Tanong
Mali ba para sa mag-asawa na magkaroon ng magkahiwalay na bank accounts?
Sagot
Sa iba't ibang dahilan, nais ng mag-asawa na magkaroon ng magkahiwalay na bank accounts. Ang pera ang pangunahing sanhi ng mga problema sa pag-aasawa at dahil ang isyu ng pananalapi ang pinakakaraniwang pinagmumulan ng mga pagtatalo sa pag-aasawa, makabubuti para sa mga magkasintahan na maglaan ng oras upang magdesisyon kung paano aayusin ang bagay na ito bago magpakasal. Malinaw na nagpapahayag ang Bibliya tungkol sa pagsasama ng lalake at babae (Genesis 2:24; Mateo 19:5; Efeso 5:25-33), at ipinapakita ng mga talatang ito na ang dalawa’y magiging isang entitad, mamumuno ang lalake sa espiritwal at ang babae bilang kanyang tagasunod. Ito ang prinsipyong dapat gamitin sa usapin ng pananalapi sa lahat ng aspeto at sa pagkakaroon ng magkahiwalay na bank accounts.
Ang mag-asawang tunay na "isa" ay magiging iisa sa lahat ng aspeto ng kanilang pag-aasawa. Ang pinakamahalaga sa lahat, sila’y magkakasundo sa kaisipan pagdating sa mga espiritwal na bagay. Ngunit ang pagkakaisa sa espiritu ay dapat ding makita sa mga pansamantalang bagay, kung saan ang mag-asawa ay muling nagkakaisa sa isipan at puso. Ibig sabihin, ang pera at ari-arian ay pantay na tinitingnan bilang pagmamay-ari ng magasawa. Walang dapat pagkakaiba sa pagitan ng "pera ko at pera mo."
Lahat ay pantay na ibinabahagi sa isang tunay na pagsasama at walang pagsasamang mas pantay pa kaysa sa dalawang taong nagkakaisa kay Kristo. Samakatuwid, talagang walang dahilan para magkaroon ng magkahiwalay na bank accounts. Karaniwan, nangyayari ang sitwasyon ng magkahiwalay na bank accounts kapag may matinding isyu sa pagtitiwala, at sa ganitong kaso, mas malalaki ang problema sa pag-aasawa kaysa sa kung saan nakalaan ang kanilang pera. Ang kawalan ng tiwala ay nakamamatay sa isang pagsasama, at kung ito ay umiiral, mahalaga ang panalangin upang humingi ng karunungan mula sa Panginoon (Santiago 1:5) kung paano ito lulutasin.
Sinasabi ng Bibliya na dapat tayong magkaroon ng pagkakaisa bilang mag-asawa, upang maipakita ito sa harap ng ating mga anak, mga kaibigan, simbahan, at sa buong mundo. Kung walang alitan tungkol sa pera, doon nagkakaroon ng pagkakataon upang mas lumago ang pagmamahalan at ang pinakamahalaga sa lahat ang pagtitiwala upang magsama ang buong pamilya para sa layunin ng Diyos.
English
Mali ba para sa mag-asawa na magkaroon ng magkahiwalay na bank accounts?