Tanong
Posible ba na makapagasawa ng maling tao?
Sagot
May iba't ibang paraan upang tingnan ang katanungang ito. Ang pagsasabi na nakapagasawa ka ng isang maling tao ay pagpapahiwatig ng paniniwala na walang taong itinalaga ang Diyos upang iyong mapangasawa. Kung naging asawa mo ang isang maling lalaki o babae, maaari kang matakot dahil naniniwala ka na kaya mong guluhin ang plano ng Diyos sa iyong buhay. Maaari din tayong matukso na "ituwid" ang ating pagkakamali sa paraang hindi nakalulugod sa Diyos. Tunay na maaari tayong makagawa ng mga maling pagpili sa ating napangasawa o mapapangasawa at suwayin ang gabay ng Diyos sa kung sino ang dapat nating mapangasawa. Kaya ang mali ay ang ating pagpili hindi ang taong ating pinili. Kaya nga, kung isasaalang-alang ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, hindi tayo maaaring magasawa ng isang "maling" tao. Gayunman, may plano ang Diyos sa ating buhay at may kakayahan Siyang ituwid ang ating mga maling pagpili at gamitin iyon sa ating ikabubuti (Roma 8:28). Sa oras na magasawa tayo, inaasahan sa atin ng Diyos na gagawin natin ang ating makakaya upang maging kalugod lugod sa Kanya ang ating pagaasawa. Kung nagkamali man tayo o hindi sa pagpili ng napangasawa, ang pagaasawa ay isang tipan sa harapan ng Diyos. Kaya ng Diyos na hubugin kahit na ang pinakapangit na relasyong magasawa upang maging isang relasyon na nagbibigay luwalhati sa Kanya.
itinuturo ng Salita ng Diyos na dapat na magasawa ang isang Kristiyano ng kapwa Kristiyano na may parehong hangarin na sumunod sa Panginoong Jesu Kristo. Ang pagaasawa ng isang hindi mananampalataya ay hindi isang opsyon o pagpipilian para sa isang mananampalataya (2 Corinto 6:14). Kaya nga, kung magasawa ang isang Kristiyano ng isang hindi Kristiyano, nagasawa siya ng isang maling tao dahil sa kanyang maling pagpili at sinuway Niya ang kalooban ng Diyos.
May iba pang dahilan sa pagaasawa ng maling tao. Halimbawa, ang pagaasawa ng isang taong mapangabuso, isip-bata, makasarili, at tamad ay magreresulta sa mga problema. Ang pagpapakasal sa isang tao na may hindi pa nalulunasang adiksyon o namumuhay sa isang kasalanang hindi pinagsisihan ay isang maling pagpapasya.
Ano ang mga dahilan sa pagaasawa ng maling babae o lalaki? May mga pumapasok sa maling relasyon dahil sa paniniwala na ang kapangyarihan ng kanilang pag-ibig ang makakapagpabago sa isang tao. May mga nabubulagan ng inisyal na atraksyon at binabalewala ang mga nakikitang problema sa kanilang relasyon sa hinaharap. Ang iba ay minamanipula ng napupusuan na nagpapakita ng magagandang paguugali sa umpisa ngunit huli na upang malaman ng nililigawan na nagkukuwari lamang pala. Ang iba naman ay talagang hindi pa handa sa pagaasawa. Binabalewala nila ang mga sakripisyo na kinakailangan upang mabuhay na kasama ng isang asawa. Walang duda na ang dahilan sa pagaasawa ng "maling tao"ay iba-iba depende sa sitwasyon at karanasan ng mga taong sangkot.
May kinalaman din ang kuktura sa pagaasawa ng maling tao. Maraming sosyedad na ang turing sa pagaasawa ay isang panandaliang kasunduan na maaaring kalimutan o pawalang bisa ng walang kahirap-hirap. Ito ang dahilan kung bakit napakadali ang pagaasawa at paghihiwalay sa ibang kultura. Napakaraming tao ang sinasambit ang kanilang pangako ng walang tunay na pagtatalaga ng sarili sa kanilang kabiyak o sa Diyos. Sa maraming lugar naman sa mundo, isang pantasya ang isinusulong na ang pagaasawa ang kakatagpo sa lahat nating pangangailangan—ang diin ay sa pagkatagpo sa sariling pangangailangan hindi sa pangangailangan ng asawa. Isang popular na kaisipan ang kumakalat na kung dumadaan sa pagsubok ang relasyon o kung hindi na nagkakasundo at nakakatagpo ang pangangailangan ng bawat isa, dapat na silang maghiwalay o magaplay ng diborsyo. Maraming batas sa maraming bansa ang ginawang napakadali ang diborsyo. Sa halip na magsikap upang mabigyan ng solusyon sa mga problema, maraming magasawa na dumaraan sa pagsubok ang nagpapalagay na hindi na nila mahal ang isa't isa at dapat ng wakasan ang kanilang relasyon.
Kung inaakala ng isang tao na nakapagasawa siya ng isang maling lalaki o babae, ano ngayon ang kanyang gagawin? Una, dahil tahasan niyang sinuway ang turo sa 2 Corinto 6;14, kinakailangan ang pagsisisi sa Diyos. Pagkatapos, dapat siyang magsikap na gawin ang lahat ng makakaya upang maging maayos ang kanyang relasyon sa asawa (tingnan ang 1 Corinto 7:12–14; Efeso5:21–33). Kung nagiging mapanganib ang sitwasyon sa alinman sa asawang lalaki o babae, o sa mga bata, maaaring ikunsidera ang paghihiwalay. Mahalaga rin ang paghingi ng makadiyos na payo mula sa isang pastor o tagapayo sa mga magasawa. Habang pinahinintulutan ng Bibliya ang paghihiwalay sa ilang mga kadahilanan, hindi dapat na maging pangunahing solusyon ang paghihiwalay. Walang imposible sa Diyos (Lukas 1:37), at kaya Niyang pagandahin ang anumang pangit na sitwasyon (Isaias 61:3). Ang isang Kristiyano na nagkamali sa pagpapasya sa pagpili ng mapapangasawa ay maaaring umasa na kayang pagandahin ng Diyos ang isang pangit na relasyon (tingnan ang 1 Pedro 3:1–2). Maaaring baguhin ng Diyos ang isang maling tao at gawing tama at mabuti.
Paano maiiwasan ng isang walang asawa na makapagasawa ng isang "maling lalaki o babae?" Isang magandang payo ang sinabi ni Benjamin Franklin, "Idilat mong mabuti ang iyong mga mata bago ka magasawa, at ipikit mo ng kaunti pagkatapos (Poor Richard's Almanac, Hunyo 1738), ngunit mas higit na makakatulong kung uunahin munang hanapin ang kaharian at katwiran ng Diyos (Mateo 6:33). May mga naghahanap ng mapapangasawa na isinasantabi ang katuwiran ng Diyos. Dapat na ituon ng isang taong wala pang asawa ang kanyang pansin sa pagiging isang lalaki o babae na inaasahan sa kanya ng Diyos at italaga ang sarili sa pakikipagrelasyon sa isang taong lumalago sa pananampalataya. Upang maiwasan ang mga pagkakamali, kinakailangang sumunod sa Salita ng Diyos (Lukas 11:28), humingi ng makadiyos na pagpapayo, manalangin para sa karunungan (Santiago 1:5), at maging tapat sa Diyos at sa kapwa tao.
English
Posible ba na makapagasawa ng maling tao?