Tanong
Posible ba para sa isang tao na maligtas/mapatawad pagkatapos na matatakan ng tatak ng halimaw o 666?
Sagot
Ang tatak ng halimaw ay isang tatak na ilalagay sa noo o sa kanang kamay ng mga tao sa mga huling panahon bilang tanda ng katapatan sa Antikristo (Pahayag 13:15–18). Gayundin, walang sinumang makakapagtinda o makakabili ng walang tatak (Pahayag 13:17). Tila ang ilang anyo ng pagsamba sa Antikristo ay may kaugnayan sa pagtanggap ng tatak (Pahayag 14:9; 16:2), at ang mga tatanggi na sumamba sa imahe ng halimaw ay papatayin (Pahayag 13:15).
Ang tanong ay: ang isang tao ba na tumanggap ng tatak ng halimaw ay mapapatawad pa ng Diyos? Ang sagot sa tanong na ito ay tila “hindi.” Inilalarawan sa Pahayag 14: 9–11, ang kahihinatnan ng sinumang tumanggap sa tatak ng halimaw. Sinasabi doon, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, ay paiinumin ng Diyos ng purong alak ng kanyang poot na ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. Ang usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay patuloy na tataas magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan.”
Ang walang hanggang hantungan ng mga tumanggap sa tatak ng halimaw ay ang lawang apoy. Bakit ang pagtanggap sa tatak ng halimaw ay isang kasalanang hindi mapapatawad ng Diyos? Bakit susumpain ng Diyos ang isang tao at dadalhin sa lawang apoy dahil sa pagtanggap sa tatak ng halimaw? Tila ang pagpapatatak ng tatak ng halimaw ay isang pamumusong at paglaban sa Diyos. Ang pagtanggap sa tatak ng halimaw sa esensya ay pagsamba kay Satanas. Ang mga tumanggap sa tatak ay nagdesisyon na paglingkuran si Satanas sa halip na sundin ang Diyos at tanggapin si Cristo bilang Tagapagligtas. Kung gawin ng mga tao ang desisyong ito sa panahon ng kapighatian, ipagkakaloob ng Diyos ang kanilang kahilingan na walang hanggang pagkahiwalay sa Kanyang pagliligtas.
English
Posible ba para sa isang tao na maligtas/mapatawad pagkatapos na matatakan ng tatak ng halimaw o 666?