settings icon
share icon
Tanong

Ipinangako ba ng Bibliya na ang pagpapalaki sa mga anak ayon sa katuruan ng Diyos ay laging magbubunga sa makadiyos na mga anak (Kawikaan 22:6)?

Sagot


Sinasabi sa Kawikaan 22:6, "Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan." Ipinapangako ba sa talatang ito na magiging masunurin sa Diyos ang mga bata hanggang sa kanilang pagtanda kung palalakihin sila sa makadiyos na pamamaraan? Paano ang mga anak na nagrebelde sa kanilang mga makadiyos na magulang?

Ang Kawikaan ay isang porma ng literatura, hindi mga direktang pangako ng Diyos; sa halip, ang mga Kawikaan ay mga pangkalahatang obserbasyon sa buhay na kadalasang nagaganap sa realidad. Makakatulong ito upang ipaliwanag kung bakit may mga magulang na buong tapat na pinalaki ang kanilang mga anak sa pagsunod sa Diyos ngunit nagrebelde pa rin sa kanila ng lumaki na ang mga ito.

Itinuturo sa Kawikaan 22:6 na totoo sa pangkalahatan na kung ang isang bata ay palalakihin na tinuturuan na umibig sa Diyos, magpapatuloy siya sa pag-ibig sa Diyos hanggang sa kanyang pagtanda. Ito ang obserbasyon sa buhay tatlong libong taon na ang nakararaan at patuloy pa ring nagagnap ngayon. Karamihan ng mga Kristiyanong magulang na pinalaki ang kanilang mga anak sa makadiyos na paraan ang nagiiwan ng mga anak na umiibig sa Diyos hanggang sa kanilang pagtanda. Ang pagpapalaki sa mga anak sa "disiplina at aral ng Panginoon" (Efeso 6:4) ay dramatikong nagpapataas ng posibilidad na mananatiling tapat ang bata sa Panginoon sa dako pa roon ng kanyang buhay.

Ang isang napakagandang halimbawa ng prinsipyong ito ay makikita sa buhay ni Timoteo. Sinabi ni Pablo, "Hindi ko nalilimutan ang tapat mong pananampalataya, na naunang tinaglay ng iyong lolang si Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong nasa iyo rin ang pananampalatayang ito." Parehong inibig ng ina at lola ni Timoteo ang Panginoon at pinalaki si Timoteo sa aral ng Panginoon. Sumama si Timoteo kay Pablo bilang isang batang misyonero at naging isa sa kanyang mga pinagkakatiwalaang kasama. Binanggit ang pangalan ni Timoteo sa Bagong Tipan ng 25 beses bilang isang misyonero, katulong ng mga apostol, at pastor.

Kinakailangan ang makadiyos na pagpapalaki sa mga anak sa ating panahon, gaya ng kung paanong kinailangan ito sa buong kasaysayan. Ang mga magulang ang susi sa pagpapalaki ng mga makadiyos na babae at lalaking umiibig sa Diyos at nabubuhay para sa Kanya. Sa kabila ng pagpapala ng impluwensya ng mga pastor, tagapanguna sa mga kabataan, at ng iba pang makadiyos na Kristiyano, walang papalit sa papel na ginagampanan ng mga makadiyos na magulang para sa kanilang mga anak upang maipamuhay nila ang kanilang pananampalataya. Ito ang dahilan kung bakit tama ang obserbasyon ng manunulat ng Kawikaan, "Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ipinangako ba ng Bibliya na ang pagpapalaki sa mga anak ayon sa katuruan ng Diyos ay laging magbubunga sa makadiyos na mga anak (Kawikaan 22:6)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries