settings icon
share icon
Tanong

Mahal ba ako ng Diyos?

Sagot


Ang katanungan kung mahal ba talaga ng Diyos ang bawat isa sa atin ay isang pangkaraniwang tanong. Sanhi na rin marahil ng nararamdaman at nararanasan nating limitado at may kundisyong pagmamahal mula sa mga taong nakapaligid sa atin, kaya't hindi natin madaling maunawaan na kaya tayong mahalin ng Diyos. Alam natin ang ating mga kamalian. Alam nating ang Diyos ay perpekto at walang kasalanan, habang tayo naman ay hindi ganun. Iyan marahil ang dahilan para isipin natin kung Bakit ang Diyos na walang hanggan at banal ay mag uukol ng pagmamahal sa ating mga makasalanan? Makikita sa dakilang katotohanan ng ebanghelyo na tayo ay mahal ng Diyos! Ang Banal na Kasulatan ay palaging nagpapaalala ng pag-ibig ng Diyos sa atin.

Ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos ayon sa kanyang sariling wangis at maingat Niya itong ginawa. "Pagkatapos, ginawa ng PANGINOONG Yahweh ang tao, mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay...Kaya't pinatulog ng PANGINOONG Yahweh ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. Ang tadyang na iyon ay ginawa niyang isang babae at dinala niya ito sa lalaki" (Genesis 2:7, 21-21). Makikita natin dito ang malalim na relasyon sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan. Nilikha ng Diyos ang lahat ng nilalang sa pamamagitan ng kanyang salita, samantalang nag ukol Siya ng panahon ng likhain Niya ang lalaki at babae. At ibinigay ng Diyos sa tao ang pamamahala sa buong daigdig (Genesis 1:28). Siya ay tuwirang nakipag-ugnayan kay Eba at Adan. Nang silay magkasala ay pinagtaguan nila ang Diyos ng marinig nilang Siya ay dumarating at "naglalakad sa hardin" (Genesis 3:8). Normal sa tao ang makipag-ugnayan at makipag-usap sa Diyos; ngunit abnormal sa kanya na pagtaguan niya ang Diyos.

Nasira ang kaugnayan ng tao sa Diyos ng siya ay magkasala. Ngunit ang pag-ibig niya ay hindi nagbago. Matapos ipahayag ng Diyos ang sumpa sa mag asawang nagkasala, makikita natin sa Banal na Kasulatan ang larawan ng Diyos na puspos ng pag-ibig. Siya ay kaagad na gumawa ng solusyon, "Ang mag asawa'y iginawa niya ng mga damit na yari sa balat ng hayop. Pagkatapos sinabi ng PANGINOONG Yahweh, "Katulad na natin ngayon ang tao, sapagkat alam na niya ang mabuti at masama. Baka pumitas siya at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay buhay at hindi na siya mamatay." Kaya pinalayas niya sa halamanan ng Eden ang tao upang magbungkal ng lupang kanyang pinagmulan (Genesis 3:21-23). Ang ginawa ng Diyos ay hindi paghihiganti o parusa; kundi ito ay proteksyon sa kanila. Dinamitan ng Diyos sina Eba at Adan upang ikubli ang kanilang kahihiyan. Pinalayas sila sa halamanan ng Eden upang ingatan sila mula sa tiyak na pinsala. Ang ginawa ng Diyos ay bunga ng kanyang pag-ibig. At ang planong pagpapanumbalik ay nagsimulang ihayag ng Diyos—isang panukalang ginawa Niya hindi pagkatapos magkasala ng tao, kundi bago pa likhain ang sanlibutan (1 Pedro 1:20). Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan na pinasya niyang likhain ito kahit na alam niya ang sakit na magiging dulot ng kanyang gagawing pagtubos sa atin.

Maraming talata sa Biblia ang naglalarawan ng pag-ibig ng Diyos at makikita natin ang kadalisayan nito sa Luma at Bagong Tipan. Mahusay na binigkas ni David at ng iba pang mangaawit ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Makikita ito sa Mga Awit 139. Ang mga Awit ni Solomon ay naglalarawan din ng Kanyang dakilang pag-ibig. At maging sa kasaysayan ng Israel ay makikita ang katibayan ng pag-ibig ng Diyos, sapagkat iniingatan Niya maging ang mga nalabi at nakikiusap Siya sa kanyang bayan na sumunod sa Kanya upang mabuhay. Makatarungan ang Diyos, ngunit Siya rin naman ay mahabagin. Siya ay mapagmahal, mapanibughuin sa kanyang bayan, at laging naghahangad na manumbalik ang kaugnayan nito sa kanya.

Kapag titingnan natin ang Lumang Tipan, aakalain natin na ang bayan o bansa lamang ang mahal ng Diyos at hindi ang indibidwal. Ngunit kung matatandaan natin, sina Ruth, Agar, David, Abraham, Moises, at Jeremias ay pawang mga indibidwal na sinamahan at inibig ng Diyos. At ang pag-ibig na ito ay higit na nahayag sa buhay ng Panginoong Jesus.

Inilagay ng Diyos ang kanyang sarili sa katawang tao upang tubusin tayo (tingnan ang Filipos 2:5-11). Dumating Siya sa ating mundo bilang sanggol, isinilang ng isang simpleng pamilya sa abang paraan (ginugol niya ang unang gabi sa mundo sa sabsaban). Si Jesus ay lumaki kagaya ng isang pangkaraniwang bata. Sa panahon ng kanyang ministeryo ay palagi niyang kapiling ang mga itinakwil o pinagkaitan ng lipunan. Humihinto Siya upang gamutin ang may sakit at pakinggan ang mga tao. Pinagpala niya ang mga bata at tinuruan niya tayo tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Nakatala sa Lucas 13:34 na si Jesus ay sumigaw, "Jerusalem, Jerusalem! pinatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinusugo sa iyo! Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak gaya ng pag aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo." Ito' y pangungusap ng puso ng Diyos na naghahangad na ang mga tao ay manumbalik sa kanya. Hinihintay tayo ng Diyos, hindi upang parusahan kundi upang ibigin.

Ang pinakadakilang paglalarawan ng pag-ibig ng Diyos marahil ay ang pagsinta ni Jesus nang Siya ay mapako sa krus. Ipinapaalala sa atin ni Pablo na, "Sapagkat noong tayo'y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa makasalanan. Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid, kahit may maaaring mangahas gumawa nito alang-alang sa isang taong mabuti. Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa" (Roma 5:6-8). Ang ginawa ni Jesus sa krus ay malinaw, at walang pagkakamaling kapahayagan ng pag-ibig. Walang kundisyon ang pag-ibig na ito dahil namatay si Cristo para sa atin noong tayo ay nasa malubhang kalagayan pa ng ating pagkakasala. "Noong una'y mga patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan...Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob" (Efeso 2:1, 4-5).

Naging posible ang buhay na ganap at kasiya-siya dahil sa kaligtasang ito. "Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. naparito ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos" (Juan 10:10). Hindi madamot ang Diyos. Nais pa nga niyang ipadama ng higit ang kanyang pag-ibig sa atin. "Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan" (Roma 8:1-2).

Alalahanin nating si Pablo ay dating kaaway ni Cristo. Maalab niyang inusig ang mga Kristiyano noon. Nabubuhay siya sa pagsunod sa kautusan sa halip na sa pagkaunawa sa pag-ibig ng Diyos. Marahil ay inakala ni Pablo na kahit na mapagmahal ang Diyos, hindi siya iibigin nito kung hindi niya susundin ang kautusan ni Moises. Ngunit, nasumpungan niya ang kagandahang loob at pag-ibig ng Diyos kay Cristo at ito ay kanyang tinanggap. Isa sa mga dakilang pahayag niya tungkol sa pag-ibig ng Diyos ay ito, "Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay sa atin ang lahat ng bagay?...Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? Ayon sa nasusulat, "Dahil po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay, turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay." Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y siguradong magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon" (Roma 8:31-32, 35-39).

Mahal ka ba ng Diyos? Ang simpleng sagot ay, "Oo." Mahal ka ng Diyos. Iyan ang katotohanan, kahit gaano pa kahirap paniwalaan.

Narito ang iba pang mga talata sa Biblia tungkol sa pag-ibig ng Diyos sa'yo:

1 Juan 4:8--"...Ang Diyos ay pag-ibig"

Efeso 5:1-2: "Dahil kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Mamuhay kayong puno ng pag-ibig tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pag-ibig sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos."

Efeso 5:25-27: "Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita. Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili bilang isang maluwalhating iglesya na walang anumang dungis ni kulubot man upang ito ay maging banal at walang kapintasan."

Juan 15:9-11: "Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. "Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon, malubos ang inyong kagalakan."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mahal ba ako ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries