settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng maging tao?

Sagot


Ginawa ng Diyos ang mga tao na kakaiba kaysa sa lahat ng ibang nilikha. Ang mga tao ay may pisikal na katawan, at mga espiritwal na sangkap: isang kaluluwa at/o isang espiritu. Bahagi ng imateryal na sangkap ang pagkakaroon ng talino, emosyon at kalooban. Ang mga tao ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:27). Ang mga tao ay kakaiba sa mga anghel na walang pisikal na katawan, at sa mga hayop na walang wangis ng Diyos.

May iba’t ibang pananaw na hindi ayon sa Bibliya kung ano ang kahulugan ng maging isang tao. Halimbawa, itinuturo ng klasikal na gnostisismo na ang sangkatauhan ay pangunahing isang purong espiritwal na entitad na nakabilanggo sa isang makasalanan at nabubulok na katawan. Ang ibang pananaw gaya ng naturalismo ay nakikita ang sangkatauhan bilang isang mabangis at kumplikadong pisikal na gaya sa isang makina na walang espiritu – ang anumang pakiramdam, pagiisip, o inspirasyon na ating nararanasan ay resulta lamang ng kemikal na reaksyon sa loob ng ating mga utak. Wala sa mga pananaw na ito ang sinusuportahan ng Bibliya.

Ang maging tao ay nangangahulugan na magdala ng wangis ng Diyos. Hindi tayo Diyos ngunit sinasalamin natin ang pagkadiyos ng Diyos. Ang Diyos ay may talino, emosyon, at kalooban. Bilang mga taong nagtataglay ng wangis ng Diyos, mayroon din tayong talino, emosyon, at kalooban. Tayo ay malikhain, tumutuklas, gumagawa, naghahalo, gumagawa ng musika, at lumilikha ng lahat ng uri ng likhang-sining. Nagtataglay tayo ng kaloob ng wika, nakikipagpalitan ng kaisipan sa iba, natututo ng libu-libong mga salita, at lumilikha ng mga bagong salita kung kailangan natin ang mga iyon. Tayo ay may pagnanais na pangalanan at uriin ang mga hayop gaya ng ginawa ng ating ninunong si Adan (Genesis 2:19– 20). Dahil nilikha tayo sa wangis ng Diyos, mayroon tayong dignidad at likas na halaga.

Ang maging tao ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng layunin. Sinabi ng Diyos na ang Kanyang gawain na ipinagagawa kina Adan at Eba ay “magpakarami at punuin ng mga anak ang buong daigdig, at mamahala nito. Binibigyan Niya sila ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa” (Genesis 1:28). Ginaganap pa rin natin ang layuning ito sa tuwing inaalagaan natin ang mga hayop, ginagamit ang mga likas na yaman, hinuhubog ang kalikasan, at nabubuhay kahit sa pinakamahirap na mga kapaligiran. Pero hindi lamang tayo mga tagapangalaga ng planetang ito. Kabilang sa ating layunin ang pagkilala sa Diyos at pagkakaroon ng relasyon sa Kanya. Ang ating pinakamataas na layunin ay luwalhatiin ang Diyos: “Sapagkat sa pamamagitan niya (ng Anak) ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa...” (Colosas 1:16).

Ang maging tao ay magkaroon ng mga pangangailangan. Ang Diyos lamang ang sapat sa Kanyang sarili. Mayroon tayong mga pangangailangan ng katawan, kaluluwa at espiritu. Tumatanggap ang ating mga katawan ng pagkain, inumin, at pahinga para tayo mabuhay. Ang ating mga kaluluwa ay dapat na magkaroon ng pakikisama sa iba, mga pinaguukulan ng ating paglikha, at panahon ng pagpapasigla sa ating isip, emosyon at katawan para manatiling malusog. Dapat na pakainin natin ang ating mga espiritu ng Salita ng Diyos at magkaroon ng relasyon kay Cristo (Lukas 4:4; Juan 6:35). Ang sinumang tinatanggihan ang kanyang mga pangangailangan sa alinman sa aspetong ito ng buhay ay tumatangging kilalanin ang mga bahagi ng kanyang pagiging tao.

Ang maging tao ay nangangahulugan na maging responsable sa moralidad. Mayrooon tayong kakayahan na kumilala ng mabuti at masama. Ang ating ninunong si Adan ay may malayang pagpapasya at pinapanagot para sa kanyang desisyong moral na sumunod o sumuway sa kanyang Manlilikha; sa kasamaang palad, pinili niyang sumuway sa Diyos (Genesis 2:16–17). Ang buong sangkatauhan ay nakikibahagi sa parehong moral na responsibilidad at lahat tayo ay nasa parehong moral na pangangailangan na sumunod sa Diyos. “Ang nagkasala ang dapat mamatay. Ang anak ay di dapat magdusa dahil sa kasalanan ng ama, at ang ama ay di dapat magdusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pagiging matuwid at ang masama ay mamamatay sa kanyang kasamaan” (Ezekiel 18:20).

Ang maging tao ay nangangahulugan na maging makasalanan, sa yugtong ito ng panahon. Sa kasamaang palad, lahat tayo ay makasalanan (Roma 3:23; 5:12). Sinuway natin ang mga Kautusan ng Diyos at piniling lumakad sa ating sariling mga daan (Isaias 53:6; 1 Juan 3:4). Ang ating kasalanan ang naghihiwalay sa atin sa ating Manlilikha at naging dahilan para tayo mamatay sa espiritwal (Efeso 2:1–10). Tayo ay naalipin ng kasalanan, walang kakayahang palayain ang ating sarili mula sa kaguluhang dala ng kasalanan (Roma 6:23). Kung walang mamamagitan, tayo ay isinumpa sa isang walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos (Juan 3:16–18). Sa kapurihan at kaluwalhatian ng Diyos, hindi tayo dapat manatili sa kundisyong ito. May katubusan kay Cristo Jesus. Dahil sa paghahandog ni Jesus sa krus, maaaring mapatawad ang ating mga kasalanan, at maibalik ang ating relasyon sa Diyos (Juan 3:16–18; Efeso 2:8–9). Ang maging tao ay nangangahulugan na ibigin ng Diyos at mabigyan ng pagkakataon na maging mga anak ng Diyos (Juan 1:12; 3:16).

Sinasabi ng Bibliya na ang Anak ng Diyos ay nagkatawang tao at naging Anak din ng Tao. Nagmula si Jesu Cristo sa langit, nabuhay ng isang banal na buhay, namatay sa krus bilang isang handog para sa ating kasalanan, at pagkatapos ay nabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Ang sinumang naglalagak ng kanyang pananampalataya kay Cristo ay binibigyan Niya ng Kanyang katuwiran (2 Corinto 5:21). Tayo ay ginawa Niyang bago (2 Corinto 5:17), at nananahan sa atin ang Banal na Espiritu (Efeso 1:13–14). Ang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Cristo ang nagiisang pag-asa ng sangkatauhan.

Sa huli, ang maging tao ay hindi sapat. Nadungisan ng kasalanan ang sangkatauhan at lahat tayo ay tiyak na haharap sa paghatol ng Diyos. Tanging ang mga tinubos lamang ang makakakita sa Diyos at mabubuhay na kasama Niya magpakailanman. Tanging ang mga na kay Cristo lamang ang makakaranas ng kalayaan mula sa kabulukan at ng pagpahid ng Diyos sa bawat luha sa kanilang mga mata, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ipanganak na muli ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos” (Juan 3:3).

English





Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng maging tao?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries