settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahulugan na ang langit at lupa ay lilipas?

Sagot


Hindi nagbabago ang babala ng Bibliya na ang mundong ito ay hindi mananatili magpakailanman. Sinabi ni Jesus sa Mateo 24:25, “lilipas ang langit at lupa.” Ang pananalita Niyang ito ay ayon sa konteksto ng mga hula na magaganap sa mga huling araw at ang walang hanggang kalikasan ng mga Salita ni Jesus: “Ang Aking mga salita ay hindi lilipas.” Nangangahulugan ito na ang pagtitiwala kay Jesus ay mas mainam kaysa sa pagtitiwala sa anumang bagay sa mundong ito.

Tinutukoy din ni Jesus ang paglipas ng langit at lupa sa Mateo 5:18. Sa Pahayag 21:1, isinulat ni Juan ang magiging kalagayan sa isang bagong langit at isang bagong lupa at nakita na ‘lumipas na ang unang langit at ang unang lupa” (tingnan ang Isaias 65:17 at 2 Pedro 3:13). Ang ibig sabihin ng “lumipas” ay “naglaho” o “nawala na.” Tumutukoy ito sa pisikal na langit at lupa—ang materyal na mundo at ang lahat ng naririto—pero hindi kasama ang mga espiritu/kaluluwa ng mga nakatira dito. Malinaw ang sinasabi ng Kasulatan na hindi matatapos ang buhay ng tao kahit maglaho ang kasalukuyang materyal na sangnilikha. Ang ilan ay pupunta sa walang hanggang kasiyahan at ang ilan ay sa walang hanggang pagdurusa at ang kasalukuyang sangnilikha ay papalitan ng panibagong nilikha na hindi na magkakaroon pa ng kasalanan.

Ang pamamaraan ng Diyos sa paggunaw sa mundong ito ay ipinakita sa 2 Pedro 3:10–12: “Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala…. ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init.” Noong panahon ni Noe, ang mundo ay ginunaw sa pamamagitan ng baha pero ipinangako ng Diyos na hindi na Niya gugunawin sa tubig ang mundo (Genesis 9:11). Sa Araw ng Panginoon, ang sangnilikha ay gugunawin sa pamamagitan ng apoy.

Hinulaan din ni propeta Isaias ang paglipas ng langit at lupa. “Ang araw, buwan at mga bituin ay malalaglag at madudurog at ang kalangita'y irorolyong parang balumbon. Ang mga bituin ay malalaglag na parang mga tuyong dahon ng igos na nalalagas” (Isaias 34:4). Tiniyak ng Diyos sa kanyang bayan na kahit na lumipas ang langit at lupa, tiyak ang kanilang kaligtasan: “Sa dakong itaas, sa kalangitan kayo ay tumingin, sa dakong ibaba, dito sa daigdig ay magmasid din. Katulad ng usok, itong kalangita'y pawang maglalaho, at itong daigdig mawawasak namang parang kasuotan. Ang mga naroon, lahat ng nilikha ay parang langaw na mamamatay. Ngunit ang pagliligtas ko ay walang hanggan, ang tagumpay ay walang katapusan” (Isaias 51:6).

Ang kaalaman na lilipas ang langit at lupa ang humihimok sa atin na magkaroon ng makalangit na pananaw sa buhay. Ang mundong ito ay hindi natin palagiang tahanan. “Subalit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran” (2 Pedro 3:13). Sinasabihan tayo ni Jesus na magkaroon ng tamang prayoridad sa buhay sa mundong ito: “Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw” (Mateo 6:19–20). Pagkatapos na ipaalala sa atin ni Pedro na panandalian lamang ang mundong ito, kanyang sinabi, “Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong kayo'y madatnang namumuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan” (2 Pedro 3:14).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahulugan na ang langit at lupa ay lilipas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries