Tanong
Ano ang ibig sabihin ng makadiyos na asawang babae?
Sagot
Upang malaman kung paano maging isang makadiyos na asawang babae dapat munang isaalang-alang kung ano ang ibig sabihin ng salitang "makadiyos." Sa 1 Timoteo 2: 2, ginamit ni Pablo ang salitang ito kaugnay ng pagiging "mapayapa," "tahimik," at "marangal." Sinasabi ng Bibliya na ang Espiritu, na nasa bawat mananampalataya ay nagbubunga ng nakikita at di-nakikitang mga gawa ng kabanalan, "kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kahinahunan, pagpipigil sa sarili "(Galacia 5: 22-23). Ang tiyak na kahulugan ng kabanalan ay "pagiging katulad ni Cristo." Kasama sa kabanalan ang isang tunay na pagsisikap na tularan si Kristo, upang maging katulad Niya sa pag-iisip at pagkilos tulad ng sinikap gawin ni apostol Pablo (1 Corinto 11:1). Ang mga katangiang ito ng isang makadiyos na disposisyon ay mailalapat sa bawat mananampalataya, lalaki man o babae. Sa kabutihang palad, ang Bibliya ay nagbibigay ng mas tiyak na mga paglalarawan kung ano ang isang makadiyos na babae — lalo na ng isang makadiyos na asawang babae.
Sa aklat ng Kawikaan, may isang magandang paglalarawan sa isang makadiyos na asawang babae. Ang mga katangian ng isang makadiyos na asawa ay hindi nagbago, kahit sa nagdaang libu-libong taon. Ang isang makadiyos na asawang babae ay ganap na pinagtitiwalaan ng kanyang asawa. Hindi niya kailangang magalala na matutukso siya ng ibang tao, labis na gamitin ang mga credit cards, o gugulin ang buong araw sa panonood ng mga opera. Alam niya na siya ay marangal, matalino, at mapagmahal (Kawikaan 31:11, 12, 25, 26). Magtitiwala siya sa kanyang suporta at tapat na pagmamahal dahil hindi siya mapaghiganti o kritikal. Ang kanyang asawa ay may mabuting reputasyon sa komunidad, at hindi siya kailanman nagsasalita ng masama sa tungkol sa kanya. Sa halip, siya ay palagi niyang itinataas sa iba ang kanyang asawa at nagbibigay sa kanya ng papuri. Pinananatili niya ang kaayusan ng kanyang sambahayan at lubos na iginagalang ang kanyang asawa (Kawikaan 31:12, 21, 23).
Ang isang makadiyos na asawa ay gumugugol ng mas kaunting oras sa harap ng salamin kaysa sa pagbabahagi ng kanyang mga kalakal sa mahihirap at nangangailangan dahil siya ay mabait at walang pag-iimbot (Kawikaan 31:20, 30). Ngunit hindi rin niya pinababayaan ang sarili; pinapanatili niyang malakas at malusog ang kanyang katawan at espiritu. Bagama't nagtatrabaho siya nang husto at gising sa mahabang oras, hindi siya nangangalumata; ipinagmamalasakit niya ang magagandang bagay upang mapahusay ang sarili at ang kanyang pamilya (Kawikaan 31:17, 21, 22).
Salungat sa pinaniniwalaan ng marami patungkol sa isang makabibliyang paglarawan sa isang makadiyos na asawang babae, ang Kawikaan 31 ay nagpapakita na siya ay masigasig at ambisyosa. Ang asawang babae sa Kawikaan 31 ay nagmamay-ari ng isang maliit na negosyo-siya ay gumagawa at nagbebenta ng mga damit. Malaya siyang nagpapasya para sa kanyang negosyo ganoon din kung ano ang kanyang gagawin niya sa kanyang kita (Mga Kawikaan 31:16, 24). Gayunpaman, ang kanyang kinikita ay hindi napupunta sa mga sapatos o bag, kundi sa pagbili ng lupain kung saan maaari siyang magtanim ng ubas — isang bagay na makikinabang ang kanyang buong pamilya.
Sa lahat ng kanyang mga pagsisikap, paglilingkod, at mabibigat na gawain, ang makadiyos na asawang babae ay nananatiling masaya. Nakikita niyang lahat ng ginagawa niya ay kapaki-pakinabang, at nakadarama siya ng kasiyahan (Mga Kawikaan 31:18). Ang isang makadiyos na asawa ay hindi nag-aalala tungkol sa kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap. Siya ay nagagalak sa hinaharap dahil alam niyang ang kanyang Panginoon ang may kontrol sa lahat ng bagay (Kawikaan 31:25, 30). Ang talata 30 ang susi sa buong sitas dahil ang isang babae ay hindi maaaring maging isang makadiyos na asawang babae ng walang pagkatakot sa Panginoon. Ang pagsunod ng isang makadiyos na asawang babae kay Jesus at ang kanyang pananatili sa Kanya ang magdadala ng bunga ng kabanalan na makikita sa kanyang buhay (tingnan sa Juan 15:4).
Panghuli, ang isang makadiyos na asawa ng babae ay dapat na maging masunurin sa kanyang asawabg lalaki (Efeso 5:22). Ano ang hitsura ng isang babaeng masunurin na asawa? Hindi ito gaya ng pangkaraniwang deskripsyon. Itinuturo ng Bibliya na si Jesus ay nagpapasakop sa Kanyang Ama (Juan 5:19). Si Jesus ay kapantay ng Ama (Juan 10:30). Samakatwid, ang isang masunuring asawa ay hindi mas mahalaga bilang isang tao; ang kanyang tungkulin ay hindi walang halaga — ngunit kakaiba. Alam ng mga Kristiyano na si Kristo ay Diyos sa lahat ng bagay katulad ng Ama (at ng Banal na Espiritu), ngunit ang bawat isa ay may iba't ibang papel na ginagampanan sa pagtubos. Gayundin naman, ang bawat lalaki at babae ay may iba't ibang papel na ginagampanan sa relasyong magasawa. Kaya, para sa isang asawang babae, ang pagpapakumbaba sa kanyang asawa tulad ni Kristo sa Ama, nangangahulugang ng kusang loob na pagpapahintulot sa asawa na manguna. Si Hesus ay kusang nagpunta sa krus, bagaman hindi walang pagkabalisa (Mateo 26:39). Alam ni Kristo na ang paraan ng Ama ang pinakamahusay. Maaaring mahanap ng isang makadiyos na asawa ang landas ng ppagpapasakop na mahirap gawin minsan, ngunit ang pagsunod sa Diyos ay laging magreresulta sa mga espiritwal na gantimpala sa walang hanggan (1 Timoteo 4: 7-8).
Inihahalintulad ng Bibliya ang pagpapasakop sa asawa sa pagpapasakop sa Diyos (Efeso 5:22). Sa madaling salita, kung ang isang asawang babae ay hindi makapagpasakop sa kanyang asawa, ito ay nagpapakita ng kanyang hindi pagpapasakop kay Cristo. Ang pagpapasakop ay hindi nagpapahiwatig ng kahinaan; Ang isang masunuring asawang babae ay matalino at mahalaga. Ang pagpapasakop ay nangangailangan ng lakas, dignidad, at debosyon gaya ng natutunan natin mula sa Kawikaan 31.
Ang Kawikaan 31 ay nagpapakita ng magandang halimbawa. Ang isang babae ay maaaring maging isang makadiyos na asawa bagama't hindi siya perpekto (alam natin na walang perpektong tao). Subalit habang lumalago ang isang asawa sa kanyang kaugnayan kay Cristo, lalo siyang lumalago sa kabanalan sa kanyang buhay may-asawa. Ang pagiging makadiyos ay madalas na kasalungat sa sinasabi ng sekular na lipunan na dapat hangarin ng isang babae. Gayunpaman, bilang mga kababaihan ng Diyos, ang ating unang naisin ay dapat palaging kung ano ang nakalulugod sa Diyos.
English
Ano ang ibig sabihin ng makadiyos na asawang babae?