Tanong
Ano ang itinuturo ng Bibliya patungkol sa pagiging mabuting mga magulang?
Sagot
Ang pagiging magulang ay maaaring isa sa pinakamahirap na hamon sa isang mananampalataya, ngunit ito rin ay maaaring ang pinakamapagpala at pinakamatagumpay na bagay na ating magagawa. Ang Bibliya ay nagtataglay ng maraming katuruan kung paano tayo magiging matagumpay sa pagpapalaki sa ang ating mga anak upang sila ay maging mga lalaki at babae ng Diyos. Ang pinakaunang bagay na kailangan nating ituro sa kanila ay ang katotohanan patungkol sa Salita ng Diyos.
Kaalinsabay ng pagmamahal sa Diyos at pagiging mga maka-Diyos na halimbawa sa pamamagitan ng pagtatalaga ng ating sarili sa Kanyang mga utos, kailangan nating sumunod sa ipinag-uutos ng Deuteronomio 6: 7-9 patungkol sa pagtuturo sa ating mga anak . Ang mga talatang ito ay nagbibigay-diin sa patuloy na pagtuturo ng Salita ng Diyos sa ating mga anak sa lahat ng pagkakataon. Ito ay dapat na itinuturo sa lahat ng panahon - sa tahanan o sa kalsada man, sa araw at gabi. Sinasabi ng Bibliya na kinakailangang ang Salita ng Diyos ang maging panuntunan sa ating mga tahanan. Sa ating pagsunod sa mga tuntunin at sa mga kautusan ng Bibliya, itinuturo natin sa ating mga anak na ang pagsamba sa Dios ay sa tuwina hindi lamang tuwing Linggo ng umaga o sa mga sama-samang pananalangin.
Kahit ang ating mga anak ay maraming natututunan mula sa ating pagtuturo, mas marami silang natututunan sa pagmamasid sa atin. Ito ang dahilan kung bakit kailangan tayong maging maingat sa lahat ng ating mga kilos at ginagawa. Kailangan muna nating kilalanin ang mga tungkuling iniatang ng Diyos sa atin. Ang asawang lalaki at asawang babae ay dapat na may paggalang at pagpapasakop sa isa't isa (Efeso 5:21). Kaugnay nito, itinatag ng Dios ang linya ng pamamahala upang mapanatili ang kaayusan sa tahanan. "Ngunit nais kong maunawaan ninyo na si Kristo ang nakakasakop sa bawat lalaki, ang lalaki ang nakakasakop sa kanyang asawa, at ang Diyos naman ang nakakasakop kay Kristo" (1 Corinto 11:3). Nalalaman natin na si Kristo ay hindi mas mababa kaysa Diyos, tulad sa asawang babae na hindi mas mababa kaysa asawang lalaki. Gayunman, kinikilala ng Diyos na kung walang pagpapasakop sa namamahala ang tahanan ay walang kaayusan. Ang tungkulin ng asawang lalaki bilang ulo ng sambahayan ay ibigin ang asawang babae tulad ng pag-ibig niya sa kanyang sarili tulad ng paghahandog ni Kristo ng kanyang sariling buhay dahil sa Kanyang pagibig sa iglesia (Efeso 5: 25-29).
Bilang tugon sa mapagmahal na pangunguna, hindi mahirap para sa asawang babae na magpasakop sa pamamahala ng kanyang asawang lalaki (Efeso 5:24; Colosas 3:18). Ang kanyang pangunahing tungkulin ay ibigin at igalang ang kanyang asawang lalaki, mamuhay sa karunungan at kahinhinan at pangalagaang mabuti ang kanyang tahanan (Tito 2: 4-5). Ang mga kababaihan ay likas na mas mapag-alaga kaysa kalalakihan dahil sila ay nilikha upang maging pangunahing tagapangalaga ng kanilang mga anak.
Ang pagdidisiplina at pagtuturo ay mga mahalagang sangkap ng pagiging magulang. Ayon sa Kawikaan 13:24, "Mapagmahal na magulang, anak ay dinidisiplina, anak na di napapalo, hindi mahal ng magulang." Ang mga anak na lumaki sa sambahayang walang disiplina ay nakadarama na hindi sila tinatanggap at hindi sila karapatdapat sa kanilang tahanan. Kulang sila ng gabay at pagpipigil sa sarili, at habang sila ay nagkaka-edad sila ay magiging palaban at may kaunti o walang paggalang sa ano mang uri ng kapangyarihan, kasama na ang Dios. "Ituwid mo ang iyong anak habang may pagkakataon pa, kung hindiāy ikaw na rin ang nagtulak sa pagkawasak niya" (Kawikaan 19:18). Ang pagdidisiplina ay kailangang tapatan ng pag-big, kung hindi, lalaki ang mga anak na may hinanakit, mahina ang loob at mapaghimagsik (Colosas 3:21). Kinikilala ng Dios na ang pagdidisiplina ay masakit habang ito ay inilalapat (Hebreo 12:11), subalit kung ito ay natutukan ng may mapagmahal na pagtuturo, pambihirang kabutihan ang maidudulot nito sa bata. "Mga magulang, huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikagagalit ng inyong anak. Sa halip, palikihin ninyo sila ayon sa disiplina at katuruan ng Panginoon" (Efeso 6:4).
Mahalaga na isali ang mga anak sa gawain at ng iglesya habang sila ay bata pa. Laging dumalo sa isang iglesya na naniniwala sa Bibliya (Hebreo 10:5), hayaan mong makita ka nila na nag-aaral ka ng Salita ng Diyos at mag-aral ka na kasama sila. Pag-usapan ang kanilang pananaw sa mundo at turuan sila patungkol sa kaluwalhatian ng Diyos sa pang-araw araw na buhay. "Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki"y di niya ito malilimutan" (Kawikaan 22:6). Ang pagiging mabuting magulang ay patungkol sa pagpapalaki ng mga anak na susunod sa iyong halimbawa sa iyong sariling pagsunod at pagsamba sa Dios.
English
Ano ang itinuturo ng Bibliya patungkol sa pagiging mabuting mga magulang?