settings icon
share icon
Tanong

Maaari bang ipanganak na muli ang hindi naman itinalaga?

Sagot


Hindi, imposibleng maligtas ang isang taong hindi naman pinili ng Diyos upang maligtas. Marami ang hindi komportable sa doktrinang ito ng Biblia lalo na sa mga bago pa lang nakakaalam nito. Hindi nila ikinatutuwa ang tila ba hindi makatarungang pagkakaayos ng kaligtasan. At ang nakakalungkot ay ganito ang nagiging resulta ng kanilang mga pagtalakay sa doktrinang ito. Gayunman, kung magkakaroon lamang tayo ng tamang pagtingin tungkol sa biblikal na pananaw ng pagpili, ay tiyak na mapapagtanto natin na ang ginawa ng Diyos na pagtatalaga ay isang mapagmahal na hakbang.

Kaya nga, dapat nating maunawaan ng husto na tayong lahat ay makasalanan at wala ni katiting na kakayahan sa ating sarili upang piliin ang Diyos. Kailanman ay hindi natin Siya kayang piliin, sapagkat ang ating karaniwang tugon sa Diyos ay paghihimagsik laban sa kanyang pag-ibig at kapamahalaan. Hindi natin Siya hinahanap (Roma 3:11). Ayaw nating pagsasabihan niya tayo ng dapat nating gawin. Kung magawa man nating talikuran ang ating kasalanan, magsisi, at sumampalataya, Ito ay dahil ang Diyos ang gumawa ng hakbang. Sinabi ni Jesus sa mga taong tumututol sa kanyang itinuturo na, "Walang makakalapit sa akin malibang akayin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin" (Juan 6:44). Sa madaling salita, walang maliligtas malibang sila ay pinili.

Totoo rin na kinakailangang sumampalataya ang isang tao upang siya ay maligtas. Maraming mga mananampalataya ang nakakapagsabi ng panahon kung kailan nila tinanggap si Cristo at kung kailan sila nagsuko ng kanilang buhay sa Kanya. Tayo ay nagpapasyang magsuko ng ating buhay sa pamamagitan ng pananampalataya; sapagkat hindi tayo maliligtas kung hindi natin ito gagawin. Gayunman, kung susuriin natin ang Banal na Kasulatan at kung ating babalikan ang proseso ng ating kaligtasan ay ating mapapansin na ang kamay ng Diyos ay gumagawa sa kabuuan nito - makikita natin ang pagkilos ng Banal na Espiritu at kung paano binabago ng Diyos ang ating puso upang magkaroon ng kakayahang sumampalataya. Nakikita natin na ang Diyos ang nagsaayos upang marinig natin ang ebanghelyo at nagkaroon tayo ng kaugnayan sa Diyos dahil ipinasya niyang hanapin tayo at magtagumpay sa atin. Ang iba ay naniniwala na ginagawa ito ng Diyos sa lahat ng tao. Ngunit kung ganoon, lalabas na ang dahilan kung bakit ang ibang tao ay sumasampalataya at ang iba naman ay hindi ay sapagkat ang iba'y higit na totoo, may maayos na espiritwalidad, at sensitibo ang moralidad. At iyan ay nangangahulugan na kahit papaano ay mayroong panloob na kabutihan ang tao na nagbibigay sa kanya ng kakayahang sumampalataya. Subalit kung totoo nga ang ganitong pananaw ay nahaharap tayo sa problemang lohikal at higit sa lahat, sa problemang biblikal.

Sapagkat itinuturo ng Biblia na ang Diyos ay pumipili ng ilang tao at sila ay pinili Niya ayon sa kanyang layunin, hindi dahil sa likas nilang kabutihan. Hindi rin dahil una nang nalalaman ng Diyos ang kanilang magiging pasya. Inilalarawan ni Pablo na, "Bago pa likhain ang sanlibutan, pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo, upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo'y kanyang pinili upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak" (Efeso 1:4-6). Gayundin, sa Efeso 1:11-14 ay ipinaliwanag ni Pablo kung paanong ang pasya ng Diyos at ang ating pananampalataya ay magkasamang gumagawa: "Dahil kay Cristo, tayo rin ay naging pag-aari ng Diyos na siyang nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. Tayong mga unang umasa sa kanya ay pinili niya upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian. Kayo man ay naging bayan ng Diyos matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Sumampalataya kayo kay Cristo, kaya't ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo na ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin ang mga pangako ng Diyos para sa atin, hanggang sa makamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kaluwalhatian!" Ibig sabihin, Ang kabuuan ng plano ng Diyos ay para sa kanyang kaluwalhatian at para sa ikabubuti ng kanyang mga pinili upang sila’y maligtas. Salungat sa mas kilalang katuruan ngayon, ang plano ng kaligtasan ay hindi tungkol sa atin kundi ito ay tungkol sa Diyos.

Ang doktrina ng pagpili ay malinaw na itinuturo sa Banal na Kasulatan at binabanggit din sa Biblia ang mga taong para sa Diyos bagaman hindi pa sila sumasampalataya sa Kanya. Sila ay pinili ng Diyos para sa Kanya kahit hindi pa sila sumasampalataya. Katunayan ay sinabi ni Jesus sa mga Hudyong hindi naniniwala sa kanya ang ganito, "Subalit hindi kayo naniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking kilala, at sila'y sumusunod sa akin" (Juan 10:26-27). Pansinin natin ang sanhi at epekto sa kanyang sinasabi. Hindi naman niya sinabing "hindi ko kayo tupa dahil hindi kayo sumasampalataya sa Akin," Kundi ang sabi niya, "hindi kayo sumasampalataya dahil hindi ko kayo tupa." Binanggit pa niya sa talatang 16 ang tungkol sa iba niyang tupa na sasampalataya rin sa kanya sa sandaling marinig nila ang Kanyang tinig. Kaya't yaong mga itinalaga upang maligtas ay maliligtas.

Isang halimbawa ay ang tagpo sa Corinto kung saan mayroon lamang kaunting bilang ng mananampalataya. Doon ay naharap si Pablo sa paguusig ngunit nagpakita sa kanya si Jesus sa isang pangitain at sinabing, “...Huwag kang matakot! Ipagpatuloy mo ang iyong pangangaral! Anuman ang mangyari'y huwag kang titigil sapagkat ako'y nasa iyo. Hindi ka maaano sapagkat marami akong tagasunod sa lunsod na ito" (Gawa 18:9-10). Makikita natin na ng panahong iyon ay kakaunti pa lamang ang mananampalataya sa Corinto ngunit maraming tao ang pinili ng Diyos sa lugar na ito upang sumampalataya sa Kanya sa sandaling marinig nila ang mensahe ng ebanghelyo.

Sasabihin naman ng iba, bakit kailangan pang mag ebanghelyo kung mayron na palang pinili ang Diyos upang maligtas? Ang sagot ay dahil iniutos ng Diyos na ibahagi natin ang ebanghelyo. Sapagkat ang pag eebanghelyo ang paraan ng Diyos upang maligtas ang mga pinili, ito rin ay nagbibigay luwalhati sa Diyos. Sa kanyang sulat habang siya ay nasa bilangguan sa Roma, ipinaliwanag ni Pablo kay Timoteo kung bakit handa siyang magbata ng hirap alang alang sa mabuting balita. Sabi niya: "Pinapagtiisan ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang buhay na mula kay Cristo Jesus" (2 Timoteo 2:10).

Inaakusahan naman ng iba na hindi raw patas ang Diyos dahil ang ilan ay pinili niya upang maligtas ngunit ang iba ay hinayaan lamang niya at hindi binigyan ng pagkakataon. Ang mga taong may ganitong pagtutol ay kalimitang mayroong maling pagtingin sa kaligtasan. Sa kanilang pagkaunawa, ang doktrina ng pagpili ay mailalarawan sa isang senaryo na may mga taong nakahanay at nakikiusap sa Diyos dahil gusto nilang maligtas, ngunit sinabi ng Diyos, "Hindi! Hindi kita pinili. Ang iyong pangalan ay hindi nakatala, kaya't hindi kita tatanggapin." Ngunit hindi naman talaga ganoon ang nangyayari. Ang katotohanan ay binibigyan ng Diyos ng pagkakataong magpasya ang tao upang sumunod sa kanya, ngunit mas pinipili nilang magkasala. Kaya't bilang patunay ay inihahayag sa Biblia na dahil sa kanyang biyaya ay nagpasya ang Diyos na pumili ng ilan upang iligtas sa kabila ng kanilang paghihimagsik. Kumilos Siya sa kanilang puso at sila'y nagbago. Samantalang ang iba naman ay hinayaan lang ng Diyos na magpatuloy sa kanilang mga makasariling pagnanasa. Ang pagtanggi nila kay Cristo ay mula sa sarili nilang pasya. At yaon namang tumanggap sa Kanya ay tumanggap kay Jesus na may kalayaan, ngunit ito'y dahil kumilos at gumawa ang Diyos sa kanilang puso, at sila ay nabago kaya't nagkaroon sila ng pagnanais na tanggapin si Jesus. Ang Diyos ay ganap na malaya at hindi niya pananagutang iligtas ang sinuman, ngunit ang Kanyang pasya na iligtas ang ilan ay patunay na Siya ay Diyos na mapagmahal at mahabagin.

Bilang pagtatapos ng artikulong ito, walang sinuman ang maliligtas kung walang pagpili at pagtatalaga ng Diyos. Ang buong sangkatauhan ay mapapahamak magpakailanman kung walang pagpili at pagtatalaga. Ang isang makasalanan ay sumasampalataya kay Cristo sapagkat pinili siya ng Diyos at binago ang kanyang puso sa halip na hayaan lamang siya sa landas patungo sa kapahamakan. Ang Diyos ang may gawa at may pakialam sa lahat ng ito, "Ang kaligtasan ay nagmumula sa Kordero, at sa ating Diyos na nakaluklok sa trono" (Pahayag 7:10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Maaari bang ipanganak na muli ang hindi naman itinalaga?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries