settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang mabubuting gawa ay mga bunga ng kaligtasan?

Sagot


Maliwanag na sinasabi sa Efeso 2:8-9 na tayo ay hindi naligtas dahil sa mabubuting gawa. Sa katunayan, bago pa man tayo maligtas, ang mga ginagawa natin ay mga gawaing makalaman at ito'y hindi nagbibigay lugod sa Diyos; maging ang ating "pinakamatuwid" na gawa ay hindi naka abot sa kaluwalhatian ng Diyos (Roma 3:20 at Isaias 64:6). Maliligtas lamang tayo dahil ang Diyos ay mahabagin at sagana sa kagandahang loob Siya rin ay gumawa ng paraan upang tayo ay ideklarang matuwid kahit tayo ay makasalanan (Awit 86:5; Efeso 2:4). Si Cristo ay ginawang makasalanan para sa atin (2 Corinto 5:21), at tayo ay ginawang matuwid ng Diyos dahil sa kanyang katuwiran. Nangangahulugan ito na ang kaligtasan ay isang banal na pakikipagpalitan: ang ating mistulang basahang sariling pagsisikap kapalit ng pagiging walang kapintasan ni Cristo. Tayo ay idineklarang ganap sa harap ng Diyos dahil sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay na naging kabayaran ng ating masasamang gawa (Roma 5:1). Hinihimok din tayo na "isuot ang Panginoong Jesu-Cristo" tulad ng kasuutang walang dungis (Roma 13:14).

Sa sandaling magtamo ng kaligtasan ang isang tao, ang Espiritu Santo ay kikilos sa kanya upang siya ay magsisi (Gawa2:38). Hindi na ang ating sarili ang panginoon ng ating buhay kundi si Jesus na ang masusunod. Iyan ang ibig sabihin ng katagang "si Jesus ay Panginoon" (Roma 10:9; Colosas 2:6). Ang lahat ay nababago at nagsisimula tayong tingnan ang buhay ayon sa pagtingin ng Diyos, hindi na ayon sa ating sarili - kagaya ng isinulat ni John Newton na "dati ako'y naligaw ngunit ngayon ay nasumpungan, dating bulag ngunit ngayon ay nakakakita na." Ang mga kasalanang dati nating ginagawa ng masaya, ngayon ay nagdudulot na sa atin ng lungkot. Kung kilala natin ang Diyos, makikita at titingnan natin ang kasalanan katulad ng kanyang pagtingin dito: "Ang tinanggap ng Diyos bilang anak niya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanya ang buhay na galing sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama niya, hindi siya maaaring magpatuloy sa pagkakasala" (1 Juan 3:9). Sa madaling salita, kinakailangang unti-unting nawawala ang mga kasalanan sa buhay ng isang mananampalataya. Maaaring magkasala pa rin siya ngunit hindi na niya magagawang magpatuloy sa pagkakasala. Kinakikitaan na ng pagkakaiba ang buhay na wala si Cristo at ang bagong buhay kay Cristo. Ang buhay ng Kristiyanong ipinanganak na muli ay "nagbubunga ng patuloy na pagsisisi" (Mateo 3:8). Sapagkat ang kaligtasang ating natamo ay nagbibigay sa atin ng kakayahang "mamuhay sa Espiritu" at magpakita ng mabubuting gawa (Galacia 5:16). Kagaya ng sinasabi sa Efeso 2:10 na, "...tayo'y nilalang ng Diyos; nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti. Iyan ang layuning pinili ng Diyos para sa atin noong una pa man." Samakatuwid, ang layunin ng Diyos ng tayo ay kanyang iligtas ay hindi lamang upang iligtas tayo sa impiyerno, kundi upang makita rin sa atin ng mundo ang kanyang mga katangian at kabutihan. Dahil nalulugod ang Diyos na makita tayong nagiging kawangis ng Kanyang Anak (Roma 8:29). Nilikha tayo ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:26-27). Subalit ang wangis na iyon ay nasira ng kasalanan. Kaya naman ng ibalik ng Diyos ang ating kaugnayan sa Kanya, ibinalik din niya ang kanyang wangis sa atin at pinalaya tayo upang maibalik ang tunay na layunin ng paglikha Niya sa atin. Dahil diyan, nang manahan ang Banal na Espiritu sa atin, Siya ang naguudyok sa atin upang gawin ang mga bagay na nagbibigay luwalhati sa Diyos (Juan 14:26). Lumalago ang ating pagnanais na mabigyang lugod ang Diyos habang lumalago tayo sa pagkakilala sa Kanya at ang hangaring iyan na mabigyan Siya ng lugod ay nagbubunga ng mabubuting gawa.

Hindi umaayon sa Biblia kung sasabihin na ang isang tao ay ligtas na ngunit hindi naman nababago. Maraming tao ang gumagawa at nagpapakita ng panlabas na batayan na ibinigay na nila ang kanilang buhay kay Cristo, ngunit walang pagbabago sa paraan ng kanilang pamumuhay. Hindi tunay ang kaligtasan ng taong iyon kundi huwad dahil sa "patay na pananampalataya" (Santiago 2:26). Halimbawa, kapag pumasok ka sa isang madilim na silid at binuksan mo ang ilaw, inaasahan mo na magliliwanag ang buong silid. Ngunit kung ang ilaw ay hindi magliwanag, mali ang bagay na iyong inaasahan. Hindi tamang lohika na sabihin mong bukas ang ilaw ngunit ang silid naman ay nananatiling madilim. Sapagkat likas na naglalaho ang dilim kapag maliwanag. Gayundin naman, kapag ang madilim na puso ay nagtamo ng liwanag ng kaligtasan, ito ay magliliwanag (Juan 12:46). Ang bunga nito ay pagbabago sa mga prayoridad, at ng mga hangarin at pananaw. At sa unang pagkakataon ay makikita mo ng malinaw ang buhay. Subalit kung ang dilim ng kasalanan ay nagpapatuloy, masasabi natin na walang liwanag ng kaligtasang dumating sa kanya.

Ang isa pang analohiya sa Biblia ay nais ng Diyos na mamunga ang ating buhay (tingnan ang Galacia 5:22-23). Ang Ama ang tagapag-alaga ng ubas, si Jesus ang puno at tayo ang mga sanga. Likas na nakaugnay ang mga sanga sa puno sapagkat mula rito nagkakaroon sila ng kakayahang mamunga. Sinabi ni Jesus, “Ako nga ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin" (Juan 15:5). Iyan ang layunin ng ubasan - ang "mamunga ng sagana." Sapagkat ang kaligtasan ay nagbubunga ng mabubuting gawa.

Kung ganoon, bagaman hindi tayo maliligtas dahil sa mabubuting gawa, kung tayo ay ligtas na, ito ay magbubunga ng mabubuting gawa. Kung paanong ang isang sanggol ay lumalaki pagkatapos ipanganak, gayundin naman, ang isang mananampalataya ay lumalago pagkatapos niyang ipanganak na muli at maligtas. Hindi pare-pareho ang paglago, at ang paraan nito ngunit ang isang buhay na kapanganakan ay lumalago. Mayroong problema kung ang isang sanggol ay hindi lumalaki. Dahil kinakailangan siyang lumaki at inaasahan na unti-unti siyang magiging kawangis ng kanyang magulang. Gayundin, tayo ay lumalago pagkatapos na tayo ay maligtas, at unti-unting nagiging kawangis ng ating Ama sa langit. Ito ay magiging posible lamang kung "mananatili tayo sa Kanya" at hahayaan natin siyang palaguin ang kanyang katangian sa atin (Juan 15:4).

Ngayon ay malinaw na sa atin na ang mabubuting gawa ay hindi nakapagliligtas, kundi ito ay bunga ng kaligtasan. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit" (Mateo 5:16).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang mabubuting gawa ay mga bunga ng kaligtasan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries