settings icon
share icon
Tanong

Ano ang susi sa isang mabisang panalangin?

Sagot


Ang bawat tao ay nagnanais na maging “mabisa” ang kanilang panalangin at dahil dito,nakatuon ang kanilang pansin sa “resulta” ng kanilang panalangin at nawawala ang kanilang atensyon sa mga kahanga hangang pribilehiyo ng panalangin. Ang makipagusap ang taong gaya natin sa Manlilikha ng sangkalawakan ay isang kahanga-hangang bagay. Ang higit na kahanga-hanga ay ang katotohanan na dinirinig Niya tayo at gumagawa Siya para sa ating ikabubuti! Ang unang bagay na dapat nating malaman tungkol sa isang mabisang panalangin ay nagdusa at namatay ang ating Panginoong Hesu Kristo upang gawing possible para sa atin na makalapit sa trono ng biyaya ng Diyos upang sumamba at manalangin (Hebreo 10:19-25).

Bagama’t makikita sa Bibliya ang maraming katuruan tungkol sa mga pamamaraan sa paglalim ng pakikipagrelasyon sa ating Manlilikha, ang mabisang panalangin ay hindi napag-aaralan sa halip ito ay may kinalaman sa kung sino ang nananalangin. Sinasabi sa Bibliya, “Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid” (Santiago 5:16), at “ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon, sa kanilang pagdaing, siya'y nakikinig, ngunit sa mga masasama, siya'y tumatalikod!” (1 Pedro 3:12; Awit 34:15), at muli, “sa panalangin ng matuwid siya ay natutuwa” (Kawikaan 15:8). Dahil sa panalangin, iniligtas ng Diyos si Daniel sa kulungan ng mga leon (Daniel 6:11), at sa ilang, nakinabang ang bayan ng Diyos dahil sa mga panalangin ni Moises (Exodo 16–17). Ang matiyaga at maalab na panalangin ni Hannah ay nagbunga sa pagsisilang kay Propeta Samuel (1 Samuel 1:20), at naging dahilan maging ng pagyanig ng lupa ang panalangin ni apostol Pablo (Gawa 16:25-26). Malinaw na malaki ang nagagawa ng panalangin ng mga taong matuwid (Bilang 11:2).

Kailangan nating tiyakin kung ang ating mga panalangin ay naaayon sa kalooban ng Diyos. “Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban” (1 Juan 5:14-15). Ang pananalangin ng ayon sa kalooban ng Diyos sa esensya ay pananalangin para sa kagustuhan Niya sa atin at makikita natin ang Kanyang inihayag na kalooban para sa atin sa buong Kasulatan. Kung hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, ipinapaalala sa atin ni Pablo na maaaring magtiwala sa Banal na Espiritu ang mga anak ng Diyos upang mamagitan para sa kanila “At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa mga hinirang, ayon sa kalooban ng Diyos” (Roma 8:27). At dahil nalalaman ng Banal na Espiritu ang isipan ng Diyos, laging naaayon sa kalooban ng Diyos ang iluluhog ng Espiritu para sa atin.

Bilang karagdagan, ang panalangin ay isang gawain na dapat na normal at “patuloy” na ginagawa ng isang tunay na Kristiyano (1 Tesalonica 5:17). Sa Lukas 18:1, halimbawa, sinabihan tayo na “manalangin ng walang humpay at huwag manghinawa.” Gayundin naman, dapat nating ipaabot ang ating mga kahilingan sa Diyos ng may pananampalataya (Santiago 1:5; Markos 11:22-24), may pasasalamat (Filipos 4:6), may espiritung nagpapatawad sa iba (Markos 11:25), sa pangalan ni Hesu Kristo (Juan 14:13-14), at gaya ng nasabi sa itaas, may pusong tama sa harapan ng Panginoon (Santiago 5:16). Ang ating pananampalataya, hindi ang haba ng ating panalangin ang nakalulugod sa Diyos kaya hindi tayo dapat na magpahanga sa Diyos sa pamamagitan ng ating katalinuhan o kagalingang magsalita. Ito ay dahil nalalaman ng Diyos ang ating mga pangangailangan bago pa man natin hingin ang mga iyon sa Kanya (Mateo 6:8).

Gayundin, dapat nating tiyakin na wala tayong kasalanang itinatago sa ating puso kung tayo’y mananalangin, dahil ito ay hadlang sa isang mabisang panalangin. “Ang masasama ninyong gawa ang dahilan ng pagkawalay ninyo sa Diyos. nagkasala kayo kaya hindi ninyo siya makita,at hindi niya kayo marinig” (Isaias 59:2; Awit 66:18). Sa kabutihang palad, “kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid” (1 Juan 1:9).

Ang isa pang hadlang sa isang mabisang panalangin ay ang pananalangin sa udyok ng makasariling hangarin at maling motibo. “At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan” (Santiago 4:3). Hadlang din sa mabisang panalangin ang pagtanggi sa Diyos at hindi pagsunod sa Kanyang mga Kautusan (Kawikaan 1:24-28), ang pagsamba sa diyus diyusan (Jeremias 11:11-14), at pagbibingi-bingihan sa sigaw ng mga nangangailangan (Kawikaan 21:13).

Ang mabisang panalangin ay isang paraan upang mapalago ang ating relasyon sa ating Ama sa langit. Kung magaaral at susunod tayo sa Kanyang mga salita at magnanais na bigyan Siya ng kasiyahan, inaanyayahan tayo ng Diyos na nagpatigil sa pagikot ng mundo noong panahon ni Josue (Josue 10:12-13) na lumapit ng may katapangan sa trono ng Kanyang biyaya at manalangin ng may buong pagtitiwala na ipagkakaloob Niya sa atin ang Kanyang habag at biyaya sa panahon ng ating pangangailngan (Hebreo 4:16). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang susi sa isang mabisang panalangin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries