginoon, ang katiyakan ng kaligtasan ay nakabatay sa obserbasyon sa pagbabago ng buhay ng isang nagsasabing siya ay mananampalataya. halimbawa: tinitingnan nila kung kinakikitaan ba siya ng mga gawang mabuti. Gayunman, parehong naniniwala ang dalawang panig sa posibilidad na maging hidwang aral ang bawat isa kanila.
Bagaman, ang teolohiya ng libreng biyaya (free grace) at teolohiya ng kaligtasan sa pagsunod sa Panginoon (Lordship Salvation) ay mga terminolohiyang bago pa lamang nabuo, ito ay nagdudulot ng mga pagaalala o pagkabahala na naranasan na mula pa sa pasimula ng iglesya. Ganun pa man, walang dapat ipagalinlangan sa pangunahing batayan ng kaligtasan ng dalawang pananaw na ito sapagkat sila naman ay parehong nasa limitasyon ng ortodoksiya. Subalit hindi pa rin natin maaaring sabihin na ito'y walang kabuluhang pagtalakay. Sapagkat ang paniniwala ng isang tao sa bagay na ito ay maaaring magpabago ng kanyang pananaw sa kanyang sarili, sa Diyos at sa katiyakan ng kanyang kaligtasan kaya nga ito ay isang mahalagang usapin.
English
Ano ang libreng biyaya? Ano ang teolohiya ng libreng biyaya?