settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa magkahalong pamilya ng mga Kristiyano?

Sagot


Nagiging pangkaraniwan na lamang ngayon ang magkahalong pamilya ng mga Kristiyano. May napakataas na pagpapahalaga ang Diyos sa pamilya at sa pagmamalasakit at pagaaruga sa isa't isa. Dapat na pamahalaan ng mga lalaki ang kanilang sariling pamilya at palakihin ang kanilang mga anak ng may paggalang sa kanila (1 Timoteo 3:4). Dapat na turuan naman ng isang babae ang ibang babae kung ano ang mabuti, maging mahinhin at kagalang-galang sa lahat ng aspeto at nagpapasakop sa asawa at hinuhubog ang mga nakababatang babae sa pag-ibig sa kanilang mga asawa at mga anak (Tito 2:3-5). Napakahalaga ng pagaaruga sa ating mga kamag-anak lalo na sa ating mga kasambahay (1 Timoteo 5:8). Dapat na maging masunurin ang mga anak at igalang ang kanilang mga magulang hangga't hindi sila pinagagawa ng kanilang mga magulang ng anumang bagay na laban sa kalooban ng Diyos (Efeso 6:1-3). Kung malaki na ang mga anak, responsibilidad nila na alagaan ang kanilang mga magulang sa kanilang katandaan (1 Timoteo 5:4). Mailalapat ang mga prinsipyong ito sa lahat ng pamilya, magkakahalo man o hindi.

Ang ating relasyon sa Diyos ang tanging relasyon na dapat nating unahin higit sa ating relasyon sa ating mga kapamilya. Kung ang Diyos ang sentro ng ating relasyon sa ating asawa, awtomatikong Siya ang nagiging sentro ng isang pamilya. Pinagsama ng Diyos sina Adan at Eba bilang unang magasawa. Nilikha Niya si Eba mula sa tadyang ni Adan na nagpapakita sa atin kung paanong iiwanan ng lalaki at babae ang kanilang mga magulang at magsasama habang buhay at hindi mapaghihiwalay (Genesis 2:24; Mateo 19:5) hanggang kamatayan. Mas malakas ang mga magulang, mas magiging malakas ang bawat miyembro ng pamilya.

Kung magsasama ang dalawang pamilya (pamilya ng lalaki at pamilya ng babae) sa iisang bubong at lumikha ng isang magkahalong pamilya, nagmula sila sa isang tahanan na may magkaibang alituntunin, magkaibang tradisyon, at magkaibang pananaw at pagharap sa mga bagay bagay. Napakahalaga na tulungan ang mga bata sa pagdaan sa napakalaking pagbabagong ito na kanilang mararanasan sa paglipat mula sa isang pamilya patungo sa isa pang pamilya. Ang kooperasyon, katiyagaan at komunikasyon sa isa't isa ang susi sa tagumpay. Dapat na maramdaman ng mga bata na tinatanggap sila at minamahal ng mga magulang at ng mga lolo/lola at ng ama-amahan o ina-inahan. Dapat na makagawa ng mga alituntunin sa pagdidisiplina sa mga bata na na sinasang-ayunan ng mga miyembro ng pamilya.

Kung may ama-amahan o ina-inahan, laging nagkakaroon ng paghahati ng oras kung kailan dadalawin ang mga bata sa kustodiya ng dating asawa (sa mga bansang may diborsyo). Subukang panatilihin ang magandang relasyon sa isa't isa at kung posible, magkaroon ng parehong pamantayan tungkol sa pagdidisiplina/pagpapagawa ng mga gawaing bahay/mga alituntunin sa dalawang tahanan. Gawing pamilyar ang mga bata sa mga pagbabago. Dapat tayong laging magtulungan sa isa't isa; gaya ni Jesus na umasa sa Kanyang ama-amahang si Jose para sa pangangalaga nito (Mateo 26:38) at sa Kanyang pangangailangan ng pribadong oras para sa Kanyang espiritwalidad. Sa isang pamilya, dapat na lagi tayong nagpapaalala at nagpapalakas ng loob ng isa't isa. Dapat tayong maging mabubuting halimbawa sa kabanalan at maging modelo sa pagtupad sa ating mga pangako at sa pagsunod sa kalooban ng Panginoon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa magkahalong pamilya ng mga Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries