Tanong
Bakit hindi sapat ang pagiging mabuting tao para makapunta sa langit?
Sagot
Kung tatanungin mo ang mga tao kung ano ang dapat nilang gawin upang makapunta sa langit (kung naniniwala sila sa langit o buhay pagkatapos ng kamatayan), ang lagi nilang isinasagot ay ang iba’t ibang anyo ng pagiging “mabuting tao.” Karamihan, kung hindi man lahat ng relihiyon at mga pilosopiya sa mundo ay nakabase sa mabubuting gawa. Kahit pa ang Islam, Judaismo, o sekular na humanismo ay karaniwang nagtuturo na ang pagpunta sa langit ay sa pamamagitan ng pagiging mabuting tao – pagsunod sa Sampung Utos ng Diyos, o sa mga katuruan ng Koran o pagsunod sa mga Gintong Utos. Ngunit ito ba ang itinuturo ng Kristiyanismo? Ang Kristiyanismo ba ay gaya ng ibang mga relihiyon sa mundo na nagtuturo na ang pagiging mabuting tao ang magdadala sa tao sa langit? Siyasatin natin ang Mateo 19:16–26 para sa ilang kasagutan. Ito ang kuwento tungkol sa isang binatang mayaman.
Ang unang bagay na ating mapapansin sa kuwento ay ang tamang tanong ng binatang mayaman: “Ano ang aking gagawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan? ” Sa pamamagitan ng katanungang ito, makikita nating kinikilala niya ang katotohanan ngunit sa kabila ng lahat ng kanyang ginagawa ay mayroon pa ring kulang, at nais niyang malaman kung ano pa ang kanyang dapat gawin upang magtamo ng buhay na walang hanggan. Gayunman, sa kabila ng pagtatanong ng tamang tanong, sinabi niya ito mula sa isang maling pananaw – na ang pagpunta sa langit ay sa pamamagitan ng gawa (“Ano ang aking gagawin…”); hindi niya nauunawaan ang tunay na kahulugan ng Kautusan, gaya ng ipinapaliwanag sa kanila ni Hesus, na ang kautusan ay nagsisilbi lamang guro hanggang sa dumating ang Panginoong Hesu Kristo (Galacia 3:24).
Ang ikalawang bagay na ating mapapansin ay ang sagot ni Hesus sa katanungan ng binatang mayaman.Sinagot ni Hesus ang binata ng isa ring tanong: “Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti?” Sa ibang salita, nais ng Panginoon na ipaunawa sa binata ang puso ng usapin, na walang sinuman ang mabuti at walang gumagawa ng mabuti kundi ang Diyos. Gaya ng nasabi na, mali ang pananaw ng binatang mayaman: inaakala niya na kaya ng tao na gumawa ng mabuti upang makamit ang buhay na walang hanggan sa langit. Upang bigyang diin ang nais Niyang sabihin, sinabi ni Hesus na kung gusto ng binata na maranasan ang buhay na walang hanggan, dapat niyang sundin ang mga Kautusan. Hindi ni Hesus sinasabi na ang katuwiran ng tao ay makakamit sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan. Sa halip, itinutuwid ni Hesus ang mababaw na pananaw ng binatang mayaman tungkol sa Kautusan at sa kakayahan ng tao na iligtas ang kanyang sarili.
Malinaw ang sagot ng binatang mayaman. Nang sabihin ni Hesus na dapat siyang sumunod sa kautusan, tinanong niya si Hesus, “Alin sa mga kautusan?” Patuloy na ipinakita ni Hesus ng buong hinahon ang maling pananaw ng binatang mayaman sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng ikalawang talaan ng Kautusan – ang mga kautusan na may kinalaman sa pakikipagrelasyon sa kapwa tao. Madadama ang kabiguan ng binatang mayaman sa kanyang sagot kay Hesus na sinusunod na niya ang mga Kautusang ito mula pa sa kanyang pagkabata. Dalawang bagay ang mapapansin sa puntong ito. Una, ang kawalang kabuluhan ng sagot ng binata. Sa pagsasabi na ginaganap na niya ang lahat ng Kautusang iyon mula sa kanyang pagkabata, sinuway niya ang kautusan tungkol sa pagsaksi sa hindi katotohanan. Kung tunay siyang tapat, sasabihin niya na kahit gaano ang kanyang pagtatangka na sundin ang mga Kautusan, lagi siyang nabibigo araw-araw. Mababaw ang kanyang pangunawa sa Kautusan at malaki ang tiwala sa kanyang sariling kakayahan. Ikalawa, alam din niya na hindi sapat ang kanyang kabutihan; kaya’t sinabi niya kay Hesus, “Ano pa ang kulang sa akin?”
Sa puntong ito sinalungat ni Hesus ang pagtitiwala ng binatang mayaman sa kanyang sariling kabutihan. Sinabi ni Hesus na kung gusto niyang maging ganap (o perpekto), dapat niyang ipagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at sumunod sa Kanya. Ganap na nailantad ni Hesus kung ano ang kulang sa binatang mayaman – ang pag-ibig nito sa kanyang kayamanan. Naging diyus-diyusan ng binatang mayaman ang kanyang malaking kayamanan. Inaangkin niya na kanyang nasunod ang lahat ng Kautusan ng Diyos, ngunit sa katotohanan, ni hindi nga niya masunod ang pinakaunang utos, ang utos na huwag magkakaroon ng ibang Diyos maliban sa tunay na Diyos! Tumalikod kay Hesus ang binatang mayaman at lumakad palayo. Ang kanyang “diyos” ay ang kanyang kayamanan, na kanyang pinili sa halip na si Hesus.
Bumaling si Hesus sa kanyang mga alagad at itinuro ang isang prinsipyo: “Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.” Kagulat-gulat ito para sa mga alagad (at sa mga Hudyo) na naniniwala na ang kayamanan ay tanda ng pagpapala ng Diyos. Ngunit ipinaliwanag ni Hesus ang ginagawa ng kayamanan upang hadlangan ang tao sa paglapit sa Diyos – ang pagtitiwala sa kasapatan ng kayamanan sa halip na sa Diyos. Kaya’t nagtanong ang mga alagad, “Sino ngayon ang maliligtas?” Ipinaalala ng Panginoon sa mga alagad na ang Diyos ang nagliligtas at hindi ang tao: “Hindi mangyayari ito sa mga tao; datapuwa't sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari. ”
Sino ang maliligtas? Kung iiwan ng Diyos ang tao sa kanyang sarli, walang maliligtas kahit isa! Bakit hindi sapat ang pagiging mabuting tao upang makapunta sa langit? Dahil walang sinuman ang “mabuti”; may isa lamang mabuti at iyon ay ang Diyos mismo. Sinasabi ng Bibliya na “ang lahat ay nagkasala at walang sinuman ang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Roma 3:23). Itinuturo din ng Bibliya na ang kamatayan ang kabayaran ng kasalanan (Roma 6:23a). Salamat at hindi hinintay ng Diyos ang tao na maging mabuti; dahil “ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin (Roma 5:8).
Ang kaligtasan ay hindi nakasalalay sa ating sariling kabutihan kundi sa kabutihan ni Hesus. “Sapagka't kung ipahahayag mo ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang maguli ng Dios sa mga patay ay maliligtas ka” (Roma 10:9). Ang kaligtasang ito ay isang napakamahal na kaloob, at gaya ng tunay na kaloob, hindi ito pinagpapaguran o binabayaran man (Roma 6:23b; Efeso 2:8–9). Ito ang mensahe ng Ebanghelyo: walang sinuman ang sapat ang kabutihan upang makapunta sa langit. Dapat nating kilalanin na tayo’y nagkasala at hindi karapatdapat sa kaluwalhatian ng Diyos at dapat nating sundin ang Kanyang utos na magsisi sa ating mga kasalanan at ilagak ang ating pananampalataya at pagtitiwala kay Hesu Kristo at sa kanyang ginawa sa krus. Si Kristo lamang ang sapat ang kabutihan at karapatdapat sa langit, at ipinagkakaloob Niya ang kanyang katuwiran sa sinumang sumasampalataya sa kanyang pangalan (Roma 1:17). English
Bakit hindi sapat ang pagiging mabuting tao para makapunta sa langit?