Tanong
Ano ang luklukan ng awa?
Sagot
Tinalakay ng manunulat ng aklat ng Hebreo ang kaayusan ng Tabernakulo sa Lumang Tipan. Ang Tabernakulo ay isang santuaryo na naililipat ng pwesto at ginamit ng mga Israelita mula sa panahon ng kanilang paglalakbay sa ilang pagkatapos ng kanilang paglabas sa Ehipto hanggang sa pagtatayo ng gusali ng templo sa Jerusalem (tingnan ang Exodo 25–27). Nasa loob ng Tabernakulo ang Kaban ng Tipan kasama ang Luklukan ng Awa (Hebreo 9:3-5).
Ang Kaban ng Tipan ang baul na naglalaman ng dalawang tapyas ng bato kung saan nakasulat ang Sampung Utos ang pinakasagradong artikulo sa Tabernakulo at paglaon ay sa Templo sa Jerusalem kung saan nakalagay ang Kaban ng Tipang ito sa pinakakaloob-looban ng Templo na tinatawag na “Dakong Kabanal-banalan.” Nasa loob din ng Kaban ng Tipan ang manna (na nakalagay sa isang gintong sisidlan) na ibinigay ng Diyos para maging pagkain ng mga Israelita sa kanilang paglalakbay sa ilang (Exodo 16:4). Nasa loob din ng Kaban ng Tipan ang tungkod ni Aaron na nagdahon at namunga ng almendro (Bilang 17:1-13) (tingnan ang Hebreo 9:4).Sa ibabaw ng Kaban ng Tipan ay naroon ang takip na tinatawag na Luklukan ng Awa kung saan nakapatong ang ulap o ang presensya ng Diyos. Sa Luklukan ng Awang ito simbolikong nakaupo ang Diyos at mula sa lugar na ito Siya nagkakaloob ng awa sa tao sa tuwing iwiniwisik doon ang dugo ng handog na hayop.
Bilang simbolo, ang Luklukan ng Awa ang nagkukubli sa mga tao mula sa hatol at sumpa ng Kautusan. Isang araw sa loob ng isang taon, sa araw ng Pagpapalubag-loob (Yom Kippur), pumapasok ang Punong Saserdote sa Dakong Kabanal-banalan at iwiniwisik ang dugo ng mga handog na hayop para sa pagpapalubag ng galit ng Diyos sa kasalanan ng Kanyang bayan. Ang dugo ay iwiniwisik sa Luklukan ng Awa. Ang mensahe ng imaheng ito ay tanging sa paghahandog lamang ng dugo maaalis ang sumpa ng Kautusan at matatakpan ang galit ng Diyos sa mga pagsuway ng tao sa Kanyang mga Kautusan.
Ang salitang Griyego para sa luklukan ng awa” sa Hebreo 9:5 ay hilasterion, na nangangahulugang “ang gumagawa ng pagbabayad” o “pagpapalubag-loob.” Ang ideyang ipinapahiwatig ay pagaalis ng parusa para sa kasalanan. Sa Ezekiel 43:13-15, ang tansong altar para sa paghahandog ay tinatawag ding hilasterion (ang pampakalma o luklukan ng awa) sa Septuagint (ang salin ng Lumang Tipan sa salitang Griyego) dahil sa kaugnayan nito sa pagdanak ng dugo para sa kasalanan.
Ano ang kahalagahan nito? Sa Bagong Tipan, Si Cristo mismo ang itinalaga ng Diyos bilang ating pampalubag-loob. Ipinaliwanag ni Pablo sa kanyang sulat sa Roma: “Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob na walang bayad niyang ibinigay, sila ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid, sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao” (Roma 3:24-25). Itinuturo ni Pablo sa mga talatang ito na si Jesus ang ating pantakip at pampalubag-loob sa kasalanan, gaya ng ipinapakita sa mga imahe sa mga hula sa Lumang Tipan. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, at sa ating pagtugon sa ginawa ni Cristo sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Kanya, ang lahat ng ating mga kasalanan ay natatakpan. Gayundin, sa tuwing nagkakasala ang isang mananampalataya, maaari tayong lumapit kay Cristo na nagpapatuloy sa pagpapalubag-loob at pagtatakip sa ating mga kasalanan (1 Juan 2:1, 4:10). Pinaguugnay nito ang konsepto ng Luma at Bagong Tipan patungkol sa pagtatakip ng kasalanan na inilalarawan ng Luklukan ng Awa ng Diyos.
English
Ano ang luklukan ng awa?