Tanong
Ano ang kahulugan ng magbantay at manalangin?
Sagot
Ginamit ni Jesus ang mga salitang magbantay at manalangin sa maraming pagkakataon. Ang isa ay noong gabi bago ang kanyang kamatayan. Dinala ni Jesus ang kanyang mga alagad sa Hardin ng Gethsemane kung saan Siya ay nanalangin ng ganito, “ilayo Ninyo sa Akin ang kopang ito ng paghihirap” (Mateo 26:39). Pagkatapos Niyang manalangin, natagpuan Niya ang mga alagad na natutulog. Lubos ang kalungkutan ni Jesus na hindi nila kayang manalangin kahit na mga ilang oras at nagbabala ng ganito “magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina (Mateo 26:41).
Ang sumunod na pangyayari kung saan ginamit ni Jesus ang mga salitang magbantay at manalangin ay noong Kanyang ihula ang mangyayari sa huling araw. Ang Lukas kabanata 21 ay nagsasaad ng ganitong kaganapan, at nagbabala si Jesus na ito ay biglaang mangyayari: “Mag-ingat kayo na huwag kayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at matuon ang inyong pag-iisip sa mga alalahanin sa buhay na ito; kung hindi ay bigla kayong aabutan ng Araw na iyon” (Lukas 21:34). At muli Niyang sinabi, “Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang malampasan ninyo ang lahat ng mangyayaring ito, at makatayo kayo sa harap ng Anak ng Tao” (Lukas 21:36).
Ang ibig sabihin ng salitang “magbantay” ay “maging alerto sa pagtatanod kung gabi”. Ang mga bantay sa gabi ay higit na alisto kaysa sa bantay na pang-araw. Sa umaga, ang panganib ay madaling makita kahit ito’y malayo pa. Ngunit sa gabi, ang lahat ay kakaiba. Kailangang gamitin ng bantay sa gabi ang kanyang mga pandama para makita agad ang peligro. Madalas na siya ay nag iisa sa kadiliman at walang pangdepensa na agad na magagamit. Maaaring walang palatandaan ang kalaban hanggang mangyari na ang pagatake, dapat siyang maging sobrang alisto at mapaghinala sa bawat oras. Ito ang klase ng pagbabantay na nais ni Jesus.
Binalaan tayo ni Jesus na masyado tayong madaling magambala sa pisikal at mahuhuli nang walang kamalayan kung hindi natin patuloy na didisiplinahin ang ating sarili. Sa Hardin ng Gethsemane, ang antok ang nagtagumpay sa mga alagad. Ang kanilang pisikal na pangangailangan ang nanaig kaysa sumunod kay Jesus. Nagdalamhati Siya sa kanyang nakita dahil alam ni Jesus ang mga darating. Kung ang mga alagad ay hindi magiging alerto sa espirituwal, nakatuon sa Kanya (Juan 15:5) at hindi handang itanggi ang sarili, sila ay madadaig ng masama (1 Pedro 5:8).
Ang mga alagad ni Jesus sa panahon ngayon ay dapat ding magbantay at manalangin. Madali tayong malinlang ng mundong ito gamit ang ating mga pangangailangang pisikal at mga pagnanasa, pati na ang mga pamamaraan ng kaaway (2 Corinto 2:11). Kapag hindi nati itinutuon ang ating mga mata kay Hesus at sa Kanyang nalalapit na pagbabalik, ang ating mga pinahahalagahan ay magsisimulang magbago, ang ating atensyon ay lilipad, at sa lalong madaling panahon tayo ay namumuhay na tulad ng mundo at namumunga ng kakaunti para sa kaharian ng Diyos (1 Timoteo 6:18–19). Binalaan Niya tayo na dapat tayong maging handa sa anumang sandali na tumayo sa harapan Niya at magbigay-sulit sa ating buhay (Roma 14:12; 1 Pedro 4:5; Mateo 12:36).
Mananatili lamang tayong tapat sa Diyos kapag tayo ay tapat sa pananalangin. Sa panalangin, patuloy nating hinahayaan ang Diyos na patawarin tayo, linisin tayo, turuan tayo, at palakasin tayo para sumunod sa Kanya (Juan 14:14). Upang manatiling mapagbantay, dapat tayong manalangin para sa pagtitiis at paglaya mula sa mga walang kabuluhang bagay na umaagaw sa ating atensyon (Hebreo 12:2; Lukas 18:1; Efeso 6:18). Dapat tayong manalangin ng walang humpay (1 Tesalonica 5:17). Kapag tayo ay namumuhay ng may pananabik sa pagbabalik ng Panginoon at inaasahan ang pag-uusig hanggang doon (2 Timoteo 3:12; Mateo 24:9; 1 Pedro 4:12), mas malamang na mapapanatili nating dalisay ang ating buhay at handa ang ating mga puso sa pagsalubong sa kanya.
English
Ano ang kahulugan ng magbantay at manalangin?