Tanong
Dapat bang magasawa ang isang mananampalataya ng isang may karanasan na o hindi na birhen?
Sagot
Ang ideyal na sitwasyon para sa Kristiyanong pagaasawa, siyempre, ay dapat na parehong birhen ang lalaki at babae dahil kanilang nauunawaan na ang pagaasawa ang natatanging lugar sa paningin ng Diyos para sa sekswal na relasyon. Ngunit hindi tayo nabubuhay sa isang perpektong mundo. Maraming pagkakataon na ang isang taong lumaki sa isang makadiyos na pamilya at naligtas mula pagkabata ay nagnanais na makapangasawa ng isang taong naligtas sa edad na 20 o 30 na dala dala ang nakaraang buhay na ayon sa pamantayan ng mundo. Bagama’t inilayo ng Diyos sa atin ang ating mga kasalanan kung gaano kalayo ang Silangan sa Kanluran ng lumapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya kay Kristo, (Awit 103:12), nananatili sa isipan ng tao ang kanyang nakaraan at maaaring hindi iyon madaling makalimutan. Ang kawalan ng kakayahang magpatawad at kalimutan ang mga nakaraang pagkakamali ng isa sa magasawa ay tiyak na may negatibong epekto sa kanilang pagsasama.
Bago magpakasal sa isang taong may nakaraan na, mahalagang maunawaan na ang kaligtasan at kapatawaran ay ibinibigay sa atin ng Diyos sa biyaya. “Sapagkat sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos; Hindi sa pamamagitan ng mga gawa upang ang sinuman ay huwag magmapuri” (Efeso 2:8-9). Nang maunawaan natin kung paano tunay na napatawad, nagumpisa tayong maunawaan kung gaano tayo inibig ng Diyos at ito ang tumutulong sa atin upang magpatawad din sa iba. Ang pagpapatawad ay ang paglimot sa nakaraan ng isang tao at pagturing sa kanya na tulad sa isang bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Namatay si Kristo para sa ating mga kasalanan at ang umiibig sa isang taong may karanasan na ay kailangang magdesisyon na kalimutan na ang mga alalala ng kanyang nakaraan. Sa pamamagitan nito mailalapat ang teolohiya sa praktikal na pamumuhay.
Sa isyu ng pagpapatawad, laging makakatulong na tingnan natin ang ating sariling mga kasalanan sa pananaw ng Diyos. Ang kasalanang sekswal ay tunay na karumal dumal sa Diyos ngunit gayon din naman ang pagsisinungaling, pandaraya, masasamang pagiisip, paglalasing, paninigarilyo, kawalan ng pagtitimpi, pagmamataas at hindi pagpapatawad. Ang sinuman sa atin na hindi nagkasala ang “pumukol ng unang bato.” Bago tayo lumapit kay Kristo, ang bawat isa sa atin ay “patay sa kasalanan at pagsuway” at binuhay sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos (Efeso 2:1-5). Ang tanong ay mapapatawad ba natin ang iba gaya ng pagpapatawad sa atin ni Kristo? Ang kakayahang magpatawad ay isang tanda ng tunay na Kristiyano. Sinabi ng Diyos na hindi tayo patatawarin ng Diyos kung hindi tayo makakapagpatawad sa mga nagkasala sa atin (Mateo 6:14-15). Hindi Niya sinasabi na ang pagpapatawad sa iba ang paraan upang mapatawad tayo ng Diyos, kundi sinasabi Niya na ang pagkakaroon ng mapagpatawad na puso ay isang tanda ng presensya ng Banal na Espiritu sa puso ng isang tunay na mananampalataya. Ang patuloy na hindi pagpapatawad ay isang tanda ng matigas na puso ng isang taong hindi pinananahanan ng Banal na Espiritu.
Bago magpakasal ang isang taong walang karanasan sa isang taong may karanasan na, kailangan ang panalangin, pagsusuri ng sarili at sapat na pagiisip. Sinasabi sa atin ng Santiago 1:5 na kung hihingi tayo ng karunungan sa Diyos, ipagkakaloob Niya iyon sa atin. Ang paghingi ng payo sa isang pastor at pakikilahok sa isang Iglesya na itinataas ang katotohanan ng Bibliya ay makakatulong sa pagdedesisyon. May ilang Iglesya na may napakagandang pagtuturo sa mga nagnanais na magpakasal. Gayundin, ang bukas na pakikipagusap sa potensyal na mapapangasawa tungkol sa bagay na ito ay magpapakita ng mga bagay na kailangang talakayin at patawarin.
Ang pagaasawa ay isang hamon na nangangailangan ng malaking trabaho upang maging matagumpay. Ang bawat isa ay nangangailangan ng pag-ibig na walang kundisyon. Inilarawan sa Efeso 1:5 ang papel ng lalaki at babae sa pagsasama bilang magasawa ngunit nagumpisa ang talata sa isang pinakasusing prinsipyo: “Magpasakop kayo sa isa’t isa gaya ng pagpapasakop ninyo kay Kristo” (Efeso 5:11). Ang kahandaang magsakripisyo at ang desisyon na piliin ang pagiging isang alipin para sa ikagaganda ng pagsasama ay mga tanda ng isang lalaki at babae na lumalago sa espiritwal at lumuluwalhati sa Diyos. Ang isang lalaki na nagnanais na mamuhay ayon sa layunin ng Diyos sa kanyang buong buhay ay makatutulong sa kanyang asawa na maging isang babae na na gumaganap ng layunin ng DIyos para sa kanyang buhay sa kabila ng kaniyang nakaraan kung mayroon man at makakapagtayo sila ng isang pamilya na nagbibigay karangalan sa Diyos at magbibigay kasiyahan sa bawat isang miyembro nito.
English
Dapat bang magasawa ang isang mananampalataya ng isang may karanasan na o hindi na birhen?