settings icon
share icon
Tanong

Paano ako magbubulay-bulay ng Salita ng Diyos?

Sagot


Ang espiritwal na pagsasanay ng meditasyon ay hindi kakaiba sa Kristiyanismo. Maraming hindi Kristyanong relihiyon at grupong sekular ang nagsasanay ng meditasyon o pagbubulay-bulay. Gayunman, kung ang Bibliya ang tumutukoy sa meditasyon gaya ng lagi nitong sinasabi, hindi ito ang uri ng meditasyon na naglalayon na mawala sa sarili, manahimik o humiwalay sa katawan gaya ng uri ng meditasyong transcendental o sa uri ng meditasyon ng mga Buddhist. Itinuturo ng Kasulatan na ang meditasyon ay hindi pagkawala sa sarili, sa halip ay ginagamit ang isip para maunawaan ang Salita ng Diyos at maisapamuhay ito. Paano tayo magbubulay-bulay ng Salita ng Diyos para makapamunga ng mabubuting gawa at maging banal sa harapan ng Diyos?

Sa sinaunang mundo ng mga Hebreo, laging ang pagbubulay-bulay ay paggamit at pagsasanay ng isipan. Inilaan ni Thomas Watson, isang pastor na Puritan noong ika-17 siglo ang kanyang buhay sa pagbubulay-bulay sa Bibliya sa tamang paraan na itinuturo at isinasapamuhay ang mga katuruan ng Bibliya. Akma niyang binigyan ng kahulugan ang disiplinang ito sa kanyang aklat na Heaven Taken by Storm bilang “isang banal na pagsasanay ng isipan, kung saan inaalala ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos at seryosong pinagiisipan ang mga iyon at inilalapat sa ating mga buhay.”

Sa pakahulugan ni Watson, makakapagbulay-bulay tayo sa Salita ng Diyos sa pagalaala sa mga katotohanan nito. Ang pagaalaala ay nangangailangan ng aktibo at may kamalayang paggunita sa ating nalalaman tungkol sa Diyos mula sa Kanyang mga salita: “Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay, magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw” (Awit 63:6). Ayon sa Awit 1:2, ang isang pinagpala, mabunga, at isang taong matuwid ay nalulugod sa Salita ng Diyos “at nagbubulay-bulay sa Kanyang kautusan araw gabi.” Ang pagbubulay-bulay na ito ay palagian (“araw-gabi”) at nakatuon sa banal na Salita ng Diyos (“sa Kanyang Kautusan”). Nagbubulay bulay tayo sa Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpuno nito sa ating mga isipan araw at gabi.

Tinawag ng Diyos si Josue sa isang masigla at nagpapatuloy na pagbubulay-bulay: “Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, kundi iyong pagbubulayan araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito: sapagka't kung magkagayo'y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at kung magkagayo'y magtatamo ka ng mabuting kawakasan” (Josue 1:8). Dito, ang biblikal na meditasyon ay lumalawak mula sa pagiisip hanggang sa pagsasalita (“sa iyong bibig”). Sinasabi din sa talata ang layunin ng meditasyon o pagbubulay-bulay na walang iba kundi ang pagsunod sa Salita ng Diyos na nagdudulot ng kasaganaan at tagumpay sa harapan ng Diyos.

Kabilang sa paglalarawan ni Watson sa meditasyon ang seryosong pagmumuni-muno o pagiisip sa katotohanan ng Diyos. Sinasabi sa Awit 119:15, “Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo, at igagalang ang mga daan mo.” Kaya nga ang Biblikal na pagbubulay-bulay ay kinapapalooban ng malalim na pagmumuni-muni at pagaaral ng Salita ng Diyos. Sa tuwing binabasa natin ang Bibliya, binabasa ba natin ito ng marahan at intensyonal? Iniisip ba natin ang tungkol sa kahalagahan ng mga salita dito at kung ano ang kanilang kaugnayan sa ating mga buhay at sa buhay ng iba? Kung gayon, pinagbubulay-bulayan natin ang Salita ng Diyos.

Kinakailangan sa meditasyon o pagbubulay-bulay ang panahon at pagsisikap. Hindi ito dapat na minamadali. Kinapapalooban ito ng paglayo sa mga kaabalahan ng buhay na ito para maituon natin ang ating mga isipan sa Diyos at sa Kanyang mga salita. Sa pagpatay sa ingay ng mundong ito, mas maitutuon natin ang ating atensyon sa Diyos at mauunawaan ang Kanyang mga pamamaraan: “Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo, sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo” (Awit 119:99).

Sa huli, binigyang pansin ni Watson na ang Biblikal na meditasyon o pagbubulay-bulay ay may kalakip na pagsasapamuhay ng Salita ng Diyos. Inilalarawan sa Awit 119:14 ang katotohanang ito: “Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,

gaya ng lahat ng kayamanan.” Ang pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos ay nagiging kalugod-lugod sa paningin ng Diyos dahil nagreresulta ito sa pagbabago ng ating mga buhay. Habang binabasa natin at sinasambit ang Salita ng Diyos at aktibong pinagbubulayan ito, binibigyan tayo ng Banal na Espiritu ng kalakasan para isapamuhay ang mga katotohanan nito sa ating mga buhay. Sa Filipos 4:8–9, binibigyan tayo ni apostol Pablo ng isang maganda at kumpletong larawan ng Biblikal na meditasyon: “Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na kapuri-puri, kung mayroong anumang kagalingan, at kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito. Ang mga bagay na inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.”

Ang pagbubulay-bulay ay isang paraan para maisapuso ang Salita ng Diyos—sa kaibuturan nito—upang magamit ito ng Banal na Espiritu para tayo gabayan, turuan, pabanalin at baguhin mula sa panloob. Maaari nating pakinggan ang Bibliya, basahin ito, at sauluhin ito para pumasok sa ating mga isip at patuloy nating namnamin ito sa ating mga puso upang mas maging malalim ang ating pangunawa at mailapat ito sa ating mga buhay.

Narito ang apat na praktikal na payo para sa pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos:

1. Pumili ng isang partikular na oras at lugar sa bawat araw kung kailan mas malamang na hindi ka magagambala o maabala para mapagisa at magbulay sa Salita ng Diyos.

2. Magumpisa sa panalangin at hilingin sa Diyos na tulungan ka sa iyong pagbubulay. Maaari mong hilingin sa Diyos na ilapit ka Niya sa Kanya at buksan Niya ang iyong mga mata sa katotohanan, tulungan ka na maisapamuhay ang katotohanan sa iyong buhay, at baguhin ka habang nagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos.

3. Pumili ng isang maiksing bahagi ng Kasulatan, at isipin kung ano ang kahulugan ng mga talata. Magaral ng malalim para iyong maunawaan ang konteksto nito. Maglista ng mga bagay na iyong naoobserbahan sa mga talata. Magtanong. Sauluhin ang mga talata. Hilingin sa Diyos na ipaunawa sa iyo kung ano ang nais Niyang sabihin sa iyo sa pamamagitan ng teksto.

4. Isaalang-alang kung paano mo isasapamuhay ang mga talata sa iyong buhay sa mga praktikal na pamamaraan at hilingin sa Diyos na tulungan ka Niyang sundin ang ipinahayag Niya sa iyo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako magbubulay-bulay ng Salita ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries