Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagiging mabuting estudyante/magaaral?
Sagot
Ang pangkalahatang tawag ng Kasulatan upang magkaroon ng isang banal at makatuwirang pamumuhay ay mailalapat sa mga estudyante/magaaral na dapat naisin ng lahat na mananampalataya. Bagama't isinulat ang Colosas 3:23 para sa mga alipin, totoo rin ang mga prinsipyong binanggit dito para sa mga magaaral at sa sinuman na humaharap sa isang gawain: "Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao."
Ibinigay ng ating Panginoong Jesus ang isang halimbawa ng pagiging isang mabuting magaaral. Binuod ni Lukas ang kabataan ni Jesus sa isang talata: "Patuloy na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao" (Lukas 2:52). Sa anumang pormal na edukasyon na tinanggap ni Jesus, tumugon Siya ng may pag-unlad. Natuto Siya—at ang paglago at pagkatuto ang dapat na maging pangunahing layunin ng bawat magaaral.
Naglalaman din ang Kasulatan ng ilang partikular na pagbanggit sa mga magaaral kung saan maaari tayong matuto. Binanggit sa Mateo 10:24 ang mga salita ni Jesus na "Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro." Sinabi ito ni Jesus sa konteksto ng Kanyang babala sa mga alagad tungkol sa paguusig; inusig si Jesus at paguusigin din ang Kanyang mga alagad. Ngunit maaari ding gamiting pangsuporta ang talatang ito sa katotohanan na ang pagiging isang mabuting magaaral ay kinasasangkutan din ng pagkilala sa awtoridad. Ang mga magaaral na walang paggalang o hindi sumusunod sa kanilang mga guro ay sinisira ang kanilang sariling kakayahan na matuto.
Sa isa pang talata, sinabi ni Jesus, "Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro, ngunit matapos maturuang lubos, ang alagad ay makakatulad ng kanyang guro" (Lukas 6:40). Tinutukoy ni Jesus sa talatang ito ang tungkol sa paghatol sa iba at sa pagaakay ng mga bulag sa kanilang kapwa bulag. Ngunit ang aplikasyon ng mga pananalitang ito ay ang maingat na pagpili ng mga estudyante sa kanilang magiging mga guro, dahil ang pagsasanay ay natural na nagreresulta sa paggaya ng mga magaaral sa kanilang tagapagturo.
Ang isa pang biblikal na prinsipyo sa pagiging isang mabuting magaaral ay disiplina sa sarili. Tinuturuan tayo ng aklat ng Kawikaan na ipailalim ang ating mga paguugali at mga aksyon sa proseso ng pagkatuto. Sa Kawikaan 2, bilang mga magaaral na may karunungan, tayo ay dapat na magnais na matuto (t. 2–3), maunawaan ang kalahagahan ng karunungan (t. 4), hanapin ang tulong ng Panginoon (t. 6–8), at gamitin ang pangunawa (t. 12–15).
Ang mga magaaral sa esensya ay "empleyado" ng kanilang mga guro, at maaari nilang ituring ang kanilang pagaaral na tulad sa isang trabaho. Sa halip na tumanggap ng bayad na pera, tumatanggap ang mga magaaral ng bayad sa anyo ng karunungan at kasanayan. Sa pagturing sa pagaaral sa ganitong paraan, dapat na linangin ng magaaral ang mga makadiyos na prinsipyo na sumasaklaw sa trabaho: ang isang mabuting magaaral ay magpapakita ng responsibilidad, pagiging maaasahan, pagdating sa tamang oras, kasipagan, pagtitiyaga, pagkukusa at marami pang iba.
Siyempre, minsan may pagkakaiba sa pagitan ng pagiging isang mabuting magaaral at pagkakaroon ng mataas na marka at hindi laging sumasalamin ang mataas na marka sa dami ng natututunan ng magaaral. May mabubuting magaaral na mababa ang nakukuhang marka at may mga mahihinang magaaral na alam kung paano makakakuha ng mataas na marka. Ang pagiging isang mabuting estudyante o magaaral ay higit pa sa pagpapasakop sa awtoridad, sa pagiging dispilinado, sa pagpapanatili ng isang makadiyos na saloobin sa trabaho, at paggamit ng karunungan. Nagreresulta ito sa isang banal na pamumuhay na nakaluluwalhati sa Panginoon.
Lahat tayo ay dapat na maging mabubuting magaaral ng Salita ng Diyos dahil, "Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay" (2 Timoteo3:16) at ang pagsasasulo at pagsasanay ng Salita ng Diyos ay makakapaglayo sa atin sa kasalanan (Awit 119:7, 11).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagiging mabuting estudyante/magaaral?