settings icon
share icon
Tanong

Paanong nagkaroon ng liwanag sa unang araw ng paglikha kung ang araw ay nilikha sa ikaapat na araw?

Sagot


Ang tanong kung paanong nagkaroon ng liwanag sa unang araw ng paglikha samantalang nilikha lamang ang araw sa ikaapat na araw ay pangkaraniwang itinatanong ng mga tao. Ayon sa Genesis 1 hanggang 5, “Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim. Ang liwanag ay tinawag niyang Araw, at ang dilim naman ay tinawag na Gabi. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga---iyon ang unang araw” Pagkatapos, nalaman natin sa mga sumunod na talata, “Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit upang mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan. Mula sa langit, ang mga ito'y magbibigay ng liwanag sa daigdig.” At gayon nga ang nangyari. Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw: ang Araw, upang magbigay liwanag sa maghapon, at ang Buwan, upang tumanglaw kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. Inilagay niya sa langit ang mga tanglaw na ito upang magbigay ng liwanag sa daigdig, tumanglaw kung araw at gabi, at magbukod sa liwanag at dilim. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y kanyang mamasdan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga---iyon ang ikaapat na araw” (Genesis 1:14-19). Paano ito nangyari? Paanong nagkaroon ng liwanag, ng umaga at gabi sa una, ikalawa at ikatlong araw kung ang araw, buwan at mga bituin ay nilikha lamang sa ikaapat na araw?

Ito ay magiging problema lamang kung hindi natin isasaalang alang ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos. Hindi kailangan ng Diyos ang araw, buwan, at mga bituin upang magbigay ng liwanag sa mundo. Ang Diyos mismo ay liwanag! Idineklara sa 1 Juan 1:5, “Ito ang aming narinig sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: ang Diyos ay ilaw at walang anumang kadiliman sa kanya.” Ang Diyos mismo ang liwanag sa unang tatlong araw ng paglikha, gaya ng kung paanog Siya ang magiging liwanag sa Bagong langit at Bagong lupa. “Doo'y wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilaw o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging ilaw nila, at maghahari sila magpakailanman” (Pahayag 22:5). Bago Niya likhain ang araw, buwan at mga bituin, mahimalang inilawan ng Diyos ang mundo sa unang araw at maging sa unang gabi (Genesis 1:14).

Sinabi ni Hesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman” (Juan 8:12). Higit na mahalaga sa liwanag ng araw at gabi ay ang ‘Liwanag’ na nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa sinumang sumasampalataya sa Kanya. Ang mga hindi sumasampalataya sa Kanya ay susumpain at “itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin” (Mateo 8:12).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paanong nagkaroon ng liwanag sa unang araw ng paglikha kung ang araw ay nilikha sa ikaapat na araw?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries