settings icon
share icon
Tanong

Masama ba ang magtanong sa Diyos?

video
Sagot


Hindi isyu ang magtanong sa Diyos kung hindi sa paanong paraan at sa anong dahilan nagtatanong ang tao sa Diyos. Nagtanong sa Diyos si Propeta Habakuk tungkol sa panahon at paraan ng pagsasakatuparan ng Kanyang plano. Sa halip na sawayin ng Diyos si Habakuk dahil sa kanyang pagtatanong, magiliw siyang sinagot ng Diyos at tinapos ni Habakuk ang kanyang aklat sa pamamagitan ng isang awit ng papuri sa Panginoon. Maraming tao ang nagtanong sa Panginoon sa Aklat ng mga Awit (Mga Awit 10, 44, 74, 77). Ito ang mga karaingan ng mga dumaranas ng paguusig at masidhi ang pangangailangan sa pagliligtas at pagkilos ng Diyos. Kahit na hindi sinasagot ng Diyos ang ating mga katanungan sa paraang gusto natin, ayon sa mga talatang ito, masasabi naming pinahihintulutan ng Diyos na magtanong ang tao kung tapat ang kanyang intensyon sa paghahanap ng kasagutan mula sa Diyos.



Ang mga tanong na pakunwari, sarkastiko at udyok ng kawalan ng pananampalataya ay hindi kinalulugdan ng Diyos. “At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap” (Hebreo 11:6). Pagkatapos na sumuway sa Diyos, hindi sinagot ng Diyos ang mga katanungan ni Saul (1 Samuel 28:6). Ang tapat na pagtatanong sa Diyos kung bakit Niya pinahihintulutan na mangyari ang mga bagay bagay sa ating mga buhay ay malaki ang pagkakaiba sa direktang pagkwestyun sa Kanyang kabutihan. Malaki ang pagkakaiba ng pagdududa sa pagkwestyun sa Kanyang kapangyarihan at Kanyang karapatan. Hindi nababahala ang Diyos sa ating mga pagtatanong. Inaanyayahan ka ng Diyos na magkaroon ng malapit na relasyon sa Kanya. Kung “tatanungin natin ang Diyos” dapat itong magmula sa isang mapagpakumbabang puso at bukas na isipan. Pwede tayong magtanong sa Diyos ngunit hindi tayo dapat aasa ng sagot kung hindi tayo totoong interesado doon. Alam ng Diyos ang laman ng ating mga puso at nalalaman Niya kung totoong naghahanap tayo ng kasagutan sa ating mga katanungan. Ang kundisyon ng ating puso ang sukatan kung tama o mali ang pagtatanong sa Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Masama ba ang magtanong sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries