Tanong
Ano ang ibig sabhin ng Diyos ng Kanyang sabihin kay Adan at Eba na magpakarami at punuin ang digdig?
Sagot
Tinapos na ng Diyos ang paglikha at sinabihan Niya ang Kanyang obra maestra, ang pinakaunang lalaki at babae na magpakarami at punuin ang daigdig (Genesis 1:28). Tapos na ang paglikha sa mundo ng may araw at gabi, kapanahunan at mga taon, mga halaman at mga hayop, at may unang mga tao, sina Adan at Eba; pagkatapos, sinimulan ng Diyos ang Kanyang plano na punuin ng tao ang mundong Kanyang ginawa (Isaias 45:18). Ang mundo ang mana nina Adan at Eba na kanilang pupunuin at gaya ng sinabi sa pasimula ng Genesis 1:28, isang pagpapalang mula sa Diyos para kina Adan at Eba ang pagkakaroon ng mga anak at ng itinakdang gawain sa mundo. Isinulat ng komentaristang si Matthew Henry, "pinagpala ng Diyos ang unang magasawa ng napakaraming mga anak na mahaba ang buhay, upang masiyahan sila sa kanilang mana… at dapat nilang punuin ang mundo hanggang sa pinakamalayong panig nito at magpatuloy hanggang sa katapusan ng panahong itinakda ng Diyos."
Sa simpleng pakahulugan, nais ng Diyos para kina Adan at Eba na magkaroon ng maraming mga anak at magkaroon din ng maraming anak ang kanilang mga anak. Ngunit ang pagiging mabunga ay higit pa sa pakahulugang ito. Hindi lamang nais ng Diyos na magkaroon ng maraming mga anak at magkaroon din ng maraming anak ang kanilang mga anak. Sa natitirang bahagi ng Genesis 1:28, makikita natin ang kagamit-gamit at kanais nais na resulta: "at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa."
Ang pagpapala bang ito na ipinagkaloob kina Adan at Eba na magpakarami at punuin ang daigdig ay utos pa rin sa atin hanggang ngayon? May ilang literal na sinusunod ang utos na ito at tumatanggi sa lahat ng uri ng pagkontrol sa populasyon. Ngunit kung totoong utos ang Genesis 1:28 sa atin bilang mga indibidwal sa halip na isang pagpapala para sa sangkatauhan sa pangkalahatan, magkakaroon tayo ng mga problema, lalo na kung pagaaralan natin ang Bagong Tipan.
Una, lumakad si Jesus sa mundo sa loob ng 33 taon ng walang asawa at anak. Bilang isang Hudyo, ipinanganak at pinalaki si Jesus ayon sa mga Kautusan at kaugalian ng mga Hudyo (Galacia 4:4), at ng perpekto Niyang ginanap ang mga Kautusan ng Diyos (Mateo 5:17). Gayunman, hindi naging mabunga si Jesus sa pisikal o nagparami na nagpapahiwatig na hindi isang utos na dapat sundin ng bawat tao sa mundo ang Genesis 1:28. Bilang karagdagan, sinabi ni Jesus na ang hindi pagaasawa ay isang personal na desisyon, at hindi niya itinuring na kasalanan o pinuri man ang hindi pagkakaroon ng asawa at mga anak o itinuring ito na higit na mataas kaysa sa pagaasawa at pagkakaroon ng mga anak (Mateo 19:12).
Ikalawa, pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na higit na mainam para sa kanila na manatiling walang asawa kaysa sa magasawa (1 Corinto 7:38) upang higit nilang maituon ang pansin sa paglilingkod sa Diyos (mga tatalatang 32–35). Sinang-ayunan ni Pablo na hindi masama ang magkaroon ng asawa, ngunit iginiit niya na mas mainam ang hindi magasawa sa ilang mga pagkakataon. Sa inspirasyon ng Banal na Espiritu, hindi tayo papayuhan ni Pablo laban sa pagpaparami at panganganak na gaya ng isang direktang utos mula sa Diyos.
Panghuli, kung ang pagpaparami at pagkakaroon ng mga anak ay isang utos para sa lahat ng tao, magkakaroon tayo ng problema sa mga pagkakataon kung kailan isa sa magasawa ay baog at walang kakayahang magkaanak. Habang sinasabi sa Bibliya na ang mga anak ay pagpapala mula sa Panginoon (Awit 127:3–5), hndi naman makikita saanman sa Kasulatan na isinusumpa ng Diyos o itinuturing na kasalanan ang kawalan ng kakayahang magkaanak.
Maaari tayong mabuhay ng kalugod-lugod sa Diyos at makaluwalhati sa Kanyang pangalan may anak man tayo o wala. Tunay ma maaari tayong maging mabunga sa espiritwal at maging instrumento sa pagpaparami ng mga mamamayan sa Kaharian ng Diyos kung susundin natin ang utos ni Jesus na "humayo at gawing alagad ang lahat ng mga bansa" (Mateo 28:19).
English
Ano ang ibig sabhin ng Diyos ng Kanyang sabihin kay Adan at Eba na magpakarami at punuin ang digdig?