Tanong
Ano ang likas na kapahayagan?
Sagot
Sa teolohiya, ang kapahayagan ay tumutukoy sa mga impormasyon na mula sa Diyos upang ihayag o ipakilala ang kanyang sarili, ang tungkol sa atin at sa sanlibutan. Ang kapahayagan ng Diyos ay may dalawang uri: ang likas na kapahayagan (o general revelation) at espesyal na kapahayagan.
Ang espesyal na kapahayagan ay tuwiran o direktang nagmula sa Diyos at sa kanyang nakasulat na Salita. Ang pahayag na ito ay naglalaman ng katotohanan na hindi natin malalaman malibang ang Diyos ang tuwirang magsabi sa atin. Halimbawa, ang Trinidad at pagpapawalang-sala ayon sa biyaya sa pamamagitan ni Cristo ay imposibleng malaman sa pamamagitan ng ating sariling kaalaman lamang. Magkakaroon lamang tayo ng pagkaunawa sa bagay na iyan sa pamamagitan ng espesyal na kapahayagan. Kaya nga kung ang isang grupo ng tao ay hindi nakakatanggap ng Biblia na isinalin mismo sa kanilang wika, hindi malalaman ng mga taong iyon ang katotohanan na sa pamamagitan lamang ng espesyal na kapahayagan maaaring malaman.
Ang likas na kapahayagan naman ay kapahayagan ng katotohanan tungkol sa Diyos na mauunawaan natin sa pamamagitan ng pagtingin sa mga bagay o nilikha sa ating paligid at sa ating sarili. Bagaman hindi lahat ay maaaring makatanggap ng espesyal na kapahayagan, Malinaw na sinasabi sa Biblia na maaaring malaman ng tao ang mga bagay tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng kalikasan o likas na kapahayagan kaya't sila ay may pananagutan kung paano sila tumutugon sa bagay na ito. Ipinapahiwatig ng natural o likas na kapahayagan na ang larawan ng Diyos sa nagkasalang sangkatauhan at ang kanyang kakayahang mental sa lohika ay nananatiling maayos at sapat upang magkaroon ng kaalaman at pagkakilala sa Diyos.
Ang Awit 19:1-4 ay tumutukoy sa sagana at maaaring malamang kapahayagan ng Diyos:
“Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan! Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang, patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman. Wala silang tinig o salitang ginagamit, wala rin silang tunog na ating naririnig; ngunit abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig, balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig. Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw.”
Ipinapaliwanag din sa pasimula ng sulat sa mga taga Roma ang likas na kapahayagan ng Diyos at ang implikasyon nito:
“Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa.
“Kahit na kilala nila ang Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. Tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad, at ng mga hayop na gumagapang.”
Ayon sa mga talata sa itaas, ang likas na kapahayagan ay pang buong daigdig, at ang pagbalewala ng tao rito ay magbubunga ng kanyang kapahamakan. May mga bagay tungkol sa Diyos na malalaman natin sa pamamagitan ng pagmamasid sa sangnilikha (Roma 1:19). Mauunawaan ng isang tao sa pamamagitan ng pagtingin sa sangnilikha na ang manlilikha ay makapangyarihan at banal at karapat-dapat sambahin (tal. 20). Subalit, sinasabi rin sa talata na hindi pinapahalagahan ng tao ang likas na kapahayagang ito at makikita iyan sa pamamagitan ng kanilang pagtangging sumamba at magpasalamat sa Diyos, kaya't “sila ay walang maidadahilan” (tal. 20). Ang pandaigdigang tugon ng makasalanang sangkatauhan ay hindi pagsamba kundi upang hadlangan ang katotohanan (tal.18) at sambahin at paglingkuran ang nilikha(tal.25), gumawa pa nga sila ng larawan ng mga ito (tal.23).
Nakatala sa unang kabanata ng aklat ng Roma ang maraming kasalanan na ginagawa ng mga taong tumatanggi at humahadlang sa likas na kapahayagan ng Diyos, kahit alam nilang mali ang mga bagay na iyon (tal.31). Ang mga taong ito'y walang nakasulat na kautusan ng Diyos, ngunit mayroon silang kautusan na “nakaukit sa kanilang puso” (Roma 2:15). Ang budhi ay bahagi ng likas na kapahayagan. ito ang nagdidikta sa tao kung tama o mali ang isang bagay. subalit hindi ito perpekto sapagkat maaari itong magkamali, ngunit kapag ang isang tao ay gumawa ng isang bagay na alam niyang mali, kahit walang nagsabi sa kanya na mali iyon, nagkakasala pa rin siya ng paglabag laban sa kapahayagan ng Diyos sa kanila.
Ang likas na kapahayagan ay nakaugnay sa prinsipyo ng pagkakaayon. Sinasabi sa Roma 2:1 ang ganito, “Kaya nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. tinatanggihan nila ang anyo ng likas na kapahayagan.
Kaugnay ng mga bagay na ito ay ang madalas na tanong kung “Ano ang mangyayari sa taong hindi nakarinig ng tungkol kay Jesus? Mapaparusahan o hahatulan ba sila dahil sa hindi nila pagsampalataya sa hindi man lamang nila narinig?” Ang sagot ay, “Hindi sila hahatulan dahil sa kawalang alam, kundi batay sa kaalaman o impormasyong ibinigay sa kanila.” At alam naman natin na lahat ng tao ay may kaalaman tungkol sa kamangha-manghang nilikha. Ito ang nagpapatunay na may makapangyarihang Diyos na karapat-dapat sambahin. Ang tao ay hahatulan, kahit sumamba sila o hindi sa Manlilikha sapagkat ang kanilang budhi ang nagsasabi na ang isang bagay ay mali. Sila'y hahatulan batay sa kanilang ginawa, ito man ay tama o mali. Ipinapahayag ng prinsipyo ng pagkakaayon na nakikita ng tao ang kamalian sa iba ngunit kapag sila naman ang gumawa ng bagay na iyon ay ipinagtatanggol nila ang kanilang sarili. Ang tao ay hahatulan batay sa panukat na kanilang ginamit upang hatulan ang iba.
Sa kabila ng lahat ng ito, Malinaw na sinasabi sa Banal na Kasulatan ang tungkol sa hatol:”Walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakakaunawa walang naghahanap sa Diyos. Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasamaWalang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa. Parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan pananalita nila'y pawang panlilinlang. Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.” Punô ng pagmumura at masasakit na salita ang kanilang bibig.” Wala silang atubili sa pagpatay ng kapwa. Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan, hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.” Hindi sila marunong matakot sa Diyos” (Roma 3:10-18). Walang sinumang sumusunod sa kautusan ng Diyos, ito man ay espesyal o likas na kapahayagan. at kapag ang bawat isa ay hinatulan, lahat ay masusumpungang nagkasala at iyon ay pantay na paghatol na nararapat lamang sa bawat isa. “Lahat na nagkasala na walang kautusan [iyong mga may likas na kapahayagan lamang] ay mapapahamak kahit walang kautusan, at iyong mga nagkasala sa ilalim ng kautusan [iyong mga binigyan ng espesyal ng kapahayagan] ay hahatulan batay sa kautusan” (Roma 2:12).
Ang likas na kapahayagan ay kautusan, at ang kautusan ay humahatol at nagpaparusa. Walang sinuman ang maliligtas dahil sa pagsunod sa kautusan sapagkat walang sinumang may kakayahang tuparin ito. Kaya't ang tanging pag-asa upang magkaroon ng kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Bagaman, wala naman talagang perpektong nakakaganap ng likas na kapahayagan ng Diyos, may mga kwentong misyonero tungkol sa mga tao na sa kanilang pagmamasid sa kalikasan ay kanilang napagtanto na mayroong makapangyarihang Diyos sa likod ng lahat ng ito, sila ay tumawag sa Kanya. at sa kagandahang loob ng Diyos ay nagpadala Siya ng misyonero upang sabihin sa kanila ang tungkol kay Jesus, sapagkat hindi maliligtas ang sinuman kung hindi sasampalataya sa Kanya.
English
Ano ang likas na kapahayagan?