Tanong
Ano ang aking gagawin upang marinig ko mula sa Panginoon ang mga salitang, "magaling tapat at mabuting alipin" pagdating ko sa langit?
Sagot
Sa talinghaga ni Jesus sa mga talento, ikinuwento Niya ang tungkol sa dalawang tapat na alipin na ginamit ang ibinigay sa kanilang punuhan ng kanilang panginoon upang palaguin ang kanyang kayamanan. Nang dumating ang kanilang panginoon mula sa mahabang paglalakbay, ginantimpalaan niya ang kanyang dalawang alipin at sinabi sa bawat isa sa kanila "Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon" (Mateo 25:21, 23). Nananabik ang bawat tunay na mananampalataya na marinig ang mga pananalitang ito mula sa mga labi ng Panginoong Jesus balang araw sa langit.
Naligtas tayo sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8–9), ngunit iniligtas tayo upang gumawa ng "mabubuting gawa" (Efeso 2:10). Sinabi ni Jesus na dapat tayong magtipon ng kayamanan sa langit (Mateo 6:20), at ang Kanyang talinghaga tungkol sa mga talento ang nagbibigay sa atin ng ideya sa iba't ibang gantimpala na Kanyang ibibigay para sa mga tapat na naglilingkod sa Kanya sa mundong ito.
Upang marinig ang mga pananalitang, "Magaling, mabuti at tapat na alipin" mula kay Jesus, una, tiyakin mo muna na ikaw ay ligtas. Hindi maririnig ng mga hindi sumasampalataya ang mga salitang ito dahil "kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya" (Hebreo 11:6). Ikalawa, kilalanin mo na hindi lamang si Jesus tagapagligtas; Siya rin ay Panginoon (tingnan ang Lukas 6:46). "Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon!" (Awit 100:2).
Narito ang ilang mga ideya kung paano ka makakapaglingkod sa Panginoon:
1. Ibahagi mo ang Mabuting Balita. Nais ni Jesus na gumawa tayo ng mga alagad at ituro sa iba ang kalikasan at katangian ng Diyos at ipahayag sa iba ang kahulugan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo (Mateo 28:18–20).
2. Tumulong ka sa mga nangangailangan. Sa kuwento tungkol sa lalaking mayaman at Lazaro sa Lukas 16:19–31, hinatulan sa Hades ang mayaman dahil hindi niya tinulungan si Lazaro at dahil sa labis niyang pag-ibig at pagtitiwala sa kanyang kayamanan. Huwag mong unahin ang iyong pansariling kasiyahan bago ang pangangailangan ng ibang tao. Sinasabi sa 1 Juan 3:17, "Datapuwa't ang sinomang mayroong mga pag-aari sa sanglibutang ito, at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan, at doo'y ipagkait ang kaniyang awa, paanong mananahan ang pagibig ng Dios sa kaniya?"
3. Patawarin mo ang nagkasala laban sa iyo. Hindi ito kapareho ng pakikipagkasundo o pagtitiwala ngunit nangangahulugan ito ng pagpaparaya o hindi pagganti. Si Jesus ang ating modelo sa pagpapatawad: "Na, nang siya'y alipustain, ay hindi gumanti ng pagalipusta; nang siya'y magbata, ay hindi nagbala; kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili doon sa humahatol ng matuwid" (1 Pedro 2:23).
4. Tingnan mo ang iyong mataas na posisyon bilang isang oportunidad na tumulong sa iba na nasa ilalim ng iyong impluwensya at tingnan mo ang iyong mababang posisyon na isang pribilehiyo upang magpasakop sa mga namiminuno, gaya ni Jesus na nagpasakop sa awtoridad ng Kanyang Ama. Nasa itaas ka man o ibaba, maaari kang maging kagaya ni Kristo dahil si Jesus ay parehong naging Panginoon at alipin sa iba't ibang uri ng tao. "Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo" (Galacia 6:2).
5. Nasain mo na malaman ang mga katangian at kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pakikisama sa mga kapwa mananampalataya, pagdalo sa mga gawain ng iglesya, pakikinig ng sermon, pagaaral ng Bibliya, pananalangin, at pagiging sensitibo sa mga ginagawa ng Diyos sa iyong buhay.
6. Kilalanin mo na ang lahat ng nasa iyo ay dahil at galing sa Diyos, ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala: "Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas…" (Santiago 1:17).
7. Maging handa ka sa hindi pagkilala ng mga tao at magpakita ka ng katapangan na gawin ang kalooban ng Diyos gaya ng ginawa ng mabuting samaritano sa talinghaga ni Jesus (Lukas 10:30–37). Gawin mo ang tamang bagay ayon sa sinasabi ng Bibliya sa lahat ng pagkakataon. "…Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao" (Gawa 5:29).
8. Maging mapagsiyasat ka sa iyong sariling moralidad at ugali, at gawing pamantayan ang karakter ni Jesus bilang sukatan sa halip na bigyang katwiran ang iyong mga maling gawain at masamang paguugali. Magsanay ka ng kapakumbabaan.
Ito ang buod ng lahat: umiibig ang Diyos ng higit sa lahat, at tapat ang Kanyang pag-ibig (Markos 12:30–31). Sa hukuman ni Kristo, maririnig ng mga naging tapat sa Kanya na nagligtas sa kanila ang mga salitang, "magaling, tapat, at mabuting alipin." Wala ng mahihiling pa ang isang tunay na lingkod kundi ang marinig ang mga pananalitang ito mula sa labi ng kanilang Panginoon.
English
Ano ang aking gagawin upang marinig ko mula sa Panginoon ang mga salitang, "magaling tapat at mabuting alipin" pagdating ko sa langit?