Tanong
Maaari bang magsinungaling ang Diyos?
Sagot
Ang Diyos ay banal (Isaias 6:3), kaya't Siya ay imposibleng magsinungaling dahil sa katangiang iyan. Ang kabanalan ng Diyos ay ang kanyang moral at etikal na kasakdalan. Ito ang kanyang lubos na integridad na siyang naghihiwalay sa Kanya at sa kanyang nilikha. Kung ganun, ang kabanalan ng Diyos ay may kaugnayan sa kanyang pagiging higit sa lahat. Ang Diyos ay hindi sumusunod o umaayon sa anumang pamantayan ng moralidad; dahil Siya mismo ang pamantayan. Siya ay lubos na banal at ang kanyang walang hanggang kadalisayan ay hindi nagbabago. Dahil sa kanyang kabanalan, kapag ang Diyos ay nagsalita, hindi niya magagawang magsinungaling. Hindi Siya kailanman nanlilinlang. Hindi Niya sinisira o sinasalungat ang kanyang sinasabi o ginagawa. Ang pagsisinungaling ay labag sa kanyang kalikasan.
Dahil ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling, ang Biblia na kanyang Salita ay tunay at ganap na mapananaligan natin (1 Hari 8:56; Mga Awit 119:160). "Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan" dahil ito ay ganap (Kawikaan 30:5). Ang katangian ng Diyos at ang kanyang pakikipag-ugnayan mula sa katangiang ito ay higit na dalisay kaysa anumang bagay na magagawa ng mundong ito: "Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan, ang katulad nila'y pilak na lantay; tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay" (Mga Awit 12:6).
Ang batayan ng Diyos ng kanyang pangako kay Abraham sa ikalabing-dalawang kabanata ng Genesis ay ang kanyang hindi nagbabagong kalikasan. Ang matibay na katotohanang taglay ng Diyos ang dahilan kaya't ang lahat ng kanyang salita ay mapagkakatiwalaan: "Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya'y nanumpa sa kanyang sariling pangalan, yamang wala nang hihigit pa sa Kanya na maaari niyang panumpaan. Sinabi niya, "Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at pararamihin ko ang iyong lahi" (Hebreo 6:13-14). patuloy na binabanggit din sa mga sumunod na talata na, "Imposibleng magsinungaling ang Diyos" (Hebreo 6:18).
Kung ang Diyos ay maaaring magsinungaling, Hindi na masasabing Siya ay higit at nangingibabaw sa lahat; kung ganun, Siya ay walang ng pinagkaiba sa mga tao na kilala nating mahilig sumira at magbaluktot ng katotohanan. Ngunit, "ang Diyos ay hindi tao, na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi; sinasabi ba niya at hindi niya gagawin? O sinasalita ba niya, at hindi niya isinasagawa?" (Bilang 23:19).
Mula pa man noong una, ang Diyos ay nagbibigay na ng gantimpala ng pananampalataya (Genesis 15:6; Hebreo 11:6). Ang pananampalataya at pagtitiwala ay mainam kung ang pinag-uukulan mo nito ay karapat-dapat pagtiwalaan. Ang pananalig sa isang taong hindi mapagkakatiwalaan ay hindi mabuti. Kung ang Diyos ay maaaring magsinungaling, ang kanyang mga salita ay dapat paghinalaan at hindi tayo maaaring sumandig sa Kanya: "Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat, at maaasahan lahat niyang batas" (Mga Awit 111:7).
Si Jesus na sa "buong kalikasan ay Diyos" (Filipos 2:6), ay puspos ng kagandahang loob at katotohanan" (Juan1:14). Lahat ng kanyang sinasabi at itinuturo ay ganap na katotohanan. Lahat ng kanyang mga ginagawa ay naglalarawan ng katotohanan kaya naman ang mga tao kagaya ni Pilato ay nalilito sa katotohanan (Juan 18:38). Ngunit si Jesus ay dumating upang magpatotoo tungkol sa katotohanan (talata 37). Sapagkat Siya ang katotohanan (Juan 14:6). Si Jesus ay hindi maaaring magsinungaling dahil ang Diyos ang hindi maaaring magsinungaling, "Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan" (Juan 18:37).
Ang Diyos na hindi maaaring magsinungaling ay nakahihigit at nangingibabaw sa lahat sa kadalisayang moral. Ganun din naman, nais niyang magkaroon ng kadalisayang moral ang mga anak Niya. Ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling, dahil diyan, ang kanyang mga alagad ay hindi dapat magsinungaling: "Dahil dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at magsabi tayo ng totoo sa isa-isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan" (Efeso 4:25). "Kanino ba mananahan ang Diyos?" tanong ng mang aawit. Ang bahagi ng sagot ay, "nananahan ang Diyos sa mga taong nagsasalita ng katotohanan mula sa kanilang puso" (Mga Awit 15:2). Nawa'y ibigin natin ang katotohanan kagaya ng ginagawa ng Diyos.
English
Maaari bang magsinungaling ang Diyos?