settings icon
share icon
Tanong

Ano ang simpleng pananampalataya para sa kaligtasan (easy-believism)? Madali bang sumampalataya at maligtas?

Sagot


Naligtas tayo sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8). May mga nagaakala na dahilan sa talatang ito, hindi na kailangan pa ang pagtatalaga ng buhay sa pagiging alagad ni Kristo bilang katibayan ng kaligtasan. Maaaring may magsabi na siya ay naligtas dahil umusal siya ng isang panalangin – ng walang tunay na pagsisisi sa kasalanan at tunay na pananampalataya kay Kristo. Ang pagusal ng isang panalangin ay napakadali, ngunit ang kaligtasan ay hindi lamang sa pamamagitan ng simpleng panalangin o mga salita.

Marami sa mga debate ay hindi kinakailangan at nakabase sa maling pangunawa sa Kasulatan. Malinaw na ang kaligtasan ay sa biyaya lamang ng Diyos, sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Kristo. Ang pananampalataya ay isang kaloob na mula sa Diyos, at ito ang kasangkapan upang maranasan natin ang kaligtasan. Ngunit sinasabi sa atin sa Efeso 2:10 ang resulta ng kaligtasan: “Sapagka't tayo'y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.” Sa halip na maligtas sa pamamagitan ng ilang madaling gawa ng ating laman, iniligtas tayo ng “kamay” ng makapangyarihan sa lahat, sa pamamagitan ng Kanyang kalooban para gamitin sa Kanyang kaluwalhatian. Tayo ay Kanyang mga alipin, at mula sa oras na maranasan natin ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo ay tumutulak sa isang itinakdang paglalakbay sa paggawa ng mabubuting gawa na nagpapatunay sa ating kaligtasan. Kung walang ebidensya ng paglago at mabubuting gawa, may dahilan tayo upang pagdudahan kung totoong naganap ang kaligtasan sa buhay ng isang tao. “Ang pananampalatayang walang gawa ay patay” (Santiago 2:20), at ang patay na pananampalataya ay hindi makapagliligtas sa sinuman.

Ang pariralang “pananampalataya lamang” ay hindi nangangahulugan na may mga mananampalataya na mamumuhay bilang mga alagad ni Kristo at may ibang mananampalataya na hindi susunod kay Kristo. Ang konseptong tinatawag na “karnal na Kristiyano,” at kadalasang ginagamit bilang isang bukod na kategorya para sa mga mananampalatayang nagpapatuloy sa kasalanan ay hindi naaayon sa Bibliya. Ang ideya ng “karnal na Kristiyano” ay ang pananaw na maaaring tanggapin ng isang tao si Kristo ngunit maaaring hindi siya kakitaan ng isang binagong buhay. Ito ay isang mali at mapaminsalang katuruan na nagbibigay sa tao ng dahilan upang mamuhay sa kasalanan at kasabay noon ay pagaangkin na siya ay isang tunay na mananampalataya. Ito ang dahilan kung bakit may mga nagsasabi na ang isang tao ay maaaring mamuhay bilang isang sinungaling, mangangalunya, o magnanakaw, ngunit siya ay ligtas dahil nanalangin siya ng pagtanggap kay Kristo noong siya’y bata pa lamang; isa nga lamang siyang “karnal na Kristiyano.” Hindi sinusuportahan ng Bibliya ang ideya na ang isang tunay na mananampalataya ay mananatiling makalaman o karnal sa kanyang buong buhay. Sa halip, inilalarawan sa Bibliya ang dalawang uri lamang ng tao: Ang Kristiyano at hindi Kristiyano, mananampalataya at hindi mananampalataya, ang nagpasakop ay Kristo bilang kanyang Panginoon at ang hindi kumikilala kay Kristo (tingnan ang Juan 3:36; Roma 6:17–18; 2 Corinto 5:17; Galacia 5:18–24; Efeso 2:1–5; at 1 Juan 1:5–7; 2:3–4).

Habang ang katiyakan ng kaligtasan ay isang biblikal na katotohanan na nakabase sa natapos na gawain ng pagliligtas sa pamamagitan ng paghahandog ng buhay ni Kristo, totoo rin na may mga taong “nagdesisyon na tanggapin si Kristo” ang maaaring hindi tunay na maligtas. Ang kaligtasan ay hindi “pagtanggap kay Kristo” kundi ang Kanyang pagtanggap sa atin. Naligtas tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, para sa layunin ng Diyos, at kasama sa layuning iyon ay ang pagkakaroon ng ebidensya ng ating kaligtasan. Ang nagpapatuloy sa paglakad ayon sa laman ay hindi tunay na mananampalataya (Roma 8:5–8). Ito ang dahilan kung bakit hinahamon tayo ni Pablo na, “Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo'y nangasa pananampalataya” (2 Corinto 13:5). Kung susuriing mabuti ng isang “karnal na Kristiyano” ang kanyang sarili, malalaman niya sa malao’t madali na hindi totoo ang kanyang pananampalataya.

Sinasabi sa Santiago 2:19, “Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa: ang mga demonio man ay nagsisisampalataya, at nagsisipanginig!” Ang ganitong uri ng pananampalataya ng mga demonyo ay maaaring maikumpara sa intelektwal na paniniwala ng mga taong naniniwala na totoo si Hesus o isa Siyang mabuting tao. Maraming hindi mananampalataya ang nagsasabi, “naniniwala ako sa Diyos” o “naniniwala ako kay Hesus”; may iba namang nagsasabi na “nanalangin ako ng pagtanggap, at sinabi ng pastor na ako ay ligtas na.” Nguni t ang ganitong uri ng paniniwala at panalangin ay hindi maaaring gamiting ebidensya para sa isang binagong puso. Ang problema ay dahilan sa maling pangunawa sa salitang “pananampalataya” o “paniniwala.” Kaakibat ng totoong karanasan ng kaligtasan ang tunay na pagbabagong buhay. Sinasabi sa 2 Corinto 5:17 na ang isang taong na kay Kristo ay isang “bagong nilalang.” Posible ba na ang isang taong ginawang bagong nilalang ni Kristo ay magpatuloy sa paglakad sa pita ng laman? Hindi!

Tunay na ang kaligtasan ay isang walang bayad na kaloob ng Diyos, ngunit, sa parehong paraan, ito rin ay may kapalit na halaga – ang lahat sa ating buhay. Dapat tayong mamatay sa ating mga sarili habang binabago tayo ng Diyos upang maging kawangis ni Kristo. Dapat nating kilalanin na ang isang taong tunay na sumasampalataya kay Kristo ay tiyak na magbabago. Ang kaligtasan ay libreng kaloob ng Diyos sa sinumang sumasampalataya, ngunit ang pagsunod at pagiging alagad ay tiyak na magaganap sa buhay ng isang tao kung tunay siyang sumampalataya kay Kristo. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang simpleng pananampalataya para sa kaligtasan (easy-believism)? Madali bang sumampalataya at maligtas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries