Tanong
Ano ang Luciferianismo?
Sagot
Ang isang uri ng Luciferianismo ay ang pagsamba kay Lucifer bilang diyos. Ang ganitong relihiyon ay may kaugnayan sa Satanismo—bagama't sinusubukan nitong bigyang diin ang mas positibong aspeto ni Lucifer. Ang isa pang uri ng Luciferianismo ay hindi kumikilala kay Lucifer bilang diyos sa halip pinaniniwalaan si Lucifer bilang simbolo ng paghahanap ng sangkatauhan ng karunungan at kaliwanagan.
Ang pangalang "Lucifer" ay nanggaling sa salin ng Isaias 14:12. Literal itong nangangahulugang "maningning na tala," "maliwanag na tala," o "tala sa umaga." Nakararaming iskolar ng Bibliya ang naniniwala na ito ay paglalarawan kay Satanas bago siya nagrebelde laban sa Diyos. Itinuturo ng mga talatang gaya ng Isaias 14 at Ezekiel 28 na si Satanas ay nilikha bilang pinakamataas ang katungkulan at pinakamaganda sa lahat ng anghel, ngunit ang kanyang pagmamataas at pagnanasang pag-agaw sa trono ng Diyos ang dahilan sa pagpapalayas sa kanya ng Diyos mula sa langit at pagkatapos ay binigyan siya ng pangalang Satanas ("kalaban").
Ang unang uring ito ng Luciferianismo ay walang iba kundi ang pagsamba kay Satanas bilang diyos ng sanlibutang ito (2 Corinto 4:4). Sinasamba si Satanas bilang isang persona ng karunungan at kaliwanagan (2 Corinto 11:14–15). Ang pinagtutuunan ng pansin ay ang "mabuti" na nasa kay Lucifer bago siya magrebelde sa Diyos at hindi bilang isang masama o bilang hari ng kadiliman na kaakibat ng pangalang Satanas. Bagama't iisa lang si Lucifer at Satanas, inilalarawan si Lucifer ng Luciferianismo bilang isang diyos ng kaliwanagan, isang diyos ng karunungan, at isang diyos ng mahika. Ninanais ng mga Luciferians na maging diyos, isang katayuan na maaaring marating sa pamamagitan ng pamumuhay sa kabutihan, paghahanap ng karunungan at pagbubukas ng isipan kay Lucifer. Sa maraming paraan, nakakahalintulad ng Luciferianismo ang gnostisismo.
Ang isa pang uri ng Luciferianismo ay tinatanggihan naman ang ideya na si Lucifer ay isang persona at naghahanap din ng kaliwanagan ng hiwalay sa katotohanan ng Diyos. Itinuturing ng mga tagasunod nito ang kanilang sarili bilang mga taong maibigin sa liwanag at kabutihan, ngunit niyayakap ang kasinungalingan. Walang pakialam si Satanas kung naniniwala sa kanya o hindi ang mga tao; kaya pa rin niya silang iligaw maniwala man sila sa kanya o hindi.
Kakaunti lamang ang mga grupo na naniniwala sa mga katuruan ng Luciferianismo, bagama't makikita ang mga elemento ng kanilang katuruan sa mga katuruan ng Mason. Wicca, at pilosopiya ng New Age. Dahil walang pinagkasunduang dogma o pangunahng doktrina, lubhang magkakaiba ang paniniwala ng iba't ibang grupo ng mga Luciferians. Ang magkakaibang doktrina ng mga tagasunod ng Luciferianismo ang dahilan ng paniniwala na ang grupong ito ay simpleng maliit na denominasyon sa ilalim ng Satanismo. Bagama't may ilang tagasunod nito ang tumututol sa pananaw na ito, mahirap na makilala ang mga Luciferians.
Isang bagay ang tiyak: hindi dapat na sambahin si Lucifer/Satanas, at hindi dapat na napakataas ng tingin ng tao sa kaninuman. Si Satanas ay isang makapangyarihang nilalang at siya ang kaaway ng ating mga kaluluwa. Inilarawan siya ng Biblia na "parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa" (1 Pedro 5:8). Sa huli, tiyak na pagsisisihan ng sinuman ang pakikisama sa kanya dahil sisilain ni Satanas ang kanilang kaluluwa bilang gantimpala sa kanilang pagsamba. Sinabi ni Pedro na dapat natin siyang labanan, at "tumayo tayong matatag sa pananampalataya" (1 Pedro 5:9). Ang tinutukoy niyang pananampalataya ay kay Jesu Cristo bilang ating Panginoon at Tagapagligtas dahil Siya lamang ang makakapagligtas sa atin sa impiyerno, ang destinasyon ng lahat ng tumatanggi sa Kanya.
English
Ano ang Luciferianismo?