settings icon
share icon
Tanong

Bakit sinabi ng Diyos, "Magkaroon ng liwanag" sa Kanyang paglikha?

Sagot


Sa unang araw ng paglikha, sinabi ng Diyos,"Magkaroon ng liwanag" (Genesis 1:3), at lumitaw nga ang liwanag bilang isang bagay na nakahiwalay sa kadiliman. Ang salitang "Magkaroon ng liwanag" ay salin mula sa salitang Hebreo na 'yehi ˈo, na isinalin sa salitang Latin na "fiat lux." Ang literal na salin ay salitang pautos na gaya ng "Liwanag, lumitaw ka." Nagsalita ang Diyos sa kawalan at inutusan na lumitaw ang liwanag. Sinasabi sa atin ng Bibliya na nilikha ng Diyos ang mga langit at lupa at ang lahat ng bagay na umiiral ay lumitaw sa simpleng paguutos Niya na lumitaw ang mga iyon (Genesis 1). Ang Kanyang personalidad, kapangyarihan, pagiging malikhain at kagandahan ay ipinahayag sa paglikha kung paanong ang personalidad at personal na mga katangian ng isang artista ay kanyang naipapahayag sa pamamagitan ng sining o musika. Ang ideya ng liwanag, na unang umiral sa isipan ng Diyos ay Kanyang binigyan ng anyo sa pamamagitan ng mga salitang "Magkaroon ng liwanag" o "Liwanag, lumitaw ka."

Ang realidad ng malikhaing kapangyarihan ng tinig ng Diyos ay may espiritwal na implikasyon na lampas pa sa mismong kwento ng paglikha. Laging ginagamit na simbolo ang liwanag sa Bibliya. Ang iluminasyon ("pagpapaunawa ng Diyos ng katotohanan sa puso ng tao") ay may kinalaman sa pagdadala ng mga bagay sa liwanag. Ang espiritwal na iluminasyon ay isang uri ng "paglikha" na nagaganap sa puso ng tao. "Yamang ang Dios, ang nagsabi, Magniningning ang ilaw sa kadiliman, na siyang nagningning sa aming mga puso, upang magbigay ng liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Dios sa mukha ni Jesucristo." (2 Corinto 4:6). Si Jesus mismo ang "liwanag ng sanlibutan" (Juan 8:12).

Nang sabihin ng Diyos, "Magkaroon ng liwanag," sa paglikha at ng lumabas ang liwanag, ipinakita nito ang ganap na kontrol at kapangyarihan ng Diyos. Ang pisikal na liwanag na nilikha ng Diyos sa unang araw ng paglikha ay isang kahanga-hangang paglalarawan ng Kanyang ginagawa sa bawat pusong nagtitiwala kay Kristo, ang tunay na Liwanag. Hindi na kailangan pang lumakad sa kadiliman ng kasalanan at kamatayan; kay Kristo, "hindi na tayo lalakad sa kadiliman sa halip, magkakaroon tayo ng ilaw ng buhay" (Juan 8:12).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit sinabi ng Diyos, "Magkaroon ng liwanag" sa Kanyang paglikha?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries