Tanong
Maaalala pa ba natin sa langit ang ating buhay sa mundo?
Sagot
Sinasabi sa atin sa Isaias 65:17, “Sapagka't narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit, at ng bagong lupa, at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa isip man.” May ilan na pinapakahuluganan ang Isaias 65:17 na pagdating natin sa langit ay wala na tayong maaalala pa sa ating buhay sa lupa. Gayunman, kung babalikan ang sinundang talata, sinasabi na “sapagka't ang mga dating kabagabagan ay nalimutan, at sapagka't nangakubli sa aking mga mata” (Isaias 65:16). Sinasabi na ang ating malilimutan ay ang ating mga kabagagan – hindi ang lahat ng ating alaala. Ang ating alaala ay lilinisin, tutubusin, pagagalingin at ibabalik – hindi papawiin. Walang dahilan kung bakit hindi natin tataglayin ang maraming mga alalaa ng ating buhay habang nabubuhay pa tayo sa lupa. Ang mga alaalang aalisin ay ang mga alaala ng kasalanan, sakit, at kalungkutan. Sinasabi sa Pahayag 21:4, “At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.”
May ilang punto sa kuwento ni Lazaro at ng lalaking mayaman sa Lukas 16:19-31 na nagpapakita na naaalala ng mga namatay ang kanilang buhay sa lupa. Hiniling ng mayaman kay Abraham na ipadala si Lazaro sa lupa upang babalaan ang kanyang mga kapatid na lalaki upang huwag silang pumunta sa lugar ng pagdurusa. Naalala niya ang kanyang mga kamaganak kaya’t tiyak na naalala din niya ang kanyang sariling buhay dahil hindi niya hiniling na mahango siya sa impiyerno o inisip man na baka may pagkakamali kung bakit siya nasa impiyerno. Sapat ang kanyang kaalaman tungkol sa kanyang buhay sa lupa at alam niya na nararapat siya sa impiyerno. Ngunit walang katibayan na naaalala ng mga nasa langit ang kanilang mga paghihirap sa lupa. Ang alaala ng mayaman ay bahagi ng kanyang paghihirap. Kung mayroon mang maaalala tayo sa langit, ang mga iyon ay mga alaala na magbibigay sa atin ng kagalakan.
English
Maaalala pa ba natin sa langit ang ating buhay sa mundo?