settings icon
share icon
Tanong

Si Lucifer ba si Satanas? Inilalarawan ba ng pagbagsak ni Lucifer si Satanas?

Sagot


Walang talata sa Bibliya na direktang nagsasabi na “si Lucifer si Satanas,” ngunit ang isang pagsisiyasat sa ilang mga talata sa Bibliya ay nagpapakita na si Lucifer ay walang iba kundi si Satanas. Ang pagbagsak ni Lucifer na inilarawan sa Isaias 14:12 ay kapareho ng tinutukoy ni Hesu Kristo sa Lukas 10:18, “At sinabi niya sa kanila, Nakita ko si Satanas, na nahuhulog na gaya ng kidlat, mula sa langit.”

Sa Isaias 14:12-18 inilalarawan ang pagbagsak mula sa langit ng isang tinatawag na “Lucifer,” isang pangalan na nangangahulugang “tala sa umaga,” “anak ng bukang liwayway,” “bituin sa umaga,” o “maningning na tala.” Ang paglalarawan sa mga talatang ito ay nagpapakita sa atin na ang “Lucifer” na ito ay walang iba kundi si Satanas. Alam natin mula sa pananalita ni Hesus sa Lukas 10 na bumagsak si Satanas mula sa langit. Kaya nga ng tukuyin ni Isaias si Lucifer (helel sa wikang Hebreo) na itinapon sa lupa (Isaias 14:12), walang siyang ibang tinutukoy kundi si Satanas. Ang dahilan ng pagbagsak ni Satanas ay matatagpuan sa mga talatang 13 at 14, “At sinabi mo sa iyong sarili, Ako'y sasampa sa langit, aking itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Dios; at ako'y uupo sa bundok ng kapisanan, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hilagaan: Ako'y sasampa sa itaas ng mga kaitaasan ng mga alapaap; ako'y magiging gaya ng Kataastaasan.” Ito ang laging ninanais ni Satanas mula pa nang una – ang maging Diyos – at ito ang tukso na kanyang ginamit sa hardin ng Eden upang itulak si Eba sa pagsuway sa Diyos: “kayo'y magiging parang Dios” (Genesis 3:5).

Ang Ezekiel 28 ay isang pang bahagi ng Kasulatan na ipinagpapalagay ng marami na tumutukoy kay Lucifer/Satanas. Bagama’t naguumpisa ang Ezekiel 28 sa pananalitang, “sabihin mo sa prinsipe sa Tiro,” (talata 12), isang haring mahilig sumamba sa diyus-diyusan, agad na makikitang malinaw na ang talata ay tumutukoy din sa kapangyarihan sa likod ng hari – si Satanas. Sinasabi sa talata 13, “Ikaw ay nasa Eden, na halamanan ng Dios.” Malinaw na hindi kailanman nakarating ang hari ng Tiro sa hardin ng Eden. Sinasabi sa talata 14, “Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip: at itinatag kita.” Tila nagkaroon ng posisyon si Satanas bilang isang bantay na anghel sa langit. Ang pariralang, “sa gitna ng mga batong mahalaga” ay ipinagpapalagay na mga kumikinang na mamahaling bato na makikita din sa ibang paglalarawan sa langit (Exodo 24:10; Pahayag 21:18-21). Dahil hindi nakarating sa langit ang hari ng Tiro, ang paglalarawang ito ni Ezekiel ay hindi maaaring tumukoy sa kanya kundi ito ay malinaw na paglalarawan kay Lucifer. Ang nalalabing mga talata ay naglalarawan kung paano pinatalsik si Lucifer mula sa langit. Dahil sa kanyang kagandahan, nagmataas ang kanyang puso at naging masama ang kanyang karunungan (Ezekiel 28:17).

Ang pagmamataas dahil sa kanyang pagiging perpekto, karunungan, at kagandahan, (talata 12) ang naging dahilan ng pagbagsak ni Lucifer kaya’t itinapon siya ng Diyos sa lupa (talata 17). Nasaksihan ito ng Panginoong Hesu Kristo sa langit bago Siya nagkatawang tao (Lukas 10:18). Sa pagbubuod, itinapon si Lucifer mula sa langit dahil sa kanyang pagmamatas at paghahangad na maging Diyos. Tinukoy ni Hesus si Satanas na pinabagsak mula sa langit. Kaya nga, masasabi natin na si Lucifer at si Satanas ay iisa.
English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Si Lucifer ba si Satanas? Inilalarawan ba ng pagbagsak ni Lucifer si Satanas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries