Tanong
Ano ang ibig sabihin na maging isang makadiyos na asawang lalaki?
Sagot
Kapag nagtatanong kung paano maging isang makadiyos na asawang lalaki, ang isa sa mga katotohanan na kinikilala ay walang sinumang taong natural na makadiyos. Ni ang mga lalaki o babae ay maaaring maging gaya ng ninanais ng Diyos sa kanila, sa kanilang sariling lakas. Kinakailangan munang magsuko ng buhay sa pagkapanginoon ni Hesu Kristo upang maging isang makadiyos na asawang lalaki o babae. Upang maging "makadiyos" nararapat muna na mayroon tayong tunay na Diyos. Kung nananahan sa atin ang Kanyang Espiritu, pinalalakas Niya tayo upang mabuhay ng makadiyos na pamumuhay (Galacia 2:20; Tito 2:12).
Ipinaliwanag sa Filipos 2:3-4 ang pundasyon para sa lahat ng makadiyos na ugnayan, kabilang ang pag-aasawa: "Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag bagkus magpakababa kayo at huwag ipalagay na kayo'y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili." Sa pag-aasawa, nangangahulugan ito na sinoman sa asawang lalaki at asawang babae ay hindi na ang may kapamahalaan sa kanilang sarili. Kusang isinuko ng isa't isa ang kanilang karapatan na gawin ang anomang ibig nilang gawin. Mahirap ito para sa mga lalaki, lalo na kung sila ay nag-iisa sa buhay sa loob ng mahabang panahon. Maaaring hindi maisip ng isang lalaki na hindi ganoon ang pagkagusto ng kanyang asawa sa football game ay tulad ng pagkagusto niya. Ngunit ang mga talatang ito ay nagtuturo sa atin na na isaalang-alang ang damdamin at pananaw ng iba, sa halip na ipalagay na tulad natin ang kanilang pagiisip.
Sinasabi sa 1 Pedro 3: 7, "Mga asawang lalaki, pakitunguhan ninyong mabuti ang inyu-inyong mga asawa, sapagkat sila'y mahina, at tulad ninyo'y may karapatan din sa buhay na walang hanggang kaloob sa inyo ng Diyos. Sa gayon, walang magiging sagabal sa inyong panalangin." "Ang salitang "mahina" sa talatang ito ay madalas na hindi nauunawaan. Hindi ito nagpapahiwatig ng pigging mas mababa ang halaga, dahil patuloy ang talata sa pagpapahayag na ang babae ay kasamang tagapagmana ng kanyang asawa. Sa konteksto ng talatang ito, ang "mahina" ay nangangahulugan na ang isang babae ay hindi dapat tratuhin na gaya ng "isang lalaki." Siya ay nilikhang kakaiba, sa katawan at espiritu. Ang "pangunawa" ang susi. Dapat pag-aralan ng asawang lalaki ang kanyang asawa, alamin kung sino siya, at alamin ang kanyang mga lakas at kahinaan. Ang pisikal na komprontasyon, pananakit sa sa salita, at emosyonal na kapabayaan ay walang lugar sa isang Kristiyanong pag-aasawa. Para mabuhay ng may paguunawaan dapat na may kakayahan ang isang asawang lalaki na kontrolin ang kanyang sariling mga pangangailangan at pagnanasa upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang asawang babae. Hindi niya dapat na minamaliit ang kanyang mga kontribusyon sa pamilya, o umasa sa kanya na gawin ang ipinagagawa sa kanya ng Diyos. Ang pag-aaral sa mga kahinaan at kalakasan ng isang babae ay isang habang buhay na pagsisikap, at nais niyang maging isang eksperto dito.
Ipinagpatuloy sa Efeso 5 ang paglalarawan sa isang makadiyos na asawang lalaki. Sinasabi sa talata 25, "Mga asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, tulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya at ibinigay ang kanyang sarili para sa kanya." Ang paghahambing na ito kay Cristo at sa iglesia ay nagpapahiwatig ng maraming bagay. Dapat ipakita ng asawang lalaki ang pagsasakripisyo, walang kundsiyong pagmamahal sa kanilang mga asawa tulad ng pagmamahal ni Jesus sa Kanyang kasintahan, kahit na tayo ay hindi nagpipigil, masuwayin, at hindi kaibig-ibig. Sinabi pa sa tatalang 28, "Dapat mahalin ng mga lalaki angkanilang mga asawang babae bilang kanilang sariling katawan. Ang umiibig sa asawa ay nagmamahal sa sarili. "Ang mga lalaki ay walang problema sa nagmamahal sa kanilang sariling mga katawan. Ang kasiyahang sekswal, lakas at iba pang pisikal na pangangailangan ay kadalasang inuuna nila sa lahat. Tinuturuan ng Diyos ang mga asawang lalaki na bigyan ang kanilang asawa ng ganoon ding prayoridad gaya ng pagbibigay prayoridad sa kanilang pangangailangang pisikal. Kusang loob na ipinailalim ni Jesus ang Kanyang sariling katawan sa pang-aabuso, kahihiyan, at pangangailangan para sa kapakanan ng Kanyang kasintahan, ang iglesya. Ito ang modelo na ibinigay ng Banal na Kasulatan na dapat tularan ng mga asawang lalaki.
Nais ng mga Kristiyanong asawang babae ang makadiyos na pamumuno, hindi diktadura. Gayunpaman, hindi maaaring mag-akay ang siang tao sa kanyang kapwa patungo sa isang lugar na hindi pa niya nararating. Ang isang lider ay nauuna, gumagawa ng daan, nakikipagbuno sa mga espiritwal na isyu at nagtuturo ng Salita ng Diyos sa kanyang pamilya. Ang patuloy na personal na pakikipag-ugnayan kay Jesus ay napakahalaga para mapamunuan ang pamilya. Pinapanagot ng Dios ang mga lalaki sa espiritwal at pisikal na kagalingan ng kanilang mga pamilya (1 Timoteo 5:8). Kahit na ang asawang babae ay maaaring higit na mahusay sa pagtuturo at pangunguna, ang asawang lalaki pa rin ang dapat na manguna sa pagtuturo sa kanilang mga anak. Dapat siyang manguna sa pamamagitan ng pagbibigay halimbawa sa pagdalo sa pananambahan, pagbabasa ng Bibliya, pananalangin, at sa mga espiritwal na disiplina. Mahirap para sa isang Kristiyanong asawang babae na igalang ang kanyang asawa sa iba pang bagay kung hindi niya mapangalagaan ang kanyang espiritwalidad.
Kapwa ay makikinabang ang mga binata at mga lalaking may asawa sa mga katangiang ito ng isang makadiyos na pinuno. Ang isang lider ay:
• Una sa lahat ay isang tagapaglingkod (Mateo 23:11)
• Nagpapaturo (Kawikaan 19:20)
• Puspos ng Banal na Espiritu (Gawa 6: 3)
• Masigasig sa kanyang gawain (Efeso 6: 7)
• Isang halimbawa sa pagpapakumbaba at pagpapatawad (1 Pedro 5: 6; Efeso 4:32)
• Mapagmahal sa kanyang mga pinangungunahan (Mateo 5:46; Juan 13: 34-35)
• Handang tumanggap ng kabiguan at pagtutuwid kung saan kailangan pa niyang lumago (Filipos 3:12)
Maaaring maging isang makadiyos na asawang lalaki ang isang tao sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga sumusunod:
1. Ipinakikita ba ng iyong iskedyul na ang iyong pamilya ang pangunahing priyoridad sa iyong oras, enerhiya, at layunin?
2. Tinatanggap mo ba ang payo ng 1 Pedro 3: 7 at talagang pinag-aaralan mo ang iyong asawa?
3. Nangunguna ka ba sa pag-aakay sa iyong asawa sa mga espiritwal na bagay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga bagay na itinuturo sa iyo ng Diyos?
4. Ikaw ba ay sensitibo sa pisikal at sekswal na pangangailangan ng iyong asawa? Ang kanyang mga pangangailangan ay naiiba kaysa sa iyo, at iginagalang ito ng isang makadiyos na asawang lalaki at hindi pinagkakaitan o pinarurusahan ang asawa.
5. Tinatanggap mo ba ang pantay na pananagutan para sa pagpapalaki sa mga bata? Kahit na mas mahusay sa ilang aspeto ng pagiging magulang ang iyong asawa, ang iyong mga anak ay iyong responsibilidad. Kailangan ng iyong asawa ang katuwang na handang makibahagi sa pasanin niyang ito.
6. Suriin ang tono ng boses. Nagiging ugali mo na ba ang kabagsikan, paninisi, o di-pagsang-ayon?
7. Ginagawa mo ba ang pisikal o verbal na pang-aabuso? Mananagot ka sa Diyos sa iyong mga ginagawa at sinasabi sa iyong asawa.
8. Sa mga bagay kung saan mahina ang iyong asawa, tinutulungan mo ba siya na lumago sa halip na punahin o siraan siya sa iba?
9. Ikaw ba ay isang mabuting tagapakinig? Kailangan ng iyong asawa na ibahagi ang kanilang mga damdamin, at dapat kang maging isang pinakaligtas na lugar para gawin niya iyon.
10. Ikaw ba ang tagapag-alaga ng kanyang puso, pangarap, at pagpapahalaga sa sarili? Hikayatin mo siya na lumapit sa Diyos sa isang paraan na ang kanyang pinakamalalim na emosyonal na pangangailangan ay natutugunan.
Madalas na sinusukat ng mga kalalakihan ang kanilang mga sarili sa mga panlabas na bagay na wala sa kanilang kontrol. Nawawala at pansamantala lamang ang pera, katanyagan, kakayahang pisikal, at kapangyarihan. Gayunman, maaaring piliin ng isang asawang lalaki na sumunod sa utos ng Diyos, mahalin ang kanyang asawa at pamunuan ang kanyang pamilya at gawin itong pamantayan ng tagumpay. Ang isang masayang asawang babae ay isang patotoo ng kanyang asawa. Bagama't hindi siya mananagot sa pagtugon ng kanyang asawa, kayang kontrolin ng bawat asawang lalaki kung gaano kagaling niyang sinusunod ang halimbawa ni Jesus sa pagmamahal at pamumuno sa mga ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos.
English
Ano ang ibig sabihin na maging isang makadiyos na asawang lalaki?