settings icon
share icon
Tanong

Mayroon bang listahan ng mga espiritwal na kaloob?

Sagot


May tatlong listahan ng mga “kaloob ng Espiritu sa Bibliya na kilala rin sa tawag na mga espiritwal na kaloob. Ang tatlong listahang ito ay matatagpuan sa Roma 12:6-8; 1 Corinto 12:4-11; at 1 Corinto 12:28. Sa Roma 12, ang nakalista ay ang kaloob ng propesiya, paglilingkod, pagtuturo, pagpapalakas ng loob, pangunguna at kahabagan. Ang nasa 1 Corinto 12:4-11 naman ay karunungan, salita ng kaalaman, panananampalataya, pagpapagaling, paggawa ng mga himala, propesiya, pagkilala sa espiritu, pagsasalita sa ibang wika at pagpapaliwanag sa mga wika. Kasama naman sa listahan sa 1 Corinto 12:28 ang kaloob ng mga pagpapagaling, pagtulong, pamamahala, at pagsasalita sa iba't ibang wika. Ang mga sumusunod ang maiksing paglalarawan sa bawat kaloob:

Propesiya - ang salitang Griyego na isinalin sa salitang “panghuhula” o “propesiya” sa parehong mga talata ay nangangahulugan na “salitain” o “ideklara ang kalooban ng Diyos,” “ipaliwanag ang mga layunin ng Diyos,” o “ipaalam ang mga katotohanan ng Diyos na idinesenyo upang makaimpluwensya sa mga tao.” Ang ideya ng panghuhula sa mga mangyayari sa hinaharap ay idinagdag lamang sa kahulugan nito noong mga panggitnang siglo at direktang salungat sa ibang mga talata sa Bibliya na kinukundena ang panghuhula sa magiging kapalaran ng tao o panghuhula sa mga magaganap sa buhay ng tao sa hinaharap (Gawa 16:16-18).

Paglilingkod - Kilala rin sa tawag na “pagmiministeryo,” ang salitang Griyego para dito ay ‘diakonian’ kung saan nagmula ang salitang “diyakono” na nangangahulugan na anumang uri ng paglilingkod, o malawak na aplikasyon ng praktikal na pagtulong sa mga nangangailangan.

Pagtuturo - Ang kaloob na ito ay kinapapalooban ng proklamasyon ng Salita ng Diyos, pagpapaliwanag sa kahulugan, konteksto at paglalapat ng Salita ng Diyos sa buhay ng mga nakikinig. Ang guro na may ganitong kaloob ay may natatanging kakayahan na malinaw na ituro at ipahayag ang Salita ng Diyos, lalo't higit ang tungkol sa mga doktrina sa pananampalataya.

Pagpapalakas ng loob - Tinatawag din na “pagpapaliwanag sa ikatitibay,” ang kaloob na ito ay makikita sa mga mananampalataya na patuloy na humihimok sa iba na pakinggan at sundin ang katotohanang mula sa Diyos, na maaaring may pagtutuwid, pagpapatibay, at pagpapatatag sa may mahinang pananampalataya o kaya naman ay nagbibigay aliw sa mga dumadaan sa mga pagsubok.

Pagbibigay - Ang mga may kaloob ng pagbibigay ay ang mga nagbibigay ng masaya ng anumang mayroon sila sa iba, ito man ay pinansyal, materyal, panahon, o atensyon. Ang ganitong mananampalataya ay nagmamalasakit sa pangangailangan ng iba at humahanap ng oportunidad na ibahagi ang kanilang salapi, panahon, at mga tinatangkilik kung kinakailangan.

Pangunguna - Ang binigyan ng kaloob na ito ay may kakayahang mamuno, manguna at magbigay ng gawain sa ibang may angking talento at kakayahan at maayos na pinapangasiwaan ang mga taong iyon. Ang salitang ito ay literal na nangangahulugan na “gabay” at nagdadala ng kaisipan tungkol sa piloto ng isang barko. Ang binigyan ng kaloob ng pangunguna ay namumuno ng may karunungan at biyaya at nagpapakita ng bunga ng Espiritu sa kanyang buhay habang nangunguna sa pamamagitan ng magandang halimbawa.

Kahabagan - May malapit na kaugnayan sa kaloob ng pagpapalakas ng loob, ang kaloob ng kahabagan ay makikita sa mga mananampalataya na may pusong mapagkalinga sa mga nasa kahirapan at nakikisimpatya sa kanila at naghahangad na maibahagi ng may masayang puso ang kung anuman ang mayroon sila upang matulungang maibsan ang kahirapan ng iba.

Salita ng karunungan - Ito ay isang kaloob ng pagsasalita. Inilalarawan nito ang isang mananampalataya na nakakaunawa at may kakayahang magbahagi ng mga Biblikal na katotohanan sa isang paraan na nailalapat ng maayos ang mga Biblikal na katotahanang iyon sa sitwasyon sa buhay ng mga mananampalataya.

Salita ng kaalaman - Ito ay isa pang kaloob na may kinalaman sa pagsasalita na kinapapalooban ng kaalaman na nanggagaling lamang sa kapahayagan ng Diyos. Ang mga may ganitong kaloob ay nakauunawa ng malalalim na bagay ng Diyos at ng mga hiwaga ng Kanyang Salita.

Pananampalataya - Ang lahat ng mananampalataya ay nagtataglay ng pananampalataya sa kanya-kanyang sukat dahil ito ay isa sa mga kaloob ng Espiritu na ibinibigay sa lahat ng lumalapit kay Kristo sa pananampalataya (Galacia 5:22-23). Ang kaloob ng pananampalataya ay ipinakikita ng isang taong may malaki at hindi natitinag na pagtitiwala sa Diyos, sa Kanyang Salita, at sa kapangyarihan ng panalangin na nagbubunga ng mga himala.

Pagpapagaling - Bagama't nagpapagaling pa rin ang Diyos sa ngayon, ang kakayahan na makapagpagaling ng mahimala ay para sa mga Apostol ng Iglesya lamang noong unang siglo upang magsilbing tanda sa mga tao na ang kanilang mensahe ay mula sa Diyos. Wala na ngayong kapangyarihan ang mga Kristiyano na magpagaling ng mga maysakit o bumuhay ng patay. Kung mayroon pang ganitong kaloob, disin sana'y puno ngayon ang mga ospital at mga morgue ng mga mananampalataya na binigyan ng ganitong kaloob at nagpapabangon sa mga patay sa kanilang kabaong sa lahat ng lugar.

Mahimalang kapangyarihan - Tinatawag din na kaloob ng paggawa ng mga himala, ito ay isa ring panandaliang kaloob na tanda upang patunayan ang pagiging sugo ng Diyos na nagbibigay ng kakayahan sa mga Apostol na makagawa ng hindi pangkaraniwang gawa tulad ng pagsasalita sa ibang wika (Gawa 2:22. Ang kaloob na ito ay makikita kay Apostol Pablo (Gawa 19:11-12), Pedro (Gawa 3:6), Esteban (Gawa 6:8), at Felipe (Gawa 8:6-7).

Pagkilala sa espiritu - May mga mananampalataya na nagtataglay ng natatanging kakayahan na kilalanin kung ang isang mensahe ay galing sa Diyos o sa mandarayang si Satanas na isa sa mga estratehiya ay magturo ng mga mapanlinlang at maling doktrina. Sinabi ni Hesus na marami ang darating sa Kanyang pangalan at dadayain ang marami (Mateo 24:4-5), ngunit ang kaloob ng pagkilala sa espiritu ay ibinigay sa Iglesya upang protektahan ito sa mga mapanlinlang na doktrina ng diyablo.

Pagsasalita sa ibang wika - Ang pagsasalita sa ibang wika ay isa sa mga panandaliang “kaloob ng mahimalang tanda” na ibinigay sa unang Iglesya upang bigyan ng kakayahan ang mga Apostol na ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat ng bansa at sa lahat ng nauunawaang wika. Ito ay isang kaloob na ibinigay sa mga apostol upang mangaral sa mga wika na dating hindi nila alam. Ang kaloob na ito ang nagpapatunay na ang mensahe ng Ebanghelyo at ang nangangaral nito ay nagmula sa Diyos. Ang pariralang “iba't ibang wika” ay nagpapabulaan sa ideya ng “personal na pagsasalita sa wika” habang nananalangin bilang isang espiritwal na kaloob. Pagpapaliwanag sa wika - Ang isang tao na may ganitong kaloob ay nakakaunawa sa sinasabi ng isang nagsasalita sa ibang wika kahit na hindi niya alam ang wikang sinasabi ng nagsasalita pagkatapos ay ipinapaliwanag niya ang kahulugan ng sinabi ng nagsalita sa ibang wika sa mga nakikinig upang maunawaan ng bawat isa ang sinasabi ng nagsasalita sa ibang wika. Nang mawala ang pagsasalita ng ibang wika, kasama ring nawala ang kaloob na ito.

Pagtulong - May malapit na kaugnayan sa kaloob ng kahabagan. Ang mga may ganitong kaloob ay nagbibigay ng tulong sa ibang miyembro ng Iglesya ng may kahabagan at biyaya. Mayroon itong malawak na posibilidad ng paglalapat. Higit sa lahat, ito ay ang natatanging kakayahan na malaman kung sino ang dumaran sa espiritwal na pakikibaka tulad ng pagdududa, takot at iba pang pakikibakang espiritwal. Siya ay may kakayahan na maunawaan, lumapit, at tulungan ang mga mananampalatayang dumadaan sa ganitong pagsubok. Nagpapalakas din sila ng loob sa pamamagitan ng mga salitang nakakapagpatibay, at nagpapaliwanag ng mga katotohanan sa Kasulatan sa isang mapagmahal na pamamaraan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon bang listahan ng mga espiritwal na kaloob?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries