settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na darating si Hesus gaya ng isang magnanakaw sa gabi?

Sagot


Ang konsepto ng pagbalik ni Hesus na gaya ng isang magnanakaw sa gabi ay nagmula sa Mateo 24:43: "Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya'y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay." Ang esensyal na elemento sa babalang ito ni Hesus ay walang sinuman ang nakakaalam ng Kanyang pagbabalik at nararapat na tayo ay laging handa at nagbabantay sa Kanyang nalalapit na pagbabalik. Nagbabala si Hesus na dapat tayong laging handa dahil walang nakaaalam ng araw o oras ng kanyang muling pagparito kundi ang Ama lamang (Mateo 24:36-44).

Ang kaganapang ito ay nakilala bilang rapture o pagdagit sa mga mananampalataya. Ang salitang rapture ay hindi makikita saanman sa Bibliya, ngunit ito ang tamang paglalarawan sa mangyayari. Ang salitang Griyegong ginamit para dito ay ‘harpazo’ (‘dagitin,’ ‘agawin’), na makikita sa 1 Tesalonica 4:16-17: "Sa araw na yaon, kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trompeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Cristo. Pagkatapos, tayong mga buhay pa ay titipunin niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. Sa gayo'y makakapiling niya tayo magpakailanman."

Ang pangyayaring ito na magaganap ng biglaan ay inilarawan sa 1 Corinto 15:51-54: "sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling tunog ng trompeta." Walang magiging babala sa pagdating na ito ni Kristo, gaya ng isang magnanakaw sa gabi na dumarating ng walang paalam. Kaya nga sinasabi sa atin sa Mateo 24:44 na, "maging handa tayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di natin inaasahan."

Para sa mga Kristiyano, ang rapture ay isang kasiya-siyang pangyayari, ngunit para sa mga hindi mananampalataya, ito ay isang panahon ng Dakilang Kapighatian. Isipin na lamang na maiiwan ang isang tao habang milyon-milyong mga Kristiyano sa buong mundo ang biglang maglalaho ng walang paliwanag. Sapat na ang babala sa atin ng Bibliya at ang patotoo mismo ng Anak ng Diyos upang maghanda. Dapat na lagi tayong gising at laging nabibihisan ng baluti ng Diyos (Efeso 6:13-18). Gumagala ang diyablo at naghahanap ng mga Kristiyanong masisila. Huwag tayong padaya sa kasabihan na nakatuon lamang ang pansin ng diyablo sa mga hindi mananampalataya. Pagaari na sila ng diyablo at walang dahilan upang gambalain pa sila ng demonyo malibang mabuhay din sila sa espiritu. Ang mga Kristiyano ang pinagtutuunan ng pansin ng diyablo. Tayo ang kanyang ninanais na dungisan at sirain at ito ang dahilan kung bakit nararapat tayong laging magbantay at maging handa sa oras ng pagbabalik ng ating Panginoong Hesu Kristo. Nasa atin din ang Banal na Espiritu na siyang nagtuturo at gumagabay sa atin. Mayroon tayo ng lahat na ating kinakailangan upang makapamuhay ayon sa kalooban ng Diyos at sa Kanyang mga Salita. Kaya nga walang dahilan upang hindi tayo makapaghanda.

Nagpapasalamat tayo sa Diyos na inibig Niya tayo ng sapat at binigyan ng ‘Daan’ upang matakasan ang hatol ng Diyos. Ang ‘Daang’ ito ay si Hesu Kristo. Sa paglalagak ng ating pananampalataya kay Hesus na ating Panginoon at Tagapagligtas, binigyan Niya tayo ng kapatawaran mula sa ating mga kasalanan, kahabagan at pangako para sa buhay na walang hanggan (Juan 3:16; Efeso 2:8-9). Ang ating kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo ang tanging paraan upang maging handa tayo at makapagsaya sa Kanyang pagbabalik.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na darating si Hesus gaya ng isang magnanakaw sa gabi?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries