settings icon
share icon
Tanong

Mayroon ba akong magagawa upang makatiyak na hahaba ang aking buhay?

Sagot


'Igalang mo ang iyong ama at ina' - ang unang utos na may kalakip na pangako - “Upang yumaon kang mabuti, at ikaw ay mabuhay na malaon sa lupa” (Efeso 6:3-4). Sa talatang ito, binabanggit ni Pablo ang isa sa Sampung Utos mula sa Exodo 20:12 partikular ang utos na: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.” Kumakatawan ito sa nagiisang pagkakataon na iniugnay ng Diyos ang mahabang buhay bilang gantimpala sa isang bagay na ating gagawin. Totoo ba ang pangakong ito ng pagkakaroon ng mahabang buhay kapalit ng paggalang sa mga magulang? Kung totoo ito, bakit sobrang pinahahalagahan ng Diyos ang paggalang sa mga magulang na ginagantimpalaan Niya ang susunod sa Kanyang utos na ito ng isang mahabang buhay?

Una, oo, totoo ang prinsipyong ito sa pangkalahatan. May mga taong iginalang ang kanilang mga magulang ngunit namatay din ng maaga. At may mga tao namang hindi iginalang ang kanilang mga magulang ngunit nabuhay ng matagal. Kaya nga, ang prinsipyong ito ay totoo sa pangkalahatan. Kung igagalang mo ang iyong mga magulang, sa pangkalahatan, gagantimpalaan ka ng Diyos ng isang mahabang buhay. Gayunman, hindi isinasantabi ng pangakong ito ang iba pa nating mga desisyon sa buhay na nakakaapekto sa haba ng ating buhay. Halimbawa, kung iginagalang nga ng isang tao ang kanyang mga magulang, ngunit nagdesisyo namang magpakamatay sa batang edad, hahadlangan ng kanyang pagpapakamatay ang gantimpala ng isang mahabang buhay. Ganito rin ang masasabi sa mga taong nakikilahok sa mga mapanganib na pampalipas oras at gawain. Hindi mahimalang ininiingatan ng Diyos ang isang taong gumagalang sa kanyang mga magulang mula sa mga malubhang kapinsalaan o kamatayan.

Muli, ang pangako ng isang mahabang buhay dahil sa paggalang sa mga magulang ay isang pangkalahatang prinsipyo hindi isang pangkalahatang katotohanan. Itinuturing ng Diyos na mahalaga ang paggalang ng isang bata o anak sa kanyang mga magulang na karaniwang ginagantimpalaan Niya sila ng mahabang buhay. Hinimok ni Solomon ang mga anak na igalang ang kanilang mga magulang (Kawikaan 1:8; 13:1; 30:17). Inilarawan sa Jeremias 35:18-19 kung paanong pinagpala ng Diyos ang mga Rekabita dahil sa kanilang pagsunod sa kanilang mga magulang. Ang pagiging masuwayin sa mga magulang ay katumbas ng paglaban sa Diyos (Roma 1:30; 2 Timoteo 3:2). Dadalhin tayo nito sa ikalawang puntos. Bakit lubhang pinahahalagahan ng Diyos ang paggalang sa magulang na anupat ginagantimpalaan Niya ang mga susunod sa utos na ito ng isang mahabang buhay?

May dalawang dahilan kung bakit binibigyan ng Diyos ng pagpapahalaga ang paggalang sa mga magulang. Una, ipinagkatiwala ng Diyos sa mga magulang ang responsibilidad ng pagpapalaki sa kanilang mga anak sa isang makadiyos na pamamaraan. Hindi madali ang gawain ng isang magulang. Ito ay nakakasugat sa damdamin, mahirap, mahal, at hindi laging napapahalagahan sa tuwina. Ang hindi pagkilala at pagpapasalamat ng isang anak sa mga sakripisyong ginagawa para sa kanya ng kanyang mga magulang ay tahasang paghamak sa posisyon ng awtoridad na ipinagkaloob ng Diyos sa mga magulang. Kahalintulad ito sa hindi pagpapasakop sa pamahalaan (Roma 13:1-7). Kung inilagay tayo ng Diyos sa ilalim ng ganitong kapamahalaan, ang paglaban sa mga nasa awtoridad ay paglaban din mismo sa Diyos.

Ang ikalawang dahilan sa pagnanais ng Diyos na igalang natin ang ating mga magulang ay dahil ang ating relasyon sa ating mga magulang dito sa lupa ay isang ilustrasyon ng ating relasyon sa ating Ama sa langit. Halimbawa, ikinukumpara sa Hebreo 12:5-11 ang pagdidisiplinang tinatanggap ng isang anak mula sa kanyang mga magulang sa disiplinang tinatanggap ng mga sumasampalataya kay Kristo mula sa Diyos. Kung paanong ang ating mga magulang sa lupa ang ating pinanggalingan, ang Diyos din ang lumikha sa atin. Mga anak tayo ng Diyos at mga anak ng ating mga magulang sa lupa. Ang pagalipusta sa ating mga magulang ay pagpilipit sa larawan ng ating nararapat na relasyon sa ating Ama sa langit.

Nais mo bang mabuhay ng matagal? Igalang mo ang iyong mga magulang. Bakit? Dahil inilagay ka ng Diyos sa ilalim ng kanilang kapamahalaan at gabay, at dahil ang iyong saloobin sa iyong mga magulang ay larawan ng iyong saloobin sa Diyos. Bagama’t hindi pangkalahatan ang gantimpalang ito - at bagama’t hindi nito pinipigilan ang masamang epekto ng ating mga maling desisyong ginagawa sa ating buhay - totoo pa rin ito sa pangkalahatan bilang isang prinsipyo. Kung nais mong magkaroon ng mahabang buhay, igalang mo muna ang nagbigay sa iyo ng iyong buhay. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon ba akong magagawa upang makatiyak na hahaba ang aking buhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries